Huwebes, Abril 7, 2022

Pagpuna

PAGPUNA

"Huwag silang magkamali, tutulaan ko sila!"
tila ba sa buhay na ito'y naging polisiya
nitong makata sa makitang sala't inhustisya
upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema

tila tinularan si Batute sa kolum nito
noon sa diyaryo pagdating sa pangmasang isyu
pinuna nga noon ang bastos na Amerikano
pinuna rin ang sistema't tiwali sa gobyerno

di makakaligtas sa pluma ko ang mandarambong
sa kaban ng bayan, trapo, tarantado, ulupong
na pawang perwisyo sa bayan ang isinusulong
upang sila'y madakip, maparusahan, makulong

salot na kontraktwalisasyon ay di masawata
pati di wastong pagbabayad ng lakas-paggawa
patakaran sa klima, mundong sinisira, digma
pamamayagpag sa tuktok nitong trapong kuhila

pagpaslang sa kawawa't inosente'y pupunahin
pagyurak sa karapatang pantao'y bibirahin
sistemang bulok, tuso't gahaman, di sasantuhin
kalikasang winasak, pluma'y walang sisinuhin

tungkulin na ng makata sa bayang iniirog
na mga mali'y punahin at magkadurog-durog
upang hustisyang panlipunan yaong maihandog
sa masang nasa'y makitang bayan ay di lumubog

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022

Biyernes, Abril 1, 2022

Sa buwan ng Earth Day

SA BUWAN NG EARTH DAY

habilin sa simula ng buwan
ng Earth Day, ating pangalagaan
at linisin ang kapaligiran
para sa ating kinabukasan

ang paligid na'y kalunos-lunos
sa naglipanang plastik at upos
mga ito'y pag-isipang lubos
nang malutas at maisaayos

tara, gulay ay ating itanim
upang balang araw may anihin
mga puno ay itanim natin
na kung mamunga'y may pipitasin

huwag maabot, one point five degree
ang pag-iinit ng mundo, sabi
ng mga aghamanon, mabuti
at agham sa atin ay may silbi

mabuti kung gobyerno'y makinig
lalo't isyung ito'y pandaigdig
bayan ay dapat magkapitbisig
sumisira sa mundo'y mausig

mahigit dalawampung araw pa
at Earth Day ay sasalubungin na
araw na talagang paalala
protektahan ang tanging planeta

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022