Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Salagimsim sa Global Climate Strike

taas-noong pagpupugay sa lahat ng narito
at upang makatugon sa klimang pabagu-bago
lalo't kayrami na nating nararanasang bagyo
dagdag pa ang bulok na sistemang dahilan nito:
winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

sa pagtitipong ito ng raliyista't artista
na climate change ang isyung tinatalakay ng masa
na dahilan upang mag-usap at magsama-sama
na paano tayo makakatugon sa problema
na paano mababago ang bulok na sistema 

sa nagbabagong klima'y apektado na ang madla
ito rin ang isyu't problema ng maraming bansa
mga nag-uusap na bansa ba'y may magagawa
o dapat kumilos na rin ang uring manggagawa
upang baguhin ang sistemang dahilan ng sigwa

dapat nang kumilos ang manggagawa't sambayanan
suriin ang problema't lipunan ay pag-aralan
bakit nagka-krisis sa klima't ano ang dahilan
kumilos tayo't putulin ang pinag-uugatan
sistema man ito o lipunan nitong gahaman

itayo natin ang isang mundong walang pasakit
walang pribadong pag-aari't walang naiinggit
nangangalaga sa tao, kalikasan, may bait
habang buhay pa'y itayo ang lipunang marikit
na tao'y pantay na lipunan ang danas at sambit

- gregbituinjr. 
* sinulat sa pagkilos na tinawag na "Global Climate Strike" na ginanap sa Bantayog ni Lapulapu sa Luneta, Maynila, Nobyembre 29, 2019. Ang nasabing Global Climate Strike ay kasabay ng mga nagaganap ding ganuon sa iba pang panig ng daigdig.








Biyernes, Nobyembre 15, 2019

Paglalakad ng kilo-kilometro para sa isyu

makakapaglakad pa ba ang mga aktibista
ng kilo-kilometro para sa isyung pangmasa
naglakad nang itaguyod ang hustisya sa klima
at naglakad din para sa laban ng magsasaka

sumama noon mula Luneta hanggang Tacloban
mula Lyon hanggang Paris sumama sa lakaran
mula klima'y tinuloy sa pantaong karapatan
at mula C.H.R. hanggang Mendiola'y naglakaran

sumama sa laban ng mga katutubo noon
Lakad Laban sa Laiban Dam ang aming nilayon
magsasaka'y kasama mula Sariaya, Quezon
upang ipaglaban naman ang CLOA nila noon

paraan ng pagtindig sa isyu ang paglalakad
sa bawat madaanan ay aming inilalahad
ang mga isyung pangmasa't problemang matitingkad
nang mapag-usapa't baka malutas ito agad

ang paglalakad ay bahagi ng pakikibaka
maliliit at naaaping sektor ang kasama
kung naglalakad man kami'y upang maipakita
sa madlang nadaraanan ang isyung mahalaga

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

ang masa'y tigib pa rin ng panawagang hustisya
sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda
di pa rin nababalik sa dati ang buhay nila
at wala pa ring bahay ang maraming nasalanta

may mga ginagawa pa ba ang pamahalaan?
upang mapanumbalik ang buhay ng taumbayan
anong ginagawang tulong sa mga namatayan?
upang dinaranas ng kanilang puso'y maibsan

lilitaw pa rin sa silangan ang magandang bukas
ngunit sa mga nasalanta'y di ito mabakas
tanging paghanap ng katarungan ang binibigkas
at baka may hustisya sa tinatahak na landas

hibik ng mga nasalanta ni Yolanda'y dinggin
at matitinong programa sana ang maihain
huwag lamang pagtulong ay lagi lang bibigkasin
kundi tunay na pagkilos ang nararapat gawin

- gregbituinjr.