Pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Marso 2015, pahina 9 at 12 |
ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Diwang Lunti, Marso 2015, pahina 9-10
Nitong nakaraang taon ay inilunsad ang Climate Walk. Isa itong paglakad ng 1,000 kilometro mula sa Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, 2014, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-Violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Nagtapos naman ito noong Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng pinakamatinding unos na tumama sa kasaysayan ng tao, ang Yolanda, na may pandaigdigang ngalang Haiyan.
Mahigit 5,000 ang namatay sa unos na iyon. At iniuugnay ang pangyayaring iyon sa pagbabago ng klima o climate change, isang pangyayaring nagbago na ang klima ng daigdig dahil na rin sa kagagawan ng tao.
Ang Climate Walk ay di lang simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan. Kasama ang mga bagong magkakakilala na may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"
Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.
Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.
Climate Justice Now! Ito ang panawagan ng Climate Walk. May dapat singilin at may dapat managot. Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito.
Ang mga mauunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change). At mula sa paninindigang common but differentiated responsibilities, dapat singilin ang mga bansang may malaking kontribusyon sa pagbabago ng klima.
Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis ng nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangay, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento