Biyernes, Agosto 30, 2019

Tula hinggil sa tagapagpadaloy

TULA HINGGIL SA TAGAPAGPADALOY
ni Greg Bituin Jr.

1
tagapagpadaloy - tulad sa bangka, tagatimon
sa aktibidad upang umayos at naaayon
sa takdang adhika at layuning napapanahon
upang sa tukoy na problema'y agad makatugon
2
dapat din siyang kumilos bilang tagasuporta
sa gawain, maiayos ang daloy ng programa
naglalatag ng paniwala sa nakakasama
at mapalitaw ang mga malikhaing ideya
3
dapat umiral ang tiwala at pagiging bukas
nang mabuo ang istratehiyang magpapalakas
sa kanila't mayroon ding planong magpapagilas
upang makatugon sa mga problemang namalas
4
impormasyon hinggil sa puntiryang grupo'y malaman
upang likhain ang motibasyon at kamalayan
upang magkaroon din ng kumpiyansa ang tanan
upang tukoy na problema'y mabigyang katugunan
5
may kampanyang motibasyon ang tagapagpadaloy
alamin ang problemang magdadala sa kumunoy
kaya lutasin malutas ang mga problemang natukoy
at mga kalahok ay bigyang inspirasyon tuloy
6
mabuhay ang tagapagpadaloy sa papel nila
nang makatugon ang mga kalahok sa problema
mabuhay ang pagbibigay inspirasyon sa masa
nang mabuo ang tiwalang malutas ang problema

* Inihanda ng makata para sa Training of Trainers (ToT) ng programang Building Safe, Sustainable, Resilient Communities (BSSRC) ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Agosto 31, 2019

Biyernes, Agosto 23, 2019

Tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

maililigtas pa ba natin itong kalikasan
mula pagkasira dulot ng pabaya't gahaman
ang ilog at dagat ay ginagawang basurahan
pati polusyon sa hangin ay karaniwan na lang

para sa kapaligiran, kayraming dapat gawin
ang pangangalaga nito'y magandang simulain
ang mga naglipanang plastik ay ating tipunin
mga naipong tubig-ulan ay magagamit din

nakakapanikip ng dibdib ang hanging marumi
tila ba sa bawat paghinga'y makapagsisisi
nagbabagong klima'y naririto't nais pumirmi
sa hiyaw ng kalikasan, ikaw ba'y mabibingi

huwag hayaang upos ay lumulutang sa dagat
huwag hayaang sa basura, lupa'y bumubundat
halina, kaibigan, gawin ang nararapat
tulungan ang kalikasan sa paghilom ng sugat

- gregbituinjr.

Pagpupugay at pasasalamat kay Ms. Gina Lopez

Ms. Gina Lopez, sa 'yo'y taas-noong pagpupugay
sa usaping pangkalikasan, moog kang matibay
naging pinuno ng D.E.N.R., lider na tunay
sa pagiging sekretaryo'y namuno nang mahusay
ginawa ang nararapat sa adbokasyang taglay

ipinasara ang maraming minahan sa bansa
ipinagtanggol pati mga katutubo't dukha
itinuring na kapatid ang araw, hangin, lupa
isinaalang-alang ang kagalingan ng madla
kaysa sa interes ng negosyo, kahanga-hanga

iba man ang uring pinanggalingan, natatangi
kinalaban ang mapagsamantala't walang budhi
kaayusan ng kapaligiran ang nilunggati
ang kabutihan ng nakararami ang pinili
pinunong ipagmamalaki ng sinumang lahi

sa D.E.N.R. ay naging mahusay na pinuno
sa Bantay Bata'y nangasiwa nang bata'y mahango
mula sa kaapihan, upang di na masiphayo
mga ginawa'y kinilala sa maraming dako
tunay na halimbawa ng tapat na pamumuno

mabuhay ka, Ms. Gina Lopez, sa 'yong kontribusyon
maraming salamat sa matatapang mong desisyon
ginawa mo'y magniningning sa mahabang panahon
ambag mo'y tagos hanggang sa sunod pang henerasyon
ikaw, para sa marami'y tunay na inspirasyon

- gregbituinjr.
08/22/2019
* Nilikha ang tula matapos pumunta sa burol sa ABS-CBN, kasama si misis at ang ilang kasapi ng Zero Waste Philippines matapos ang kanilang aktibidad

Martes, Agosto 20, 2019

Pahimakas kay Ms. Gina Lopez

PAHIMAKAS KAY MS. GINA LOPEZ

Ms. Gina Lopez, marangal, palaban, maginoo
makakalikasan, aktibista para sa mundo
tagapagtaguyod din ng karapatang pantao
sa D.E.N.R. nga, pagsisilbi niya'y totoo

mga mamumutol ng puno ang sinagasaan
pati sumisira ng kagubata't karagatan
ang kapakanan ng katutubo'y ipinaglaban
nag-atas na ipasara ang maraming minahan

tulad ni Francisco ng Assisi'y kanya ring batid
araw, hangin, tubig, lupa'y kanyang mga kapatid
kinalaban ang mga mapagsamantala't ganid
kalabang pulos pera ang isip ay nauumid

siya ang malaking hipong sumalunga sa agos
siya ang dragong pumuntirya sa nambubusabos
siya ang agilang kalikasa'y pilit inayos
siya ang anghel sa mga kalupaang nilapnos

Ms. Gina, minero'y natuwa sa 'yong pagkawalay
ngunit kaming narito'y taas-noong nagpupugay
pamana mo'y mga halimbawa't prinsipyong taglay
sa buong bansa, ngalan mo'y nagniningning na tunay

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 12, 2019

Upos ng yosi'y gawing yosibrik

Kaya mo bang mag-ipon ng mga upos ng yosi?
Kahit di ka nagyoyosi, nais mo lang magsilbi.
Tapon dito, tapos doon kasi ang nangyayari
hanggang sa upos ay maglipana sa tabi-tabi.

Nagyoyosi'y  dapat organisadong nagtatapon
ng hinitit nilang yosi upang ito'y matipon.
Upos ng yosi'y mga basurang dapat mabaon
sa lupa, marahil kalutasang ito ang tugon.

Ang upos ay di dapat palutang-lutang sa dagat.
Gawin itong yosibrik nang tao'y ating mamulat
kaysa naman basurang upos ay pakalat-kalat.
Tayo'y mag-yosibrik, gawain mang ito'y kaybigat.

Sa boteng plastik, mga upos ng yosi'y isiksik
hanggang sa tumigas na parang bato ang yosibrik!

- gregbituinjr.

Lamparaw

LAMPARAW

kung walang kuryente'y gamitin natin ang lamparaw
o solar lamp sa Ingles, lamparang gamit ay araw
dapat paghandaan anumang sakunang dumalaw
harapin natin kahit ang nagbabagong pananaw

sa Asya, pangalawa tayong mahal ang kuryente
mabuting magpalit na't mag-renewable energy
alagaan ang kalikasan, sa bayan magsilbi
murang kuryente na ang hangad ng nakararami

isa lang itong lamparaw sa ating magagamit
na malaking maitutulong sa panahong gipit
may ilawan ka na sa gabing madilim ang langit
saanman magpunta'y madali mo itong mabitbit

magkaroon ng lamparaw ay ating pag-ipunan
nang sa oras ng kagipitan ay may kahandaan

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 10, 2019

Ang upos at kabulukan, ayon sa isang paham

ANG UPOS AT KABULUKAN, AYON SA ISANG PAHAM

paano ba tumira sa dagat ng upos?
tiyak ang pamumuhay mo'y kalunos-lunos
papatianod na lang ba tayo sa agos?
at mabubuhay sa mundong parang busabos?

pangatlo ang upos sa basura sa dagat
at sa upos, isda't balyena'y nabubundat
bakit basurang upos ay ikinakalat?
ng mga walang awang kung saan nagbuhat

minsan, dagat ng basura'y ating lingunin
kaya ba nating linisin ang dagat natin?
kung hindi'y paano ang wasto nating gawin?
upang isda, upos na ito'y di makain

noon, sa aplaya'y nakatitig ang paham
at kanyang nausal habang mata'y malamlam:
"Bulok ang mga taong walang pakialam.
Subalit mas bulok ang walang pakiramdam."

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

Kuha ang litrato mula sa facebook page ng Stop Kaliwa Dam Network

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, Save Sierra Madre Network Alliance, ALMA DAM, SUKATAN, SAGIBIN, PAKISAMA, ALAKAD, Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), CEED, Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Piglas Kababaihan, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Haribon Foundation, atbp.

Miyerkules, Agosto 7, 2019

Halina't makibaka, huwag matakot sa ulan

umuulan na naman, habang sa rali'y papunta
mabuti na lang, may sumbrero't dyaket akong dala
dahil sa komitment at isyu'y kasama ng masa
kahit na umuulan, tuloy sa pakikibaka

sumuong man sa ulan, patuloy kami sa rali
upang dalhin sa kinauukulan ang mensahe
dapat pababain nila ang presyo ng kuryente
dapat maging polisiya'y renewable energy

may mahal na kuryente sa Asya'y pangalwa tayo
mula pa planta ng coal ang mga kuryenteng ito
napakaruming kuryente, kaytaas pa ng presyo
aba'y mag-renewable energy na dapat tayo

halina't makibaka, huwag matakot sa ulan
at patuloy nating paglingkuran ang sambayanan

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tulang ito habang papunta ng rali sa Department of Energy (DOE) sa Bonifacio Global City (BGC), Agosto 7, 2019. Kasama sa pagkilos na ito ang mga grupong Power for People Coalition (P4P), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Center for Ecology, Environment and Development (CEED), Piglas-Kababaihan, Oriang, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Sabado, Agosto 3, 2019

Pag-iinit ng mundo

PAG-IINIT NG MUNDO

sa climate change, anang dalawang tagapagsalita
ang kondisyong pag-iinit ng mundo'y lumalala
tumataas na ang sukat ng dagat, nagbabaha
nangyayari sa hinaharap ay di matingkala

anong ating gagawin kung mga isla'y lulubog?
may ahensya ba o bansang dapat tayong dumulog?
paglutas sa climate change ba'y kanino iluluhog?
may magandang mundo pa ba tayong maihahandog?

coal-fired power plants ba'y patuloy pa sa operasyon?
kumpetisyon pa rin ba imbes na kooperasyon?
ang problema ba'y kapitalistang globalisasyon?
na tubo ang una, kalikasan man ay mabaon

di lang isyung ekolohikal kundi pulitikal
ang kundisyon ng klima sa ating mundo'y marawal
kalunus-lunos, buhay ay tila di magtatagal
maaliwalas na umaga pa kaya'y daratal?

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

tag-ulan na naman, di ako agad makauwi
basang-basa sa ulan, tila ako'y ibong sawi
naglutangang dagat ng basura'y nakakadiri
naglalakad sa baha kahit ito'y hanggang binti

tumataas na ang sukat ng dagat sa aplaya
pati matataas na lugar ay binabaha na
dahil ba sa basura, imburnal ay nagbabara?
o ito'y dinulot na ng pagbabago ng klima?

saan na humahapon ang mga langay-langayan?
puno ba sa lungsod ay mawawala nang tuluyan?
agila pa ba'y nakalilipad sa kalawakan?
ang nagbabagong klima ba'y di na makakayanan?

aba'y ngingiti pa kaya ng maganda ang langit?
bakit ba ang panahon ay lagi nang nagsusungit?
anong mga polisiya ang dapat pang igiit?
nang nagbabagong klima'y hinay-hinay sa pagbirit

umuulan na, nais ko nang umuwi ng bahay
sa klimang nagbabago'y paano pa mapalagay?
sa darating na panahon, paano mabubuhay?
kung sa nagbabagong klima'y di tayo makasabay

- gregbituinjr.
* Nilikha habang tinatalakay ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang usapin ng nagbabagong klima sa ikalawang araw ng pagpupulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) na naganap noong Agosto 2-4, 2019