Huwebes, Hunyo 23, 2022

Alagata

ALAGATA

pumatak na naman ang ulan habang nakikinig
ng talakayan sa zoom na halos di na marinig
ang tagapagsalita sa tinuran niyang tindig
hinggil sa ilang isyung pambayan at pandaigdig

may bagyo ba? anong pangalan? hanggang pinasok ko
ang mga damit na nakasampay sa labas, dito
ko naalagata paano tutugon ng wasto
hinggil sa papainit na klima sa ating mundo

isinuot ko ang naitagong pantalong kupas
na alaala ng kabinataan kong lumipas
habang pang-itaas ay kamisetang walang manggas
nasa diwa yaong pagtahak sa putikang landas

gabi, naririto't di pa rin dalawin ng antok
ang pusa'y nag-aabang sa labas, may inaarok
ako, mailalagay kaya ang dukha sa tuktok?
marahil, kung mapapalitan ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
06.23.2022

Miyerkules, Hunyo 22, 2022

Kailangan ka

KAILANGAN KA

bayani ay kailangan
ng ating kapaligiran
at daigdig na tahanan;
ikaw ba'y isa na riyan?

daigdig ay gawing lunti
basura'y di maging gawi
baluktot ay mapapawi
kung iwawasto ang mali

sinong magtutulong-tulong
kundi tayo-tayo ngayon
buti ng mundo'y isulong
tungkuling napapanahon

kung gawin ang sinasabi
upang sa mundo'y mangyari
ang dito'y makabubuti 
Igan, isa kang bayani

- gregoriovbituinjr.
06.22.2022

Martes, Hunyo 14, 2022

Strawberry moon

STRAWBERRY MOON

gaano kaygandang pagmasdan ang Strawberry Moon
magkukulay strawberry kaya ang buwan ngayon
ngunit maulap ang kalangitan, panay ang ambon
magbakasakali tayo, abangan pa rin iyon

ihanda ang mga mata, pati iyong kamera
bakasakali lang na makunan mo ng maganda
o kaya'y tandaan, ilarawan sa alaala
at baka may makatha ka pang tula o istorya

O, Strawberry Moon, pagdalaw mo'y makasaysayan
anong hiwagang mayroon na dapat kang pagmasdan?
lalo sa aking plumang may kung anong hinahawan
pag-iral mo sa siyensya ba'y anong kahulugan?

karagatan ba'y taog muli pag nagpakita ka?
o sa Musa ng Panitik ay inspirasyon kita?
daraan ba'y matinding sigwa kaya nagpakita?
o tulad ng Strawberry, may masaganang bunga?

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

taog - high tide
* batay sa balita ni Mang Tani Cruz sa GMA7

Linggo, Hunyo 12, 2022

Pita

PITA

dinggin mo ang tinig
ng ating daigdig;
kung pulos ligalig,
wala bang pag-ibig?

tingni ang alindog
ng dagat at ilog;
sa basura'y lubog
ang mundo kong irog.

halina't magtanim
ng punong malilim,
ng adhikang atim,
ng pagsintang lihim.

ating alagaan
ang kapaligiran
at ang kalikasang
dapat mapagyaman.

haynaku, haynaku!
di po ito hayku..
ang panawagan ko
sana'y dinggin ninyo

ang hanap ng ibon
ay saan hahapon
sa sangang mayabong
o kawad lang doon?

- gregoriovbituinjr.
06.12.2022

Linggo, Hunyo 5, 2022

Tula sa WED2022

SA DAIGDIGANG ARAW NG KAPALIGIRAN

kayraming gagawin, masdan mo ang kapaligiran
pakinggan ang awitin ng Asin sa kalikasan
polusyon, upos, plastik, basura, klima rin naman
sa mga suliraning ito'y anong kalutasan

kayrumi ng Ilog Pasig, ng karagatan natin
nakakalbo ang kagubatan, halina't magtanim
kayraming isyung dapat isipin anong gagawin
tulad sa Marcopper na nawasak yaong lupain

Ondoy, Yolanda, climate change, matitinding daluyong
pang-unawa't pagbibigkis nga'y dapat maisulong
maraming magagawa, lalo't magtutulong-tulong
lalo't bukás ang isipan sa isyung patung-patong

ngayong World Environment Day, ikalima ng Hunyo
tinakdang petsa para sa kalikasan at tao
ang nagbabagong klima'y nararamdamang totoo
isyu rin ang plantang coal at pagmimina sa mundo

makiisa na sa pagkilos laban sa plantang coal
isang sanhi kaya klima'y nagkakabuhol-buhol
sa pagtatayo ng dambuhalang dam na'y tumutol
buhay at kultura ng katutubo'y ipagtanggol

di na dapat paabutin pa sa one point five degree
ang pag-iinit nitong mundo, huwag isantabi
ang isyung ito't talagang di na mapapakali
maraming lulubog na isla pag ito'y nangyari

sa laot, kinakain na ng isda'y microplastic
ah, di na mabilang ang upos at basurang plastik
naggugupit na ng plastik upang gawing ekobrik
pagbabakasakali rin ang proyektong yosibrik

ngayong World Environment Day, pag-isipan nang lubos
ang mga isyung nabanggit, tayo na'y magsikilos
para sa kinabukasan, bayan at masang kapos
upang sa mga isyung ito, tao'y makaraos

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.
06.05.2022