Linggo, Hulyo 14, 2019

Paghandaan ang pagtaas ng sukat ng dagat sa 2030

PAGHANDAAN ANG PAGTAAS NG SUKAT NG DAGAT SA 2030

kaming mga aktibistang Spartan
ay naghahanap din ng katarungan
di lang nagpapalaki ng katawan
o laging naghahanda sa digmaan
kami'y nagsusuri din sa lipunan
at iniisip ang wastong katwiran

kami'y di lamang mga mandirigma
handa rin sa paparating na sigwa
sa nagbabagong klima'y naghahanda
sa kalamidad at mapipinsala
sukat ng dagat tataas, babaha
ang klimang nagbabago'y nagbabanta

pag-isipan ang pagtaas ng dagat
upang sa madla ito'y isiwalat
paano kung ilang piye'y iangat
at mga isla'y lumubog ngang sukat
paghandaan ito't magtulungan ang lahat
bago pa tayo lamunin ng dagat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Miyerkules, Abril 3, 2019

Halina't mag-yosibrik

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ekobrik
sa boteng plastik ay ipasok ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging yosibrik

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

Lunes, Pebrero 22, 2016

Pagsasanay sa Climate Reality ngayong Marso 14-16, 2016

PAGSASANAY SA CLIMATE REALITY NGAYONG MARSO 14-16, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na rin akong inimbita para mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore. Ang problema ko noon ay sa ibang bansa gaganapin at kailangan ng malaking halaga para sa spnsorship. Libre ang training, ngunit bahala ka sa gastos sa eroplano mo at hotel booking. Hindi kaya ng bulsa ko ang gastusin.

Ngayong 2016, gaganapin na ito sa Maynila sa Marso 14-16. Kaya agad akong nagpasa ng application form at nagbakasakaling isa sa mga mabigyan ng pagkakataong makapag-training kay Al Gore. Libre ang training at di na magastos dahil Maynila lang ito, malapit sa CCP Complex. Mas maliit ang gastos kumpara sa libreng training sa ibang bansa. Di ko na rin kailangang mag-hotel booking dahil di na ako sa hotel tutuloy kundi sa bahay ng nanay ko sa Maynila.

Ang kalaban ko lang dito sa atin ay traffic. Kaya matulog ng maaga, ayusin ang alarm clock, agahan ang gising at pagkilos upang makarating ng on time sa training.

Maraming salamat at natanggap ako bilang isa sa mga magte-training kay Al Gore. Una kong narinig na sinabi niyang ilulunsad ang next training ng Climate Reality Project sa Marso 2016 dito sa Pilipinas nang makadaupang-palad namin siya sa Green Zone ng COP 21 sa Paris nitong Disyembre 2015, kasama ang iba pang mga naglakad sa climate pilgrimage.

Sa muli, maraming salamat sa pagkakataong ito na ibinigay sa inyong lingkod.

Nuong nakaraang Enero nang ako ay mag-apply sa training na ito ay nakasulat sa application form kung ano ang sampung gagawin ko matapos ang tatlong araw na training na ito. At ito ang aking isinagot:

1. Organize a climate event on April 22 (International Earth Day), June 5 (World Environment Day), and other days relating to the climate and the environment)

2. Write an article, whether it be news article, features and essay, about the climate.

3. Interview people and conducting researches on areas devastated by climate change in the Philippines.

4. Write a blog about climate and sharing it to social media.

5. Research certain laws on climate, form a group to review and analyze it, and then give a suggestion on congress and senate.

6. Give a talk on climate forum in schools, offices, and communities.

7. Organize mass mobilizations for the issue of climate justice.

8. Write a poem twice a week about the issue of climate.

9. Talk with village chieftains in the rural areas about the issue of climate change.

10. Publish a book of poems, stories, and essays, regarding climate.

Ang sampung ito ang ipinangako kong aking gagawin matapos ang training. Kaya pagbubutihan ko ang pag-aaral na ito, dahil bihira ang pagkakataong ibinigay na ito, at masarap sa pakiramdam na isa ako sa nabigyan ng bihirang pagkakataong ito. Kaya maraming, maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta upang isa ako sa matanggap na mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore.

Tinanong din ako ako sa application form kung anu-ano ang mga samahang ire-representa ko sa Climate Reality Project, at ito ang mga inilagay ko. Isinulat ko muna ay Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Akala ko, sapat na iyon. Nagtanong uli kung ano pa. Isinulat ko naman ay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Enter sa computer. Ano pa raw organisasyon. Kaya inilagay ko naman ay SANLAKAS. Enter uli sa computer. Akala ko, marami pang itatanong na org, pero hanggang tatlo lang. Kaya ang tatlong iyan ang nire-represent ko sa training ng Climate Reality Project ngayong Marso. Para kumpleto, nagpasa rin ako ng aking litrato at resume.

Maraming salamat sa mga kasama sa PMCJ, Climate Walk from Manila to Tacloban (2014), People's Pilgrimage from Rome to Paris (2015), Jubilee South - Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JS-APMDD), SANLAKAS, BMP, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA),  Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), at sa itinayo kong grupong pampanitikan na Maso at Panitik, sa Green Collective, Green Convergence, Green Peace, Green Coalition, Diwang Lunti, Nuclear-Free Pilipinas, Consumer Rights for Safe Food (CRSF), at marami pang iba.

Nawa'y malaki ang maitulong ng training na ito sa ating kampanya para sa climate justice. Tulad ng isinisigaw namin sa 1,000 km na Climate Walk noong 2014 mula Maynila hanggang Tacloban, "Climate Justice, Now!"

Sabado, Disyembre 12, 2015

Lunes, Nobyembre 30, 2015

Lakad sa Paris

Sumama kami sa malaking aktibidad sa lugar na Republique sa Paris, kung saan naglatag ng maraming sapatos bilang simbolo ng mga taong hindi makasama ng pisikal kundi sa puso’t diwa dito sa Paris, bilang pakikiisa nila sa panawagang Climate Justice. Ito’y simbolo rin ng naudlot na malawakang pagkilos o Climate March na nakatakda sanang ganapin dito sa Paris ng Nobyembre 29, 2015. Simbolo rin ang mga sapatos ng panawagan mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang magkaroon ng mas magandang resulta at kasunduan ang pag-uusap ng mga world leaders sa COP 21 sa Paris ngayong Disyembre 2015.
#ClimateWalk #ClimatePilgrimage

Sabado, Oktubre 3, 2015

Pagtahak sa landas na makitid

Pagbati sa unang anibersaryo ng umpisa ng Climate Walk 2014, mula sa Kilometer Zero (Manila) hanggang Ground Zero (Tacloban), Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng daluyong at bagyong Yolanda.

Martes, Setyembre 29, 2015

Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Tula sa Climate Pilgrimage

magkasama sa Climate Walk noon
hanggang sa Climate Pilgrimage ngayon
upang ipagpatuloy ang misyon
para sa Climate Justice na bisyon

magpapatuloy sa bawat hakbang
daanan man ay gubat at parang
ang matataas mang kabundukan
ang patag at magulong lansangan

pumarito na at paparoon
dala sa puso'y mabuting layon
dala sa diwa'y kamtin ang bisyon
dala sa paa'y tupdin ang misyon

danas man ay sakripisyo't luha
damhin ma'y malasakit at tuwa
tangan sa dibdib yaong adhika
para sa daigdig, kapwa't bansa

sadyang nagkakaisa ngang tunay
na itutuloy ang paglalakbay
ihahasik sa kapwa ang gabay
na Climate Justice na aming pakay

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 19, 2015

Laudato Si, naisalin na sa wikang Filipino

LAUDATO SI, NAISALIN NA SA WIKANG FILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salamat sa mga kasama sa Climate Walk. Nang dahil sa kanilang pagtitiwala sa kakayahan ng inyong lingkod ay pinagsikapan kong isalin sa wikang Filipino ang Laudato Si, ang bagong Ensikliko ni Pope Francis. Sa ngayon ay natapos na ang salin sa wikang Filipino ng Laudato Si. Ilang editing na lang at maaari nang ilathala.

Ang Climate Walk ay isang mahabang lakaran mula Kilometer Zero (Luneta) hanggang Ground Zero (Tacloban) na ginanap mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Nitong Hunyo 18, 2015, naglakad ang ilang kasapi ng Climate Walk mula sa Kilometer Zero hanggang Simbahan sa Remedios Circle sa Malate, kasama na ang ilang parishioner nito. Nagkaroon ng programa sa loob ng simbahan hinggil sa Ensiklikong pinamagatang Laudato Si, o "Praise Be!" na isinulat ni Pope Francis. Ito'y sulatin ng Simbahan hinggil sa kalagayan ng ating mundo, tungkol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa daigdig, at anong dapat nating gawin sa nagbabagong klima, o climate change.

Matapos ang programa, napag-usapan ng ilang kasapi ng Climate walk kung gaano kahalaga ang nilalaman ng Laudato Si at dapat itong maipaunawa sa mamamayan. Kaya kinausap ako nina Rodne Galicha ng Climate Reality at Naderev "Yeb" Saño, dating Commissioner ng Climate Change Commission, na maisalin ito sa wikang Filipino, na agad kong sinang-ayunan. Isang malaking karangalan na sa akin ipinagkatiwala ang pagsasalin ng mahabang dokumentong iyon, na umaabot ng 246 na talata at 82 pahina sa pdf file. Kaya agad kong sinaliksik ang dokumentong iyon sa internet at ang-download ng pdf file, na siya kong isinalin.

Sinimulan ko ang pagsasalin noong Hunyo 24 at ginawan ko ito ng blog sa internet upang makita na ng mga kasama ang unti-unting pagsasalin ng Laudato Si. At natapos ko naman ang salin noong Setyembre 16, 2015. Kaya umabot ito ng higit sa dalawa't kalahating buwan. Makikita ito sa http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/. Bawat araw ay isinasalin ko muna ang limang talata, at ina-upload. Kumbaga, isinisingit ko sa gabi, o sa libreng oras sa araw ang pagsasalin.

Kung nagsimula ako ng Hunyo 24, at limang talata kada araw, dapat matatapos ko ang 246 na talata ng Agosto 12, 2015. (246 talata divided by 5 equals = 49.2 o 50 days)  Ngunit dahil sa dami ng trabaho, at may isinasalin ding ibang dokumento, ay nabinbin din ang pagsasalin ng Laudato Si. Nais ko sanang matapos iyon nang maaga. Noong Hulyo ay nakapagsalin ako ng 50 talata, Hulyo ay 120 talata, Agosto ay 25 lamang, at Setyembre ay 51 talata.

Mahirap din ang magsalin, dahil kinakailangan mong hanapin ang angkop na salin at kahulugan ng salita, at kung mayroon ba itong katumbas sa wikang Filipino. Nakatulong ng malaki sa pagsasalin ang English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang UP Diksyunaryong Filipino, at ang Wikipedia.

Sa Wikipedia ko nakita ang salin ng Holy See, o Banal na Sede. Nakita ko naman sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang salin ng dam sa Filipino, at ito'y saplad. Sa pahina 175 ng UP Diksyunaryong Pilipino nakita ko naman ang angkop na salin ng biodiversity (bá-yo-day-vér-si-tí) na nangangahulugang pagkakaiba-iba ng mga haláman at hayop, at ito'y saribuhay. Sa Wikipedia ay nakita kong ang salin ng cereal ay angkak o sereales.

Bilang makata, mahalaga ang mga salin sa wikang Filipino upang magamit sa pagtula, at maipaunawa sa iba na hindi dapat laging ginagawang Kastila ang mga wikang Ingles pag isinasalin sa wikang Filipino. Ang community na isinasalin ng komunidad (na sa Kastila ay comunidad) ay may salin pala sa wikang Filipino, at pamayanan ang tamang salin ng community sa wikang Filipino.

May mahirap ding hanapan ng salin, tulad ng aquifer - akwiper na nasa talata 38. An aquifer is an underground layer of water-bearing permeable rock or unconsolidated materials (gravel, sand, or silt) from which groundwater can be extracted using a water well. Hinanap ko ang katumbas nito sa UP Diksyunaryong Filipino at sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ngunit wala ito roon. Marahil may katumbas na salita ito sa wikang Filipino na alam ng mga mangingisda.

May salin din na tila hindi angkop, tulad ng salitang collateral sa talata 49 na ang salin ay ginarantiyahan, ayon sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, p. 167. Kaya pag isinalin natin ang collateral damage, ito'y magiging ginarantiyahang pinsala, na palagay ko'y hindi talaga angkop. Dahil sa digmaan, ang sinumang sibilyang madamay sa digmaan, minsan ay itinuturing na collateral damage, o sa pagkaunawa agad, ito'y mga nadamay lang ngunit hindi dapat mamatay. Subalit pag isinalin mo na sa wikang Filipino, kung ang mga sibiliyang nadamay na iyon ay collateral damage, ibig sabihin ba, ginarantiyahan ang pinsala sa kanila? Hindi angkop.

Kaya mahalaga sa pagsasalin ang buong pag-unawa sa buong pangungusap at buong teksto upang hindi sumablay sa pagsasalin.

Gayunman, dadaan pa sa mas madugong editing ang natapos na salin upang matiyak na akma ang mga salin. Marami pang dapat gawin matapos ang buong pagsasalin, dahil bukod sa madugong editing ay ang pagdidisenyo nito bilang aklat at pagpapalathala.

Halina't tingnan ang salin ng Laudato Si sa:
http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/.

Lunes, Setyembre 7, 2015

Maraming salamat po, Cardinal Tagle

Mula sa facebook, ibinahagi ni kasamang Nitya
Mula sa facebook, endorsement ni Cardinal Tagle