Lunes, Mayo 31, 2021

Nang mawala ang awitan ng mga kuliglig

NANG MAWALA ANG AWITAN NG MGA KULIGLIG

himbing man, dinig ang awitan ng mga kuliglig
tila kaysasaya't walang nadaramang panganib
subalit bigla, dumatal ang unos, nangaligkig
kaylakas ng sipol ng hangin sa gabing malamig

umaga'y iba ang narinig, pagputol ng kahoy
habang pakiramdam ko, mga puno'y nananaghoy
habang katutubo'y patuloy na itinataboy
ng mga tuta ng kapitalistang mapangdenggoy

hinahanap ko'y pag-aawitan ng mga ibon
sabay sa pagkawala ng puno'y nawala iyon
naging maalinsangan na ang bawat kong pagbangon
naging mabanas na ang dating masayang kahapon

ah, paano ba maililigtas ang kagubatan
mula sa tubo't kasakiman ng mga gahaman
upang dibdib ng kagubatan ay pagkakitaan
habang nasisira naman ang gubat na tahanan

sa ngayon, sa tula ko sila maipagtatanggol
gayong di ito solusyon sa kanilang hagulgol
dahil ang pagtatanggol sa kanila'y may ginugugol
panahon, buhay, pawis, dugo, sa kanilang ungol

kaya paumanhin kung ito lang ang magagawa
ngunit pagbubutihin ko ang bawat kong pagkatha
para sa puno, ibon, dagat, kuliglig ang tula
upang maisiwalat ang bawat nilang pagluha

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Dagat na'y nalulunod sa upos

DAGAT NA'Y NALULUNOD SA UPOS

dagat na'y nalulunod sa upos
sa basurang ito'y lubos-lubos
paano ba ito mauubos
ika nga, labis ay kinakalos

hanggang maisipang mag-yosibrick
na estilo'y para ring ecobrick
di na lang plastik ang isisiksik
kundi upos din sa boteng plastik

baka sa upos, may magawa pa
lalo't binubuo rin ng hibla
barong ay mula hibla ng pinya
lubid ay sa hibla ng abaka

pagyoyosibrik ay simula lang
ng pagtatanggol sa kalikasan
pati sa ating kapaligiran
at sa daigdig nating tahanan

masasamahan ba ninyo ako
sa marangal na gawaing ito
salamat sa pagsuporta ninyo
sa dakilang adhikaing ito

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Tula ngayong World No Tobacco Day

TULA NGAYONG WORLD NO TOBACCO DAY

ngayong World No Tobacco Day, patuloy ang adhika
ng paggawa ng yosibrick na layon ay dakila
tumulong upang sa upos ay mayroong magawa
upang di ito basurang kakainin ng isda

aba'y tadtad ng upos ang ating kapaligiran
isa sa nangungunang basura sa karagatan
kaya gawaing pagyoyosibrik ay naisipan
upang may maitulong din kay Inang Kalikasan

tulad ng ecobrick na plastik ang isinisiksik
upos naman ng yosi'y ipasok sa boteng plastik
isang layuning ginawang walang patumpik-tumpik
baka masagip pa ang kalikasang humihibik

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021

Huwebes, Mayo 27, 2021

Sa katapusan ng Mayo

SA KATAPUSAN NG MAYO

hoy, may patalastas nga sa botikang nabilhan ko
No Smoking, ngunit di ako naninigarilyo
hanggang aking napagtanto, paalala rin ito
na World No Tobacco Day sa katapusan ng Mayo

naranasan ko ring magyosi noong kabataan
na kasama ng barkada'y naging bisyo rin naman;
nang mapasali sa makakalikasang samahan
ay napagtanto kong pera ko sa yosi'y sayang lang

heto, kalusugan ng kapwa'y itinataguyod
di nagyoyosi, magtanim na lang kahit mapagod
bagamat upos ay tinitipon ng inyong lingkod
upang gawin ang pagyo-yosibrick, nakalulugod

marahil, ambag ko na sa lipunan ang yosibrick
upos ay ipasok at ilibing sa boteng plastik
gagawin sa hibla ng upos ay nagsasaliksik
at baka balang araw, may solusyong matititik

may ibang grupong bahala sa kampanyang No Smoking
habang inyong lingkod ay yosibrick ang adhikain
sa katapusan ng Mayo'y sama-samang isipin
at pag-usapan ang kalikasang dapat sagipin

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

Mga boteng plastik na walang laman

MGA BOTENG PLASTIK NA WALANG LAMAN

naipon kong muli'y boteng plastik na walang laman
ito'y itatapon ko na lang ba sa basurahan?
maganda kaya itong pagtaniman ng halaman?
iresiklo ang boteng plastik, gawing paso naman

o kaya mga ito'y gamitin din sa ekobrik
dapat lang malinisan ang loob ng boteng plastik
malinis na ginupit na plastik ang isisiksik
gagawing mesa, silya, patitigasing parang brick

o kaya naman ay pagtitipunan ko ng upos
upang proyektong yosibrick ay matuloy kong lubos
baka makatulong sa kalikasan kahit kapos
upang buhay na ito'y marangal na mairaos

sa pagtatanim ay may mapipitas balang araw
upang pamilya'y di magutom sa gabing maginaw
itanim ang buto ng gulay, okra man o sitaw
o anumang gulay bago iluto o isapaw

mula sa gawa ng tao, basura'y halukipkip
kaya sa walang lamang boteng plastik ay malirip
na anumang makabubuti sa kapwa'y maisip
baka kahit munti man, kalikasan ay masagip

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Mayo 23, 2021

Pangalagaan at ipaglaban ang kalikasan

PANGALAGAAN AT IPAGLABAN ANG KALIKASAN

tinanong ako ng isang tagapakinig minsan
paano raw kalikasan ay mapangalagaan
kung di raw naman nakikinig ang pamahalaan
maliliit lamang daw kami't di mapakikinggan

bakit? tanong ko, sila lang ba'y aasahan natin
ngunit maliliit man tayo'y baka makapuwing
kung anong nakikita nating tama'y ating gawin
sumisira sa kalikasa'y ating kalabanin

dagdag niya, mapanganib ang naiisip ninyo
lalo na't tokhang ang polisiya nitong gobyerno
terorista kayo pag bu-ang ay kinalaban n'yo
pulis at army'y nagtila kanyang hukbong pribado

ang aming tugon, gawin ang para sa kalikasan
gawin naman nila ang para sa pamahalaan
sa amin, di basura ang daigdig na tahanan
magtanim din ng puno para sa kinabukasan

naglipana kung saan-saan ang upos at plastik
sa pagmimina, buhay ng katutubo'y tumirik
nangamatay ang pananim, ang madla'y humihibik
bakit tropa ng gobyerno'y takot ang hinahasik

ang pamahalaan ba'y kampi sa kapitalista?
dahil inaakyat nila'y limpak-limpak na pera
dahil sa pagsira sa kalikasan kumikita
anong gagawin sa ganito? tutunganga lang ba?

sa maraming upos, may proyekto akong yosibrik
sa basurang plastik, may proyekto kaming ekobrik
sa laot, kinakain na ng isda'y microplastic
sa mga nangyayari, tayo lang ba'y tatahimik?

huwag hayaang maitayo ang malalaking dam
kung buhay ng kapwa ang magiging kapalit niyan
imbes pulos coal plant, tayo'y mag-renewable naman
mga ito'y pag-isipan at ating pagtulungan

- gregoriovbituinjr.