Sabado, Marso 26, 2022

Tula sa Earth Hour

TULA SA EARTH HOUR

nagpatay kami ng ilaw ngayon
dahil Earth Hour, mabuting layon
kaisa sa panawagang iyon
nakiisa sa magandang misyon

na sa pamamagitan ng dilim
maunawaan natin ang lalim
ng kalikasang animo'y lagim
pagkasirang nakaririmarim

imulat natin ang ating mata
upang kalikasan ay isalba
nagpabago-bago na ang klima
ang tao ba'y may magagawa pa

buksan din natin ang ating bibig
upang mapanira ay mausig
halina't tayo'y magkapitbisig
at iligtas ang ating daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

* litrato mula sa google

Miyerkules, Marso 23, 2022

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS

may kakamtin din tayo sa sama-samang pagkilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
upang makaalpas sa buhay na kalunos-lunos
upang guminhawa ang buhay ng kapwa hikahos

walang manunubos o sinumang tagapagligtas
ang darating, kundi pagkilos, samang-samang lakas
maghintay man tayo, ilang taon man ang lumipas
kung di tayo kikilos, gutom at dahas ang danas

mga kapwa api, kumilos tayong sama-sama
at iwaksi na ang  mapagsamantalang sistema
kaya nating umunlad kahit wala ang burgesya
na sa masa'y deka-dekada nang nagsamantala

kapara nati'y halamang tumubo sa batuhan
na di man diniligan, nag-aruga'y kalikasan
tulad ng mga dahong sama-samang nagtubuan
kumilos tayo't baguhin ang abang kalagayan

sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin
ito'y katotohanang sa puso't diwa'y angkinin
dudurugin ang sistemang bulok, papalitan din
ng makataong lipunang pinapangarap natin

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Martes, Marso 22, 2022

A Walk for Ka Leody...

A WALK FOR KA LEODY,
WALDEN, AND THEIR LINE UP
IS A WALK FOR CLIMATE JUSTICE

4.22.2022 (Earth Day)
7am-12nn
from Bonifacio Monument in Caloocan
to Bantayog ng mga Bayani in QC
to People Power Monument in Mandaluyong

with Poetry Reading of Tagalog poems

Concept:

This activity is a walk and awareness campaign which will be held on Earth Day, 4.22.2022, for our candidates less than three weeks before the May election.

Presidential candidate Ka Leody de Guzman joined us during our Climate Walk from Luneta to Tacloban in 2014, a year after supertyphoon Haiyan, popularly known as Yolanda, landed in the Philippines that killed more than 5,000 people. Ka Leody also spoke about climate emergency and also calls for climate justice.

Vice Presidential candidate Walden Bello is an internationally known activist who has written many topics on economy and ecology.

Candidates for Senator Atty. Luke Espiritu and the two known environmentalist Roy Cabonegro and David D'Angelo is also knowledgeable and actively campaining in this respect and can clearly explain their call for climate justice to the masses.

Ka Lidy Nacpil, an internationally known activist fighting for several decades now for Climate Justice, is the second nominee of PLM Partylist.

Let's join us in this Walk for Climate Justice on Earth Day, because "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE!"

Mechanics ng nasabing Alay-Hakbang para sa Klima:

Ang paglalakad ay sisimulan ng mga volunteer, na maaaring lima hanggang sampung katao. May hawak na malaking banner na nakasulat ang: "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE”. 

Upang hindi masyadong hingalin ang mga maglalakad o sasama sa Alay-Hakbang para sa Klima, maaaring may magsimula lamang mula Bonifacio monument hanggang Balintawak market, at papalitan na sila ng isa pang set ng maglalakad.

Istasyon ng paglalakad:

(1) Magsisimula ang paglalakad mula sa Monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang Balintawak market. Pahinga ng sampung minuto.

(2) Paglalakad mula Balintawak market hanggang SM North. Pahinga ng sampung minuto.

(3) Paglalakad mula SM North hanggang Bantayog ng mga Bayani. Pahinga ng sampung minuto.

(4) Paglalakad mula Bantayog ng mga Bayani hanggang Farmers, Cubao. Pahinga ng sampung minuto.

(5) Paglalakad mula Farmers, Cubao hanggang People Power Monument.

Magkakaroon ng munting programa sa People Power Monument. Kasabay nito’y ang Tulaan sa Earth Day, kung saan ang mga tula ay batay sa facebook page na 60 Green Poems for April 22 and for our Green Candidates. 

Nawa’y mahilingan nating magsalita sa aktibidad na ito ang ating mga kandidatong sina Ka Leody de Guzman, Ka Walden Bello, Atty. Luke Espiritu, at syempre ang dalawa nating environmental senatoriables na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.

Bukod sa tulaan sa nasabing paglalakad, ang gabi ng April 22 ay inilaan natin para sa TULAAN o poetry reading sa BMP-KPML office sa Lungsod ng Pasig. 

Hiling po namin ang inyong suporta sa gawaing ito. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
participant, Climate Walk from Luneta to Tacloban (October 2, 2014 - November 8, 2014)
participant, French leg of the People's Pilgrimage from Rome to Paris (November 7, 2015 - December 14, 2015)

Huwebes, Marso 17, 2022

Selfie

SELFIE

ako'y agad nakipag-selfie
nang makita siya sa rali
ako'y natuwa't di nagsisi
sa kandidatong nagsisilbi

sa masa't sa kapaligiran
pambatong makakalikasan
kandidato ng mamamayan
ibotong Senador ng bayan

si David D'Angelo siya
pambatong Senador ng masa
na ang partidong nagdadala
ay Partido Lakas ng Masa

matitindi ang talumpati
basura raw ay di umunti
pati klima'y bumubuhawi
magsilbi sa bayan ang mithi

may babalang nakakatakot
hinggil sa klima, kanyang hugot
two degrees ay baka maabot
sa walong taon, anong lungkot

hangga't sistema'y di magbago
habang klima'y pabago-bago
nais ni David D'Angelo
dalhin ang isyu sa Senado

ito'y isyu mang daigdigan
ay dapat lang mapag-usapan
si D'Angelo'y kailangan
at ipanalo sa halalan

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

* selfie ng makatang gala
noong Araw ng Kababaihan

Sabado, Marso 12, 2022

Ka Leody para sa Climate Justice

KA LEODY PARA SA CLIMATE JUSTICE

pambato natin sa panguluhan
Ka Leody de Guzman ang ngalan
manggagawa, makakalikasan
may prinsipyo, may paninindigan

sa Climate Walk, siya'y nakiisa
ako'y saksi nang siya'y sumama
sa unang araw d'un sa Luneta
santaon matapos ang Yolanda

Climate Justice ay kanyang unawa
bilang isang lider-manggagawa
pinaliliwanag niyang sadya
kalagayan ng klima sa madla

ako ang kanilang kinatawan
sa Climate Walk, mahabang lakaran
mula Luneta hanggang Tacloban
kinaya rin, nakatapos naman

Ka Leody'y ayaw ng Just-Tiis
ang kanyang adhika'y Climate Justice
climate emergency'y bigyang hugis
nang serbisyo sa tao'y bumilis

sa Climate Justice, ating pambato
si Ka Leody para pangulo
kung nais natin ng pagbabago
Manggagawa Naman ang iboto

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022

Biyernes, Marso 11, 2022

Ang panawagang "Go for Green. Go for Real Zero Emission."

ANG PANAWAGANG "GO FOR GREEN. GO FOR REAL ZERO EMISSIONS."

sa t-shirt may tatak: "Go for Green.
Go for Real Zero Emissions." din
matay ko man anong isipin
ngunit pagninilay-nilayin

hinggil sa buong daigdigan
hinggil sa ating kalikasan
mga asap sa kalangitan
ang usok sa kapaligiran

kaya dapat walang polusyon
dapat sero na ang emisyon
walang usok, wala na iyon
dahil walang coal plants na ngayon

sa mundo'y di na nagsusunog
niyang fossil fuel, ng dapog
panawagang ito'y matunog
pagkat isyung ito'y nabantog

ngunit di pa rin mapigilan
negosyo kasing malakihan
limpak-limpak kung pagtubuan
ng kapitalistang gahaman

anong dapat nating magawa
sa sistema nilang kuhila
paano nga ba mawawala
zero emission ay kamting sadya

- gregoriovbituinjr.
03.11.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa isang public forum na nadaluhan

Hustisya sa Klima, Ngayon Na!

HUSTISYA SA KLIMA, NGAYON NA

dinig ko ang talumpati ni David D'Angelo
talagang mapapaisip ka kapag ninamnam mo
lalo't sinabi ang pag-iinit ng klima, mundo
na sa loob ng walong taon, lalala pa ito

habol natin, huwag umabot ng 1.5 degree
ang pag-iinit ng mundo, ngunit kanyang snabi
doon sa nilahukang rali, ito pa'y titindi
baka sa walong taon, abot na'y dalawang degri

nakababahala ang nangyayari sa daigdig
habang ang bansang Ukraine ay pilit na nilulupig
dahil daw sa fossil fuel, gerang nakanginginig
sa nangyayaring climate change pa'y anong dapat tindig

si D'Angelo, sa Senado'y kandidato natin
sa kanyang talumpati ay sinabi nang mariin
pagsusunog ng fossil fuel ay dapat pigilin
pagpapatakbo ng coal plants ay dapat sawatain

subalit mga iyon ay pagbabakasakali
makapangyarihang bansa'y gagawin ang mungkahi?
malaking katanungan, di iyon gayon kadali
dapat ngang mag-organisa para sa ating mithi

dapat Annex 1 countries ay pagbayarang totoo
ang nangyayari sa lahat ng bansang apektado
karaniwang mamamayan ay kumilos ding todo
upang mapigilan na ang nagaganap na ito

asam nating itayo ang makataong lipunan
na walang sinusunog na fossil fuel o coal plants
kung saan pantay, walang mahirap, walang mayaman
may karapatang pantao't hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.
03.11.2022
* litratong kuha ng makatang gala noong Women's Day

Linggo, Marso 6, 2022

Nagbabagong klima

NAGBABAGONG KLIMA

nakakabagabag na sa tao
ang klimang nagpapabago-bago
tumitindi ang danas na bagyo
na sa madla'y nakakaapekto

mga nasalanta'y nagtitiis
sa panahong nagbabagong-hugis
kaya sigaw ng tao'y di mintis
sa panawagan ng Climate Justice

at sa pandaigdigang usapin
climate emergency'y talakay din
pag-iinit ng mundo'y isipin
1.5 degree'y huwag abutin

sa mukha ng nasalanta'y bakas
ang sigwang kanilang dinaranas
Climate Justice ang sa puso'y atas
para sa mundo, bayan, at bukas

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022

Sa kawayanan

SA KAWAYANAN

napatitig ako sa kawayan
nang mapadalaw sa pamayanan
ng maralita sa isang bayan
at kayrami kong napagnilayan

kalikasan, alagaan natin
kapaligiran, ating linisin
paano ang dapat nating gawin
nang luminis ang maruming hangin

nakakahilo na ang polusyon
sa mga lungsod, bayan at nayon
dapat may magawa tayo ngayon
para sa sunod na henerasyon

sa kawayanan ay napatitig
nanilay, dapat tayong tumindig
halina't tayo'y magkapitbisig
para sa kalikasan, daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022
- litratong kuha ng makatang gala sa isang sityo sa Antipolo

Biyernes, Marso 4, 2022

Tarp na tela

TARP NA TELA

dalawang taal na taga-Pasig
na tangan ang tarpolin na tela
nagsalita sila'y ating dinig
nang midya'y kinapanayam sila

na tinanong ukol sa tarpoling
makakalikasan, ano iyon
di na plastik ang ginamit nila
na parapernalyang pang-eleksyon

kayganda ng katwirang matuwid
kandidato'y makakalikasan
dito pa lang, may mensaheng hatid
kalikasan ay pangalagaan

paninindigan ng kandidato
sa tumitindi nang bagyo't klima
paninindigang para sa mundo
prinsipyadong tindig, makamasa

"Climate Justice Now!" ang panawagan
sa bawat bansa, buong daigdig
na platapormang kanilang tangan
kung saan dapat magkapitbisig

ah, ito'y isa nang pagmumulat
pagkasira ng mundo'y sinuri
sa kanila'y maraming salamat
sana ang line-up nila'y magwagi

- gregoriovbituinjr.
03.04.2022
* litratong kuha ng makatang gala matapos ang forum ng PasigLibre, 03.01.2022

Martes, Marso 1, 2022

Makakalikasan para sa Senado

MAKAKALIKASAN PARA SA SENADO

para sa kalikasan ang dalawa'y tumatakbo
mga environmental advocates silang totoo
halina't tandaan ang pangalang ROY CABONEGRO
at DAVID D'ANGELO, kandidato sa Senado

si Roy Cabonegro ay matagal kong nakasama
sa isyung makakalikasan sa akin humila
Environmental Advocates Students Collective pa
samahan sa iba't ibang pamantasan talaga

si David D'Angelo ay minsan nang napakinggan
nang sa Partido Lakas ng Masa'y naimbitahang
plataporma'y ilahad bilang Senador ng bayan
zoom meeting iyon, tunay siyang makakalikasan

sa pagka-Senador ay atin silang ipagwagi
ang dalawang itong sa kalikasan ay may budhi
at kung maging Senador ay magsisilbing masidhi
sa taumbayan, sa kalikasan, na ating mithi

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022