Linggo, Setyembre 8, 2019

Huwag maging makasarili, iligtas din ang kapwa

"Think lightly of yourself and think deeply of the world." ~ Miyamoto Musashi

ang sarili'y huwag mo gaanong pakaisipin
kundi ang daigdig ay paano natin sagipin
huwag maging makasarili, o ang maging sakim
lalo't mundo'y nahaharap sa matinding panimdim

matindi ang global warming, dagat ay umaangat
dambuhalang tipak ng yelo'y natunaw sa dagat
nangyayaring krisis sa klima ngayo'y nauungkat
may magagawa bang mabilisan pag naghabagat

isipin natin ang kinabukasan ng daigdig
tungkulin ng bawat isa'y makipagkapitbisig
upang malutas ang suliraning nakatutulig
paano bang mapanira ng mundo'y mauusig

huwag laging isipin lang ay sariling pamilya
o sariling kaligtasan, kapwa'y di isinama
magpakatao tayo't makipagkapwa sa iba
iisa lang ang mundong tahanan ng bawat isa

ang problema sa krisis sa klima'y nakasisindak
kaya isipin na rin ang bukas ng mga anak
pagtutulungan ng mga tao'y dapat lumawak
upang sa krisis sa klima'y di tayo mapahamak

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 1, 2019

Habang may buhay, may baha?

HABANG MAY BUHAY, MAY BAHA?

anang isang kasama, "Habang may buhay, may baha"
ganito kasi ang nangyayari sa aking bansa
paano na kung labing-isang taon pa'y lalala
at lulubog ng ilang metro ang buong Maynila
maraming sakit ang lalaganap, nakakahawa

pagbaha sa Maynila'y akin nang kinalakihan
kinder pa lang ako'y maraming bahang naranasan
pag bumaha sa amin, maraming bahang lansangan
lulusong ka sa baha pag bibili sa tindahan
lumulubog ang kalsada sa tikatik mang ulan

sa pagtingin ng Philippine Movement for Climate Justice
nahaharap na ang taumbayan sa climate crisis
at climate emergency na baka dugo'y tumigis
sa ganitong isyu't problema'y di dapat magtiis
kung susuriin, labing-isang taon ay kaybilis

nagbabago na ang klima, nasa emerhensiya
kung operasyon ng coal plants ay magpapatuloy pa
mundo'y lalong iinit, matatamaan ang masa
tataas na ang dagat, lulubog ang mga isla
bago pa lumala, dapat tayong magsikilos na

kaya ikampanyang plantang coal ay dapat itigil
pagsasapribado ng serbisyo'y dapat mapigil
dapat ang ating gobyerno'y huwag maging inutil
pagkat ang dulot ng climate emergency'y hilahil
sagipin ang mga buhay na di dapat makitil

- gregbituinjr.

* labing-isang taon - 2019-2030, na batay sa ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) noong Oktubre 2018, na dapat magbawas na ng paggamit at pagsusunog ng fossil fuels, dahil kung hindi, pag naabot ng daigdig ang pag-iinit ng mundo sa 1.5 degree Celsius, sa 2030, tayo ay nasa point of no return; ibig sabihin, ang bagyong tulad ng Yolanda ay magiging karaniwan na lamang

Biyernes, Agosto 30, 2019

Tula hinggil sa tagapagpadaloy

TULA HINGGIL SA TAGAPAGPADALOY
ni Greg Bituin Jr.

1
tagapagpadaloy - tulad sa bangka, tagatimon
sa aktibidad upang umayos at naaayon
sa takdang adhika at layuning napapanahon
upang sa tukoy na problema'y agad makatugon
2
dapat din siyang kumilos bilang tagasuporta
sa gawain, maiayos ang daloy ng programa
naglalatag ng paniwala sa nakakasama
at mapalitaw ang mga malikhaing ideya
3
dapat umiral ang tiwala at pagiging bukas
nang mabuo ang istratehiyang magpapalakas
sa kanila't mayroon ding planong magpapagilas
upang makatugon sa mga problemang namalas
4
impormasyon hinggil sa puntiryang grupo'y malaman
upang likhain ang motibasyon at kamalayan
upang magkaroon din ng kumpiyansa ang tanan
upang tukoy na problema'y mabigyang katugunan
5
may kampanyang motibasyon ang tagapagpadaloy
alamin ang problemang magdadala sa kumunoy
kaya lutasin malutas ang mga problemang natukoy
at mga kalahok ay bigyang inspirasyon tuloy
6
mabuhay ang tagapagpadaloy sa papel nila
nang makatugon ang mga kalahok sa problema
mabuhay ang pagbibigay inspirasyon sa masa
nang mabuo ang tiwalang malutas ang problema

* Inihanda ng makata para sa Training of Trainers (ToT) ng programang Building Safe, Sustainable, Resilient Communities (BSSRC) ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Agosto 31, 2019

Biyernes, Agosto 23, 2019

Tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

maililigtas pa ba natin itong kalikasan
mula pagkasira dulot ng pabaya't gahaman
ang ilog at dagat ay ginagawang basurahan
pati polusyon sa hangin ay karaniwan na lang

para sa kapaligiran, kayraming dapat gawin
ang pangangalaga nito'y magandang simulain
ang mga naglipanang plastik ay ating tipunin
mga naipong tubig-ulan ay magagamit din

nakakapanikip ng dibdib ang hanging marumi
tila ba sa bawat paghinga'y makapagsisisi
nagbabagong klima'y naririto't nais pumirmi
sa hiyaw ng kalikasan, ikaw ba'y mabibingi

huwag hayaang upos ay lumulutang sa dagat
huwag hayaang sa basura, lupa'y bumubundat
halina, kaibigan, gawin ang nararapat
tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

- gregbituinjr.

Pagpupugay at pasasalamat kay Ms. Gina Lopez

Ms. Gina Lopez, sa 'yo'y taas-noong pagpupugay
sa usaping pangkalikasan, moog kang matibay
naging pinuno ng D.E.N.R., lider na tunay
sa pagiging sekretaryo'y namuno nang mahusay
ginawa ang nararapat sa adbokasyang taglay

ipinasara ang maraming minahan sa bansa
ipinagtanggol pati mga katutubo't dukha
itinuring na kapatid ang araw, hangin, lupa
isinaalang-alang ang kagalingan ng madla
kaysa sa interes ng negosyo, kahanga-hanga

iba man ang uring pinanggalingan, natatangi
kinalaban ang mapagsamantala't walang budhi
kaayusan ng kapaligiran ang nilunggati
ang kabutihan ng nakararami ang pinili
pinunong ipagmamalaki ng sinumang lahi

sa D.E.N.R. ay naging mahusay na pinuno
sa Bantay Bata'y nangasiwa nang bata'y mahango
mula sa kaapihan, upang di na masiphayo
mga ginawa'y kinilala sa maraming dako
tunay na halimbawa ng tapat na pamumuno

mabuhay ka, Ms. Gina Lopez, sa 'yong kontribusyon
maraming salamat sa matatapang mong desisyon
ginawa mo'y magniningning sa mahabang panahon
ambag mo'y tagos hanggang sa sunod pang henerasyon
ikaw, para sa marami'y tunay na inspirasyon

- gregbituinjr.
08/22/2019
* Nilikha ang tula matapos pumunta sa burol sa ABS-CBN, kasama si misis at ang ilang kasapi ng Zero Waste Philippines matapos ang kanilang aktibidad

Martes, Agosto 20, 2019

Pahimakas kay Ms. Gina Lopez

PAHIMAKAS KAY MS. GINA LOPEZ

Ms. Gina Lopez, marangal, palaban, maginoo
makakalikasan, aktibista para sa mundo
tagapagtaguyod din ng karapatang pantao
sa D.E.N.R. nga, pagsisilbi niya'y totoo

mga mamumutol ng puno ang sinagasaan
pati sumisira ng kagubata't karagatan
ang kapakanan ng katutubo'y ipinaglaban
nag-atas na ipasara ang maraming minahan

tulad ni Francisco ng Assisi'y kanya ring batid
araw, hangin, tubig, lupa'y kanyang mga kapatid
kinalaban ang mga mapagsamantala't ganid
kalabang pulos pera ang isip ay nauumid

siya ang malaking hipong sumalunga sa agos
siya ang dragong pumuntirya sa nambubusabos
siya ang agilang kalikasa'y pilit inayos
siya ang anghel sa mga kalupaang nilapnos

Ms. Gina, minero'y natuwa sa 'yong pagkawalay
ngunit kaming narito'y taas-noong nagpupugay
pamana mo'y mga halimbawa't prinsipyong taglay
sa buong bansa, ngalan mo'y nagniningning na tunay

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 12, 2019

Upos ng yosi'y gawing yosibrik

Kaya mo bang mag-ipon ng mga upos ng yosi?
Kahit di ka nagyoyosi, nais mo lang magsilbi.
Tapon dito, tapos doon kasi ang nangyayari
hanggang sa upos ay maglipana sa tabi-tabi.

Nagyoyosi'y  dapat organisadong nagtatapon
ng hinitit nilang yosi upang ito'y matipon.
Upos ng yosi'y mga basurang dapat mabaon
sa lupa, marahil kalutasang ito ang tugon.

Ang upos ay di dapat palutang-lutang sa dagat.
Gawin itong yosibrik nang tao'y ating mamulat
kaysa naman basurang upos ay pakalat-kalat.
Tayo'y mag-yosibrik, gawain mang ito'y kaybigat.

Sa boteng plastik, mga upos ng yosi'y isiksik
hanggang sa tumigas na parang bato ang yosibrik!

- gregbituinjr.

Lamparaw

LAMPARAW

kung walang kuryente'y gamitin natin ang lamparaw
o solar lamp sa Ingles, lamparang gamit ay araw
dapat paghandaan anumang sakunang dumalaw
harapin natin kahit ang nagbabagong pananaw

sa Asya, pangalawa tayong mahal ang kuryente
mabuting magpalit na't mag-renewable energy
alagaan ang kalikasan, sa bayan magsilbi
murang kuryente na ang hangad ng nakararami

isa lang itong lamparaw sa ating magagamit
na malaking maitutulong sa panahong gipit
may ilawan ka na sa gabing madilim ang langit
saanman magpunta'y madali mo itong mabitbit

magkaroon ng lamparaw ay ating pag-ipunan
nang sa oras ng kagipitan ay may kahandaan

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 10, 2019

Ang upos at kabulukan, ayon sa isang paham

ANG UPOS AT KABULUKAN, AYON SA ISANG PAHAM

paano ba tumira sa dagat ng upos?
tiyak ang pamumuhay mo'y kalunos-lunos
papatianod na lang ba tayo sa agos?
at mabubuhay sa mundong parang busabos?

pangatlo ang upos sa basura sa dagat
at sa upos, isda't balyena'y nabubundat
bakit basurang upos ay ikinakalat?
ng mga walang awang kung saan nagbuhat

minsan, dagat ng basura'y ating lingunin
kaya ba nating linisin ang dagat natin?
kung hindi'y paano ang wasto nating gawin?
upang isda, upos na ito'y di makain

noon, sa aplaya'y nakatitig ang paham
at kanyang nausal habang mata'y malamlam:
"Bulok ang mga taong walang pakialam.
Subalit mas bulok ang walang pakiramdam."

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

Kuha ang litrato mula sa facebook page ng Stop Kaliwa Dam Network

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, Save Sierra Madre Network Alliance, ALMA DAM, SUKATAN, SAGIBIN, PAKISAMA, ALAKAD, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), CEED, Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Piglas Kababaihan, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Haribon Foundation, atbp.

Miyerkules, Agosto 7, 2019

Halina't makibaka, huwag matakot sa ulan

umuulan na naman, habang sa rali'y papunta
mabuti na lang, may sumbrero't dyaket akong dala
dahil sa komitment at isyu'y kasama ng masa
kahit na umuulan, tuloy sa pakikibaka

sumuong man sa ulan, patuloy kami sa rali
upang dalhin sa kinauukulan ang mensahe
dapat pababain nila ang presyo ng kuryente
dapat maging polisiya'y renewable energy

may mahal na kuryente sa Asya'y pangalwa tayo
mula pa planta ng coal ang mga kuryenteng ito
napakaruming kuryente, kaytaas pa ng presyo
aba'y mag-renewable energy na dapat tayo

halina't makibaka, huwag matakot sa ulan
at patuloy nating paglingkuran ang sambayanan

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tulang ito habang papunta ng rali sa Department of Energy (DOE) sa Bonifacio Global City (BGC), Agosto 7, 2019. Kasama sa pagkilos na ito ang mga grupong Power for People Coalition (P4P), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Center for Ecology, Environment and Development (CEED), Piglas-Kababaihan, Oriang, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Sabado, Agosto 3, 2019

Pag-iinit ng mundo

PAG-IINIT NG MUNDO

sa climate change, anang dalawang tagapagsalita
ang kondisyong pag-iinit ng mundo'y lumalala
tumataas na ang sukat ng dagat, nagbabaha
nangyayari sa hinaharap ay di matingkala

anong ating gagawin kung mga isla'y lulubog?
may ahensya ba o bansang dapat tayong dumulog?
paglutas sa climate change ba'y kanino iluluhog?
may magandang mundo pa ba tayong maihahandog?

coal-fired power plants ba'y patuloy pa sa operasyon?
kumpetisyon pa rin ba imbes na kooperasyon?
ang problema ba'y kapitalistang globalisasyon?
na tubo ang una, kalikasan man ay mabaon

di lang isyung ekolohikal kundi pulitikal
ang kundisyon ng klima sa ating mundo'y marawal
kalunus-lunos, buhay ay tila di magtatagal
maaliwalas na umaga pa kaya'y daratal?

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

tag-ulan na naman, di ako agad makauwi
basang-basa sa ulan, tila ako'y ibong sawi
naglutangang dagat ng basura'y nakakadiri
naglalakad sa baha kahit ito'y hanggang binti

tumataas na ang sukat ng dagat sa aplaya
pati matataas na lugar ay binabaha na
dahil ba sa basura, imburnal ay nagbabara?
o ito'y dinulot na ng pagbabago ng klima?

saan na humahapon ang mga langay-langayan?
puno ba sa lungsod ay mawawala nang tuluyan?
agila pa ba'y nakalilipad sa kalawakan?
ang nagbabagong klima ba'y di na makakayanan?

aba'y ngingiti pa kaya ng maganda ang langit?
bakit ba ang panahon ay lagi nang nagsusungit?
anong mga polisiya ang dapat pang igiit?
nang nagbabagong klima'y hinay-hinay sa pagbirit

umuulan na, nais ko nang umuwi ng bahay
sa klimang nagbabago'y paano pa mapalagay?
sa darating na panahon, paano mabubuhay?
kung sa nagbabagong klima'y di tayo makasabay

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Martes, Hulyo 30, 2019

Emisyon

EMISYON

mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak
kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak
ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak
kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak

kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala
ang laksang suliranin ng bayang di maunawa
bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa
at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa

itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis
tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis
malulunasan pa ba ito't ating matitistis
upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis

mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon
na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon
suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon
at baka may mapanukala tayong lunas ngayon

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 14, 2019

Paghandaan ang pagtaas ng sukat ng dagat sa 2030

PAGHANDAAN ANG PAGTAAS NG SUKAT NG DAGAT SA 2030

kaming mga aktibistang Spartan
ay naghahanap din ng katarungan
di lang nagpapalaki ng katawan
o laging naghahanda sa digmaan
kami'y nagsusuri din sa lipunan
at iniisip ang wastong katwiran

kami'y di lamang mga mandirigma
handa rin sa paparating na sigwa
sa nagbabagong klima'y naghahanda
sa kalamidad at mapipinsala
sukat ng dagat tataas, babaha
ang klimang nagbabago'y nagbabanta

pag-isipan ang pagtaas ng dagat
upang sa madla ito'y isiwalat
paano kung ilang piye'y iangat
at mga isla'y lumubog ngang sukat
paghandaan ito't magtulungan ang lahat
bago pa tayo lamunin ng dagat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Miyerkules, Abril 3, 2019

Halina't mag-yosibrik

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ekobrik
sa boteng plastik ay ipasok ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging yosibrik

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

Lunes, Pebrero 22, 2016

Pagsasanay sa Climate Reality ngayong Marso 14-16, 2016

PAGSASANAY SA CLIMATE REALITY NGAYONG MARSO 14-16, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na rin akong inimbita para mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore. Ang problema ko noon ay sa ibang bansa gaganapin at kailangan ng malaking halaga para sa spnsorship. Libre ang training, ngunit bahala ka sa gastos sa eroplano mo at hotel booking. Hindi kaya ng bulsa ko ang gastusin.

Ngayong 2016, gaganapin na ito sa Maynila sa Marso 14-16. Kaya agad akong nagpasa ng application form at nagbakasakaling isa sa mga mabigyan ng pagkakataong makapag-training kay Al Gore. Libre ang training at di na magastos dahil Maynila lang ito, malapit sa CCP Complex. Mas maliit ang gastos kumpara sa libreng training sa ibang bansa. Di ko na rin kailangang mag-hotel booking dahil di na ako sa hotel tutuloy kundi sa bahay ng nanay ko sa Maynila.

Ang kalaban ko lang dito sa atin ay traffic. Kaya matulog ng maaga, ayusin ang alarm clock, agahan ang gising at pagkilos upang makarating ng on time sa training.

Maraming salamat at natanggap ako bilang isa sa mga magte-training kay Al Gore. Una kong narinig na sinabi niyang ilulunsad ang next training ng Climate Reality Project sa Marso 2016 dito sa Pilipinas nang makadaupang-palad namin siya sa Green Zone ng COP 21 sa Paris nitong Disyembre 2015, kasama ang iba pang mga naglakad sa climate pilgrimage.

Sa muli, maraming salamat sa pagkakataong ito na ibinigay sa inyong lingkod.

Nuong nakaraang Enero nang ako ay mag-apply sa training na ito ay nakasulat sa application form kung ano ang sampung gagawin ko matapos ang tatlong araw na training na ito. At ito ang aking isinagot:

1. Organize a climate event on April 22 (International Earth Day), June 5 (World Environment Day), and other days relating to the climate and the environment)

2. Write an article, whether it be news article, features and essay, about the climate.

3. Interview people and conducting researches on areas devastated by climate change in the Philippines.

4. Write a blog about climate and sharing it to social media.

5. Research certain laws on climate, form a group to review and analyze it, and then give a suggestion on congress and senate.

6. Give a talk on climate forum in schools, offices, and communities.

7. Organize mass mobilizations for the issue of climate justice.

8. Write a poem twice a week about the issue of climate.

9. Talk with village chieftains in the rural areas about the issue of climate change.

10. Publish a book of poems, stories, and essays, regarding climate.

Ang sampung ito ang ipinangako kong aking gagawin matapos ang training. Kaya pagbubutihan ko ang pag-aaral na ito, dahil bihira ang pagkakataong ibinigay na ito, at masarap sa pakiramdam na isa ako sa nabigyan ng bihirang pagkakataong ito. Kaya maraming, maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta upang isa ako sa matanggap na mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore.

Tinanong din ako ako sa application form kung anu-ano ang mga samahang ire-representa ko sa Climate Reality Project, at ito ang mga inilagay ko. Isinulat ko muna ay Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Akala ko, sapat na iyon. Nagtanong uli kung ano pa. Isinulat ko naman ay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Enter sa computer. Ano pa raw organisasyon. Kaya inilagay ko naman ay SANLAKAS. Enter uli sa computer. Akala ko, marami pang itatanong na org, pero hanggang tatlo lang. Kaya ang tatlong iyan ang nire-represent ko sa training ng Climate Reality Project ngayong Marso. Para kumpleto, nagpasa rin ako ng aking litrato at resume.

Maraming salamat sa mga kasama sa PMCJ, Climate Walk from Manila to Tacloban (2014), People's Pilgrimage from Rome to Paris (2015), Jubilee South - Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JS-APMDD), SANLAKAS, BMP, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA),  Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), at sa itinayo kong grupong pampanitikan na Maso at Panitik, sa Green Collective, Green Convergence, Green Peace, Green Coalition, Diwang Lunti, Nuclear-Free Pilipinas, Consumer Rights for Safe Food (CRSF), at marami pang iba.

Nawa'y malaki ang maitulong ng training na ito sa ating kampanya para sa climate justice. Tulad ng isinisigaw namin sa 1,000 km na Climate Walk noong 2014 mula Maynila hanggang Tacloban, "Climate Justice, Now!"