Sabado, Enero 29, 2022

Puno

PUNO

kailangan nating pinuno'y sa puno'y may puso
na naiisip ding ang puno'y di dapat maglaho
na dapat mga ito'y nakatanim, nakatayo
upang bundok at gubat ay di makalbo't gumuho

halina't tamasahin ang kanyang lilim at lihim
lalo't puno'y nagbibigay ng bungang makakain
nagbibigay rin ng sariwang hangin at oxygen
pananggalang sa baha, tubig nito'y sisipsipin

di ba'y kaysaya ng daigdig na maraming puno
kaysa lupaing walang puno't tila ba naglaho
matiwasay ang bansang may makataong pinuno
na prinsipyo'y makamasa't di alipin ng tubo

tara, sa maraming dako puno'y itanim natin
upang pag-iinit lalo ng mundo'y apulahin
mga kagubatan ay protektahan, palaguin
upang buhay at daigdig ay tuluyang sagipin

- gregoriovbituinjr.
01.29.2022

Biyernes, Enero 28, 2022

Ang Klima, ang COP 26 at ang Reforestasyon

ANG KLIMA, ANG COP 26 AT ANG REFORESTASYON
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Halina't magtanim tayo ng puno." Matagal ko nang naririnig ito. Noong nasa kolehiyo pa ako'y may nagyayaya nang mag-tree planting kami. Pag umuuwi ako ng lalawigan ay kayraming puno sa tabing bahay. Subalit maraming isyu ang kaakibat ng mga punong ito, tulad ng isyu ng illegal logging na nagdulot ng pagkaputol ng mga puno.

Sa Two Towers ng Lord of the Ring series ay nagwala at lumaban ang mga puno nang makita nilang pinagpuputol ang mga kapwa nila puno. Ang eksenang ito sa Lord of the Rings ay klasiko at kinagiliwan ng mga environmentalist.

At ngayon ay naging usap-usapan ang mga puno, lalo na ang reporestasyon, sa gitna ng mga pandaigdigang talakayan, tulad ng COP 26 o 26th Conference of Parties on Climate Change.

Ayon sa website ng International Union for Conservation of Nature (IUCN), na may 1,400 kasaping samahan at may input ng mahigit 18,000 eksperto: "Binibigyang-diin ng Glasgow COP26 Declaration on Forests and Land use, na inendorso ng 141 na bansa, ang pangangailangan para sa mga pagbabagong hakbang upang dalhin ang mundo sa isang napapanatili at nakakaangkop na landas sa paggamit ng lupa - hindi mapaghihiwalay na pinagbubuklod ang mga kagubatan at nilulutas ang pagbabago ng klima. (The Glasgow COP26 Declaration on Forests and Land use, endorsed by 141 countries, stresses the need for transformative steps to move the world onto a sustainable and resilient land-use path – inextricably tying forests and the fight against climate change.)

Mayroon na ring tinatawag na Glasgow COP26 Declaration on Forest and Land Use, kung saan ang mga lider mula sa 141 bansa na nagtayang itigil at bawiin ang pagkawala ng kagubatan at pagkasira ng lupa sa pagsapit ng 2030 sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang mga pagsisikap na pangalagaan at ibalik ang mga kagubatan at iba pang ekosistemang terestiyal at pabilisin ang kanilang pagpapanumbalik.

Ang mahalaga pa, muling pinagtibay ng nasabing Deklarasyon ang isang agaran at pinataas na pinansiyal na pagtataya para sa mga kagubatan na nakita sa ilang mga pinansyal na anunsyo na ginawa noong COP26 na nagkakahalaga ng $19 bilyon sa pampubliko at pribadong pondo, tulad ng sa Congo Basin, kasama ng mga katutubo. at mga lokal na komunidad, sa mga lugar ng kagubatan, agrikultura at kalakalan ng kalakal, na nakatuon sa mga regenerative na sistema ng pagkain, at sa pamamagitan ng Just Rural Transition, bukod sa marami pang iba.

Sa BBC News, ang balita'y pinamagatang "COP26: World leaders promise to end deforestation by 2030". Aba, maganda ito kung gayon. Nangako rin ang mga pamahalaan ng 28 bansa na alisin ang deporestasyon sa pandaigdigang kalakalan ng pagkain at iba pang produktong pang-agrikultura tulad ng palm oil, soya at cocoa. Ang mga industriyang ito ay nagtutulak sa pagkawala ng kagubatan sa pamamagitan ng pagputol ng mga puno upang magkaroon ng espasyo para sa mga hayop na manginain ng mga hayop o mga pananim na lumago.

Mahigit sa 30 sa mga pinakamalaking kumpanya sa pananalapi sa mundo - kabilang ang Aviva, Schroders at Axa - ay nangako rin na tatapusin ang pamumuhunan sa mga aktibidad na nauugnay sa deporestasyon. At isang £1.1bn na pondo ang itatatag upang protektahan ang pangalawang pinakamalaking tropikal na rainforest sa mundo - sa Congo Basin.

Ayon naman sa ulat ng World Resources Institute, pinagtibay ng mga bansang lumagda sa Glasgow Declaration ang kahalagahan ng lahat ng kagubatan sa paglilimita sa global warming sa 1.5 degrees C (2.7 degrees F), pag-angkop sa mga epekto ng pagbabago ng klima, at pagpapanatili ng malusog na mga serbisyo sa ecosystem. Sumang-ayon sila na sama-samang "itigil at baligtarin ang pagkawala ng kagubatan at pagkasira ng lupain sa 2030 habang naghahatid ng napapanatiling pag-unlad at nagsusulong ng isang inklusibong pagbabago sa kanayunan," nang hindi sinasabi nang eksakto kung ano ang kanilang gagawin upang makamit ang layuning ito.

Sana nga'y matupad na ang mga ito, ang muling pagbuhay sa mga kagubatan, at huwag ituring na business-as-usual lamang ang mga ito, na laway lang ito, kundi gawin talaga ang kanilang mga pangakong ito para sa ikabubuti ng klima at ng sangkatauhan.

Nakagagalak ang mga iminungkahing plano upang limitahan ang deporestasyon, partikular ang laki ng pagpopondo, at ang mga pangunahing bansa na sumusuporta sa pangako. Maganda ring tingnan ang pagpapalakas sa papel ng mga katutubo sa pagprotekta sa kagubatan. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang pagprotekta sa mga karapatan ng mga katutubong pamayanan ay isa sa mga pinakamahusay na paraan ng pagliligtas sa kagubatan.

ANG KAGUBATAN AT ANG KLIMA

malaki pala ang papel ng mga kagubatan
upang pag-init ng mundo'y talagang malabanan
lalo't nagkaisa ang mga bansa at samahan
na nagsitaya sa pandaigdigang talakayan

nang klima'y di tuluyang mag-init, sila'y nangako
ng reporestasyon, maraming bansa'y nagkasundo  
kinilala rin ang papel ng mga katutubo
na gubat ay protektahan, di tuluyang maglaho

marami ring nangakong popondohan ang proyekto
subalit utang ba ito, anong klase ang pondo
ang mundo'y winawasak na nga ng kapitalismo
sana mga plano'y may bahid ng pagpakatao

tutulong ako upang mga puno'y maitanim
pag-iinit pang lalo ng mundo'y di na maatim
pag lumampas na sa 1.5. karima-rimarim
ang sasapitin, ang point-of-no-return na'y kaylagim

tara, sa pagtatanim ng puno tayo'y magtulong
upang buhayin muli ang kagubatang karugtong
ng ating buhay at hininga, ang plano'y isulong
upang mundo'y buhayin, di magmistulang kabaong

- gregoriovbituinjr.
01.28.2022

Mga pinaghalawan: 
litrato mula sa google
https://news.mongabay.com/2021/11/cop26-work-with-nature-in-forest-restoration-says-respected-journalist/
https://www.weforum.org/agenda/2021/11/3-reasons-why-forests-must-play-a-leading-role-at-cop26/
https://insideclimatenews.org/news/09112021/cop26-forests-climate-change/
https://www.reforestaction.com/en/blog/cop-26-forestry-issues-heart-climate-discussions
https://www.bbc.com/news/science-environment-59088498
https://www.iucn.org/news/forests/202112/what-cop26-does-forests-and-what-look-2022
https://www.wri.org/insights/what-cop26-means-forests-climate

Biyernes, Enero 21, 2022

Enerhiyang solar sa opisina


ENERHIYANG SOLAR SA OPISINA

naglagay ng enerhiyang solar sa opisina
kung saan mula sa araw, kuryente'y makukuha
bayad nga ba sa Meralco'y bababa ang halaga
iyon naman ang layunin, presyo'y mapababa na

kaya gayon na lamang ang saya naming totoo
sa opis na binabantayan ko't nagtatrabaho
dito sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa ikalawang palapag inilagay nga ito

sa buhay-aktibista't buhay-makakalikasan
sa simpleng pamumuhay, pakikibakang puspusan
ang solar-panel ay tulong na sa kapaligiran
lalo sa nais itayong makataong lipunan

pasalamat sa Philippine Movement for Climate Justice
sa kanilang tulong upang solar ay maikabit
mula sa mahal na kuryente'y di na magtitiis
pagtaguyod ng solar energy'y ating ihirit

- gregoriovbituinjr.
01.21.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa opening ng solar panel sa tanggapan ng BMP sa Pasig, 11.27.2021

* kasama sa litrato sina Ka Leody de Guzman, chairman ng BMP at tumatakbong Pangulo sa Halalan 2022, si Ka Luke Espiritu, president ng BMP at tumatakbong Senador sa Halalan 2022, Kapitan Bebot Guevara ng Barangay Palatiw, Lungsod ng Pasig, at Konsehal Quin Cruz, Lungsod ng Pasig

Linggo, Enero 16, 2022

Sigwa

SIGWA

di ako lumaki sa isang probinsyang may ilog
kundi sa binabahang lungsod, baka ka lumubog
ilang beses akong sa baha lumusong, nahulog
noong nasa Sampaloc pa buhay ko'y umiinog

kaya pag napapauwi sa probinsya ni ama
ay magpapasama sa ilog at maliligo na
sasakay pa ng kalabaw, tatawid ng sabana
ganoon ang kabataan kong sadyang anong saya

noong maghayskul ay dumadaan sa tabing ilog
nagkolehiyo sa paaralan sa tabing ilog
noong magtrabaho'y nangupahan sa tabing ilog
tila baga buhay ko noon ay sa tabing ilog

wala na sa tabing ilog nang ako na'y tumanda
subalit nakaharap naman ang maraming sigwa
tulad noong kabataan kong laging nagbabaha
sa danas na iyon, natuto akong maging handa

inunawa ang panahon, ang klimang nagbabago
at sa kampanyang Climate Justice ay sumama ako
nagbabakasakaling makatulong naman dito
sa pagpapaunawa sa kalagayan ng mundo

- gregoriovbituinjr.
01.16.2022

Miyerkules, Enero 5, 2022

407

407

kahindik-hindik na bilang ang doon naiulat
na animo'y istatistika lang na sumambulat
kung di isiping buhay ng tao'y nawalang sukat
numero lang ba iyan o tao, nakagugulat

sinalanta ng bagyong Odette ay di matingkala
lalo't bata't matatanda'y dinaluhong ng sigwa
apatnaraan at pitong katao na'y nawala
may pitumpu't walong buhay pang hinahanap sadya

nagbabagong klima ba'y paano uunawain
kung nanalasang sigwa'y anong tinding kaharapin
sapat bang fossil fuel at plantang coal ay sisihin
at ipanawagang ang mga ito'y patigilin

nag-usap-usap ang mga bansa hinggil sa klima
bago pa ang bagyong Odette sa bansa'y manalasa
emisyon ng bawat bansa'y dapat mabawasan na
susunod kaya ang mga bansang kapitalista

sa nasalanta ng bagyo, sinong dapat masingil
sinong mananagot sa mga buhay na nakitil
o walang masisisi, kalikasan ang sumiil
o may dapat singilin, ang kapitalismong taksil

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

datos mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 5, 2022, pahina 2