Sabado, Agosto 28, 2021

Nagdidilim ang langit

NAGDIDILIM ANG LANGIT

wala ang haring araw ngayong kinaumagahan
sapagkat nagbabadya ang malakas na pag-ulan
tingni ang langit, maulap, di lamang ambon iyan
magsahod ng timba't may tubig na maipon naman

atip ay tingnan, ang yerong bubong, baka may butas
tapalan agad kung mayroon man hangga't may oras
itaas ang dapat itaas, ang sako ng bigas
tiyaking maghanda sa loob, maghanda sa labas

tanggalin ang plastik sa kanal sakaling magbaha
aba'y kayraming basurang lululunin ng sigwa
upos ng yosi, plastik, basahan, lalong malubha
kung babara lang ito, sapagkat tao'y kawawa

dapat paghandaan ang pagsusungit ng panahon
upang di magbalik ang alaala ng kahapon
Ondoy, Peping, Yolanda, Milenyo, ang mga iyon
matitinding bagyong kayraming buhay na nilamon

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Biyernes, Agosto 13, 2021

Hindi biro ang nagbabagong klima

HINDI BIRO ANG NAGBABAGONG KLIMA

tatawa-tawa ka pa, di nagbibiro ang klima
aba'y di mo pa ba naranasan ang masalanta?
tingnan mo lang ang aral kina Ondoy at Yolanda
saka sabihing joke lang ang nangyari sa kanila

tila nagbabagong klima'y paglukob ng halimaw
na sa ating mga likod nagtarak ng balaraw
di mawari ang nasalanta, masa'y humihiyaw:
"Climate emergency is not a joke! Climate Justice Now!

palitan na ang bulok na sistemang mapaniil
tigilan na ang pagsunog ng mga fossil fuel
na pinagtutubuan ng kapitalismong taksil
unahin ang mga coal plants na dapat mapatigil

habang patuloy lang ang korporasyong malalaki
sa pagpondo sa ganyang planta'y di mapapakali
tingnan ang pamahalaan, kanino nagsisilbi
sa korporasyon o sa masang nasa tabi-tabi

kayraming nasalanta, namatay at nagtitiis
nasisirang kalikasan ba'y ito ang senyales?
dapat tayong mag-usap, ano ba ang Climate Justice?
ano nang kaisahan sa kasunduan sa Paris?

huwag magtawa pagkat buhay ang nakasalalay
noong mag-Yolanda sa Leyte'y nagkalat ang bangkay
"Climate emergency is not a joke!" tayo'y magnilay
klima'y di nagbibiro sa mensahe niyang taglay

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang ibig sabihin ng PMCJ na signatory sa plakard ay Philippine Movement for Climate Justice
* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Itigil na ang girian

ITIGIL NA ANG GIRIAN

ngayong Agosto'y may kasaysayang batid ng masa
anibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika
sa bansang Japan, sa Nagazaki at Hiroshima
at lumipol ng libo-libong mamamayan nila
habang patuloy sa dusa ang mga hibakusha

pitumpu't anim na taon na ang nakalilipas
ay nagbubuo pa rin ang mga bansang may angas
ng samutsaring mga nakamamatay na armas
na panakot sa bansang sa kanila'y di parehas
banta sa bansang tila di marunong maging patas

bomba atomika noon, armas nukleyar ngayon
kailan ba matitigil ang ganoong imbensyon
bakit patuloy ang paligsahan ng mga nasyon
susumbatan lang sila ng kasaysayan kahapon
kung depensa nila'y pandepensa lang nila iyon

ano bang konsepto nila ng lahi't kalayaan
bakit patuloy ang sistema ng mga gahaman
ah, itigil na ang mga girian at labanan
pagpapakatao ang dapat nating pagsikapan
at maitayo ang isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
08.13.2021

* ang aklat sa larawan ay nabili ng makata sa Book Sale, Farmers branch, 12.28.2020
* ayon sa kasaysayan, bumagsak ang bomba atomika sa Hiroshima noong Agosto 6, 1945, at sa Nagasaki tatlong araw makalipas.
* tinatayang nasa 135,00 ang total casualty sa Hiroshima, at 64,000 sa Nagasaki, ayon sa https://www.atomicarchive.com/resources/documents/med/med_chp10.html

Huwebes, Agosto 12, 2021

Huwag nang pondohan ang fossil fuel

HUWAG NANG PONDOHAN ANG FOSSIL FUEL

teyoretikal at anong bigat ng panawagan
na "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
kung di mo aaralin ay di mauunawaan
upang isyu'y mas maintindihan ng taumbayan

susubukan kong ipaliwanag ang mga ito
sa iba'y maibahagi ang mahalagang isyu
nais kong pagaanin sa pamaraang alam ko
ipaliliwanag ko sa tula para sa tao

kumbaga sa usok na sadyang nakasusulasok
ginagastusan ng kapitalista'y pulos usok
kalikasa'y balewala basta tubo'y pumasok
magkadelubyo man sa kita pa rin nakatutok

kahit na nakasisira ng ating kalikasan
nagpapadumi sa hangin, polusyong nananahan
at kaylaki ng epekto sa ating kalusugan
greenhouse gases pa'y sa papawirin nagsalimbayan

fossil fuel ang tawag sa pinagsusunog nila
sapagkat galing sa fossil na nabuo noon pa
mula sa labi ng mga organismong wala na
tulad ng dinasor sa usaping geolohika

habang patuloy lang ang malalaking korporasyon
sa pagpondo ng mga enerhiyang ibinabaon
lang ang mundo sa kapariwaraan, ito'y hamon
sa mga gobyernong gawin na ang tamang solusyon

kaya tigilan na ang pagpondo sa fossil fuel
ng coal plants na pagbuga ng usok ay di mapigil
ng crude oil o ng petrolyong gasolina't diesel
ng natural gas na ang pagsunog ay di matigil

mas dapat pondohan ang pangangalaga sa klima
mas pondohan ang pagpigil sa pagbuga ng planta
ng coal at paggamit ng kerosina't gasolina
mas dapat pondohan ang kinabukasan ng masa

unahin naman ang kapakanan ng mamamayan
at kinabukasan ng nag-iisang daigdigan
ang "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
sa maikling tulang ito sana'y naunawaan

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021