Linggo, Nobyembre 21, 2021

Init

INIT

sa init ng lungsod ay nabigla ang katawan ko
nang mula sa probinsyang malamig, lumuwas dito
para bang napapaso ang buo kong pagkatao
animo'y kay-init na pagtanggap sa akin ito

sa loob ng bahay, may bentilador man, wala rin
mainit man ang panahon, ulo'y di mainitin
mas maigi pa ngang nasa labas pagkat mahangin
pulos usok nga lang ng sasakyan ang lalanghapin

ibang-iba ang init, tagos sa kaibuturan
animo'y sumasagad sa buto't mga kalamnan
nanggaling kasi sa lamig kaya nababaguhan
tumagal-tagal pa'y masasanay din ang katawan

o baka nadarama na'y matinding global warming
katatapos lang ng COP, ano itong dumarating
marapat lang tugunan ang Climate Justice na hiling
nitong taumbayan upang daigdig ay gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.21.2021

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Pagdatal ng bagyong Ulysses


PAGDATAL NG BAGYONG ULYSSES
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig-pook. Subalit tila ba naulit ang bagyong Ondoy nang inilubog ng bagyong Ulysses ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig pook noong Nobyembre 11-12, 2020.

Kaluluwas ko lang mula sa Benguet kung saan tagaroon ang aking napangasawa. Oktubre 31, 2020 ay lumipat na ang opisina ng paggawa mula Lungsod ng Quezon sa Lungsod ng Pasig. Nagsilbi akong tagabantay ng opisina. Halos magdadalawang linggo pa lang ako sa opisinang iyon nang manalasa si Ulysses. Mataas naman ang lugar sa may Barangay Palatiw kaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hindi naman kami binaha. Subalit ang katotong si Benny, na isang lider-manggagawa, at naninirahan sa San Mateo, Rizal, ay matindi ang ikinwento sa akin. 

Sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay ang baha. Kaya silang mag-anak na naroroon sa unang palapag ay napilitang umakyat sa ikatlong palapag, at umakyat ng bubong dahil pataas ng pataas ang tubig.

Nang may dumating na saklolong bangka, pinasakay niya ang kanyang misis at mga anak. Nagdalawang-isip pa siya dahil mayroon pa siyang alagang aso, at maraming kagamitang maiiwan.

Mabuti't nakinig siya sa kanyang misis na sumama na siya sa dumating na bangkang sumaklolo sa kanila. Naiwan niya ang aso nila na sa kalaunan ay hindi na nila nakita. Marahil ay nalunod na sa kasagsagan ng bagyo. 

At kung hindi siya nakinig sa kanyang misis, malamang ay hindi na siya nasaklolohan pang muli, at marahil ay hindi na siya nasagip, tulad ng kanyang asong mahal na mahal niya.

Marami pang kwento akong napanood sa telebisyon. Nagbabalik ang alaala ng Ondoy, pati na ng bagyong Yolanda, na naging dahilan upang mapasama ako sa mga lakaran hinggil sa klima, tulad ng pagkakapunta ko sa Thailand, dalawang araw matapos ang Ondoy. Setyembre 21, 2009, Lunes, nang mag-aplay ako ng ikalawa kong pasaporte, nakuha iyon ng Setyembre 25, 2009, Biyernes. Sumapit ang bagyong Ondoy, biglaan, kinabukasan, Setyembre 26, 2009. 

Lumubog ang opis ng paggawa kung saan ako natutulog, at mabuti't nasa ibang opis ako natulog nang araw na iyon kaya hindi nabasa ang aking bagong pasaporte. Dahil kung hindi'y tiyak na hindi ako makakasama patungong Thailand para dumalo sa pagpupulong hinggil sa usaping climate change. Setyembre 28, 2009 ay nakalipad na kami ng tatlo pang kasama patungong Bangkok.

Nanalasa ang matinding bagyong Yolanda ng Nobyembre 8, 2013, at isang taon matapos iyon ay nangampanya kami sa pamamagitan ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong 2014. Hanggang mapasama sa French leg ng Climate Walk mula Rome hanggang Paris noong 2015, ang panahong nilagdaan ang Paris Agreement, kung saan ang usaping klima'y pinag-isipan, pinag-usapan, pinagkaisahan at nilulutas.

Nang dumating ang bagyong Ulysses, nagbabalik ang mga alalahanin. Ano nang mangyayari sa ating daigdig? Noong 2018 nga, inilabas na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ay hindi na mababalik sa dati ang klima ng mundo kung hindi magbabawas ng emisyon ang maraming bansa. At ngayon, 2021 na. May siyam na taon pa. May climate emergency na.

Hanggang ngayon, sumisigaw pa rin kami ng Climate Justice Now! upang dinggin ng iba't ibang bansa na magbawas na ng emisyon at huwag nang gumamit ng dirty energy tulad ng coal plants. Patuloy din ang aming pagbibigay ng pag-aaral sa iba’t ibang samahan upang magpaliwanag hinggil sa usaping klima. Patuloy pa rin ang pangangalsada. Subalit hanggang kailan tayo sisigaw?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2021, pahina 13-14.

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Ang plant-based menu sa COP26

ANG PLANT-BASED MENU SA COP26 AT ANG KAUGNAYAN NITO SA CARBON FOOTPRINT
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Upang mabawasan diumano ang carbon footprints ng mga pagkain sa COP26, inihanda ng mga organisador nito ang plant-based menu o yaong mga pagkaing mula sa halaman, tulad ng mga gulay.

Ayon sa inews.co.uk: "The winter squash lasagne, made with glazed root vegetables and vegan cheddar, has been listed as having 0.7kg CO2 equivalent emissions, while the kale pasta, made with spelt fusilli and field mushrooms, comes in at 0.3kg of CO2." Masyadong teknikal pag hindi mo nauunawaan ano ba itong carbon foot prints.

Sa theguardian.com naman: "Plant-based dishes will dominate the menu at the COP26 climate conference, where 80% of the food will be from Scotland. The low-carbon menu includes 95% British food, especially locally sourced Scottish produce, and each menu item has an estimate of its carbon foorprint, "helping attendees make climate-friendly choice."

Nakasaad naman sa greenqueen.com.hk: "Another plant-based dish on the menu is an organic spelt whole-grain penne pasta, which comes with a tomato ragu sauce, kale, and oatmeal-based crumble on top. It's the most carbon-friendly of all, requiring only 0.2 kilograms of CO2 to produce."

Subalit ano nga ba itong tinatawag na carbon footprint, at alalang-alala ang mga organisador nito? Ano ang epekto ng carboon footprint sa atin? At ano ang kaugnayan nito sa ating kinakain?

Ayon sa Oxford dictionary, ang carbon footprint ay "the amount of carbon dioxide and other carbon compounds emitted due to the consumption of fossil fuels by a particular person, groups, etc." Sa Wikipedia, "A carbon footprint is the total greenhouse gas emissions caused by an individual, event, organization, service, place or product, expressed as carbon dioxide equivalent."

Ayon naman sa World Health organization (WHO), "a carbon footprint is a measure of the impact your activities have on the amount of carbon dioxide (CO2) produced through the burning of fossil fuels and is expressed as a weight of CO2 emissions produced in tonnes.

Teka, ang carbon foorprint ay may direktang relasyon sa pagsusunog ng fossil fuel, at walang pagbanggit sa pagkain. Kaya ano ang relasyon ng carbon footprint sa ating kinakain, tulad ng gulay at karne? Ang nakalap na balita at ang kahulugan sa diksyunaryo ay hindi pa natin mapagdugtong. Kailangan pang magsaliksik.

Sa website ng Center for Sustainable Systems ay may ganitong paliwanag: "A carbon footprint is the total greenhouse gas (GHG) emissions caused directly and indirectly by an individual, organization, event of product. It is calculated by summing the emissions resulting from every stage of a product or service's lifetime (material production, manufacturing, use, and end-of-life). Throughout a product's lifetime or life cycle, different GHGs may be emitted, such as carbon dioxide (CO2), methane (CH4), and nitrous oxide (N2O), each with a greater or lesser ability to trap heat in the atmosphere. These differences are accounted for by the global warming potential (GWP) of each gas, resulting in a carbon footprint in units of mass of carbon dioxide equivalents (CO2e).

Ayon pa rin sa nasabing website, hinggil sa pagkain bilang pinagmumulan ng emisyon:
- Food accounts for 10-30% of a household's carbon footprint, typically a higher portion  in lower-income household. Production accounts for 68% of food emissions, while transportation accounts for 5%.
- Food production emissions consist mainly of CO2, N2O, and CH4, which result primarily from agricultural practices.
- Meat products have larger carbon footprints per calorie than grain or vegetable products because of the inefficient conversion of plant to animal energy and due to CH4 released from manure management and enteric fermentation in ruminants.
- Ruminants such as cattle, sheep, and goats produced 179 million metric ton (mmt) CO2e of enteric methane in the US in 2019.
- In an average US household, eliminating the transport of food for one yar could save the GHG equivalent of driving 1,000 miles, while shifting  to a vegetarian meal one day a week could save the equivalent of driving 1,160 miles.
- A vegetarian diet greatly reduces an individual's carbon footprint, but switching to less carbon intensive meats can have a major impact as well. For example, beef's GHG emissions per kilogram are 7.2 times greater than those of chicken.

Sa madaling salita, may bakas ng karbon sa ating kinakain. Ibig sabihin, may inilalabas tayong nakakapag-ambag sa emisyon sa atmospera. Sa paanong porma? Sa pagluluto na lang, may fossil fuel tayong sinusunog sa anyo ng gasul o LPG. Sa paghahatid ng mga produktong gulay mula sa lalawigan patungo sa kalunsuran, may gasolinang sinusunog sa sasakyan.

Mas malaki rin ang carbon footprint ng karne kaysa gulay. Dahil mas magastos ang patabaing baka at baboy kung ikukumpara sa gulay. Pati ang lakas-paggawa ng mangangatay ng hayop ay mas malaki kaysa pagpitas ng gulay. Kaya mas malaki ang carbon footprint ng mga karne kaysa gulay.

Ito ang simple kong pagkaunawa kaya plant-based ang inihahandang pagkain sa COP26 upang mas mababa ang carbon footprint na maiaambag ng mga delegado sa atmospera. At ito rin ang ating itinataguyod upang di lalong lumala pa ang pag-iinit ng klima.

Sa puntong ito, nais kong buodin ang munting talakay na ito sa pamamagitan ng tula:

PAGKAIN AT BAKAS NG KARBON

paano ba uunawain ang bakas ng karbon
o carbon footprint sa mga pagkain natin ngayon 
dapat talagang mabatid ang mga eksplanasyon
upang alam din natin ang gagawin at solusyon

ang carbon footprint ang sukat ng emisyon sa ere
o usok sa atmosperang di makita't masabi
dahil sa pagsunog ng fossil fuel na kayrami
dahil din sa mga coal plants na sadyang malalaki

carbon footprint yaong total ng greenhouse gas emission
dahil sa kagagawan ng tao, organisayon
dahil din sa aktibidad ng mga korporasyon
sa baytang ng paglikha ng produkto'y may emisyon

subalit may carbon footprints din sa pagkain natin
lalo pa sa mga alagang hayop at pananim
mabuting sa bakuran mo manggaling ang pakain
kaysa mula sa ibang lugar sa iyo dadalhin

kumpara sa gulay, mas malaki ang carbon footprint
ng mga karne, ng mga hayop na patabain
kaya sa COP26, gulay na ang hinahain
na malapit lang sa lugar ng pulong ang pagkain

dapat nating maunawaan, talagang masapol
fossil fuel ay sinusunog sa anyo ng gasul
o L.P.G., o natipong kahoy na pinalakol
upang gawing panggatong, makabuo ng espasol

sa munti kong pang-unawa, naibahagi nawa 
ang mga kaalamang dapat mabatid ng madla
pag-isipang mabuti ang ganitong nagagawa
na sistemang ito'y dapat palang baguhing kusa

Mga pinaghalawan:
https://www.theguardian.com/environment/2021/oct/23/cop26-menu-plant-based-dishes-scottish-food
https://www.greenqueen.com.hk/cop26-climate-change-menu/
https://www.veganfoodandliving.com/news/cop26-menu-sustainability-local-plant-based-food/
https://www.republicworld.com/world-news/uk-news/cop26-menu-to-focus-on-plant-based-dishes-to-help-attendees-make-climate-friendly-choices.html
https://inews.co.uk/inews-lifestyle/food-and-drink/cop26-low-carbon-plant-focused-menu-made-with-local-food-will-measure-emissions-of-each-dish-1265977
https://css.umich.edu/factsheets/carbon-footprint-factsheet