Lunes, Nobyembre 30, 2015

Lakad sa Paris

Sumama kami sa malaking aktibidad sa lugar na Republique sa Paris, kung saan naglatag ng maraming sapatos bilang simbolo ng mga taong hindi makasama ng pisikal kundi sa puso’t diwa dito sa Paris, bilang pakikiisa nila sa panawagang Climate Justice. Ito’y simbolo rin ng naudlot na malawakang pagkilos o Climate March na nakatakda sanang ganapin dito sa Paris ng Nobyembre 29, 2015. Simbolo rin ang mga sapatos ng panawagan mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang magkaroon ng mas magandang resulta at kasunduan ang pag-uusap ng mga world leaders sa COP 21 sa Paris ngayong Disyembre 2015.
#ClimateWalk #ClimatePilgrimage

Sabado, Oktubre 3, 2015

Pagtahak sa landas na makitid

Pagbati sa unang anibersaryo ng umpisa ng Climate Walk 2014, mula sa Kilometer Zero (Manila) hanggang Ground Zero (Tacloban), Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng daluyong at bagyong Yolanda.

Martes, Setyembre 29, 2015

Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Tula sa Climate Pilgrimage

magkasama sa Climate Walk noon
hanggang sa Climate Pilgrimage ngayon
upang ipagpatuloy ang misyon
para sa Climate Justice na bisyon

magpapatuloy sa bawat hakbang
daanan man ay gubat at parang
ang matataas mang kabundukan
ang patag at magulong lansangan

pumarito na at paparoon
dala sa puso'y mabuting layon
dala sa diwa'y kamtin ang bisyon
dala sa paa'y tupdin ang misyon

danas man ay sakripisyo't luha
damhin ma'y malasakit at tuwa
tangan sa dibdib yaong adhika
para sa daigdig, kapwa't bansa

sadyang nagkakaisa ngang tunay
na itutuloy ang paglalakbay
ihahasik sa kapwa ang gabay
na Climate Justice na aming pakay

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 19, 2015

Laudato Si, naisalin na sa wikang Filipino

LAUDATO SI, NAISALIN NA SA WIKANG FILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salamat sa mga kasama sa Climate Walk. Nang dahil sa kanilang pagtitiwala sa kakayahan ng inyong lingkod ay pinagsikapan kong isalin sa wikang Filipino ang Laudato Si, ang bagong Ensikliko ni Pope Francis. Sa ngayon ay natapos na ang salin sa wikang Filipino ng Laudato Si. Ilang editing na lang at maaari nang ilathala.

Ang Climate Walk ay isang mahabang lakaran mula Kilometer Zero (Luneta) hanggang Ground Zero (Tacloban) na ginanap mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Nitong Hunyo 18, 2015, naglakad ang ilang kasapi ng Climate Walk mula sa Kilometer Zero hanggang Simbahan sa Remedios Circle sa Malate, kasama na ang ilang parishioner nito. Nagkaroon ng programa sa loob ng simbahan hinggil sa Ensiklikong pinamagatang Laudato Si, o "Praise Be!" na isinulat ni Pope Francis. Ito'y sulatin ng Simbahan hinggil sa kalagayan ng ating mundo, tungkol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa daigdig, at anong dapat nating gawin sa nagbabagong klima, o climate change.

Matapos ang programa, napag-usapan ng ilang kasapi ng Climate walk kung gaano kahalaga ang nilalaman ng Laudato Si at dapat itong maipaunawa sa mamamayan. Kaya kinausap ako nina Rodne Galicha ng Climate Reality at Naderev "Yeb" Saño, dating Commissioner ng Climate Change Commission, na maisalin ito sa wikang Filipino, na agad kong sinang-ayunan. Isang malaking karangalan na sa akin ipinagkatiwala ang pagsasalin ng mahabang dokumentong iyon, na umaabot ng 246 na talata at 82 pahina sa pdf file. Kaya agad kong sinaliksik ang dokumentong iyon sa internet at ang-download ng pdf file, na siya kong isinalin.

Sinimulan ko ang pagsasalin noong Hunyo 24 at ginawan ko ito ng blog sa internet upang makita na ng mga kasama ang unti-unting pagsasalin ng Laudato Si. At natapos ko naman ang salin noong Setyembre 16, 2015. Kaya umabot ito ng higit sa dalawa't kalahating buwan. Makikita ito sa http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/. Bawat araw ay isinasalin ko muna ang limang talata, at ina-upload. Kumbaga, isinisingit ko sa gabi, o sa libreng oras sa araw ang pagsasalin.

Kung nagsimula ako ng Hunyo 24, at limang talata kada araw, dapat matatapos ko ang 246 na talata ng Agosto 12, 2015. (246 talata divided by 5 equals = 49.2 o 50 days)  Ngunit dahil sa dami ng trabaho, at may isinasalin ding ibang dokumento, ay nabinbin din ang pagsasalin ng Laudato Si. Nais ko sanang matapos iyon nang maaga. Noong Hulyo ay nakapagsalin ako ng 50 talata, Hulyo ay 120 talata, Agosto ay 25 lamang, at Setyembre ay 51 talata.

Mahirap din ang magsalin, dahil kinakailangan mong hanapin ang angkop na salin at kahulugan ng salita, at kung mayroon ba itong katumbas sa wikang Filipino. Nakatulong ng malaki sa pagsasalin ang English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang UP Diksyunaryong Filipino, at ang Wikipedia.

Sa Wikipedia ko nakita ang salin ng Holy See, o Banal na Sede. Nakita ko naman sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang salin ng dam sa Filipino, at ito'y saplad. Sa pahina 175 ng UP Diksyunaryong Pilipino nakita ko naman ang angkop na salin ng biodiversity (bá-yo-day-vér-si-tí) na nangangahulugang pagkakaiba-iba ng mga haláman at hayop, at ito'y saribuhay. Sa Wikipedia ay nakita kong ang salin ng cereal ay angkak o sereales.

Bilang makata, mahalaga ang mga salin sa wikang Filipino upang magamit sa pagtula, at maipaunawa sa iba na hindi dapat laging ginagawang Kastila ang mga wikang Ingles pag isinasalin sa wikang Filipino. Ang community na isinasalin ng komunidad (na sa Kastila ay comunidad) ay may salin pala sa wikang Filipino, at pamayanan ang tamang salin ng community sa wikang Filipino.

May mahirap ding hanapan ng salin, tulad ng aquifer - akwiper na nasa talata 38. An aquifer is an underground layer of water-bearing permeable rock or unconsolidated materials (gravel, sand, or silt) from which groundwater can be extracted using a water well. Hinanap ko ang katumbas nito sa UP Diksyunaryong Filipino at sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ngunit wala ito roon. Marahil may katumbas na salita ito sa wikang Filipino na alam ng mga mangingisda.

May salin din na tila hindi angkop, tulad ng salitang collateral sa talata 49 na ang salin ay ginarantiyahan, ayon sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, p. 167. Kaya pag isinalin natin ang collateral damage, ito'y magiging ginarantiyahang pinsala, na palagay ko'y hindi talaga angkop. Dahil sa digmaan, ang sinumang sibilyang madamay sa digmaan, minsan ay itinuturing na collateral damage, o sa pagkaunawa agad, ito'y mga nadamay lang ngunit hindi dapat mamatay. Subalit pag isinalin mo na sa wikang Filipino, kung ang mga sibiliyang nadamay na iyon ay collateral damage, ibig sabihin ba, ginarantiyahan ang pinsala sa kanila? Hindi angkop.

Kaya mahalaga sa pagsasalin ang buong pag-unawa sa buong pangungusap at buong teksto upang hindi sumablay sa pagsasalin.

Gayunman, dadaan pa sa mas madugong editing ang natapos na salin upang matiyak na akma ang mga salin. Marami pang dapat gawin matapos ang buong pagsasalin, dahil bukod sa madugong editing ay ang pagdidisenyo nito bilang aklat at pagpapalathala.

Halina't tingnan ang salin ng Laudato Si sa:
http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/.

Lunes, Setyembre 7, 2015

Maraming salamat po, Cardinal Tagle

Mula sa facebook, ibinahagi ni kasamang Nitya
Mula sa facebook, endorsement ni Cardinal Tagle

Martes, Agosto 11, 2015

Ang Bitukang Manok sa Pasig, Atimonan, Daet at sa Kasaysayan ng Katipunan

ANG BITUKANG MANOK SA PASIG, ATIMONAN, DAET AT SA KASAYSAYAN NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Oktubre 9, 2014, kami sa Climate Walk ay tumahak sa tinatawag na Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon. Iyon ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko. Dahil ang alam kong Bitukang Manok ay nasa Lungsod ng Pasig, na kadalasang tinatalakay namin sa usaping kasaysayan, lalo na sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang Bitukang Manok sa kasaysayan ng pakikibaka ng Katipunan dahil pinagpulungan iyon ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio. Tatlong historyador ang nagbanggit nito. Ang dalawa ay kaibigan ko at kasama sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan).

Ang Climate Walk ay isang kampanya para sa Katarungang Pangklima o Climate Justice, at isang mahabang lakbayan, o lakaran mula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang sa Tacloban (Ground Zero) na aming isinagawa mula Oktubre 2, na Pandaigdigang Araw ng Hindi Paggamit ng Dahas (International Day on Non-Violence), hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko ay hindi isang ilog, kundi isang paliku-likong daan. Tinawag na Bitukang Manok dahil animo'y bituka ng manok na paliku-liko ang daraanan. Dito nga kami sa Climate walk tumahak, at habang naglalakad dito'y nagsulat ako ng tula sa aking maliit na kwaderno. Nakita ni kasamang Albert Lozada ng Greenpeace ang pagsulat ko ng tula, kaya ipinatipa niya iyon sa akin sa kanyang cellphone, na siya naman niyang ipinadala sa tanggapan ng Greenpeace upang i-upload sa kanilang website. Narito ang tula:

PAGTAHAK SA BITUKANG MANOK
11 pantig bawat taludtod

Tinahak namin ang Bitukang Manok
Na bahagi ng mahabang Climate Walk
Kaysasaya naming mga kalahok
Nag-aawitan, di nakakaantok

Napakahaba man nitong lakaran
Ay makararating din sa Tacloban
Lalo't kaysaya ng pagsasamahan
Ang pagod ay tila 'di namin ramdam

Sariwang hangin, walang mga usok
Dito'y gubat na gubat pa ang bundok
Kay sarap dito sa Bitukang Manok
Kahit 'di namin narating ang tuktok.

- Bitukang Manok, Atimonan, Quezon, Octubre 9, 2014

Ang tulang ito'y nalathala sa website ng GreenPeace na in-upload doon ni Jenny Tuazon. Maraming salamat sa inyo, Greenpeace! Mabuhay kayo!

Ang ikatlong Bitukang Manok ay nahanap ko sa internet. At ito'y nasa rehiyon ng Bikol, nasa Daet, Camarines Norte. Ito'y nasa kahabaan ng national highway malapit sa hangganan ng Camarines Sur at Camarines Norte, at nasasakupan ng Bicol National Park.

Ang unang Bitukang Manok na alam ko, bago naging bahagi ng kasaysayan ng Katipunan, ay isang kaharian sa panahon ni Dayang Kalangitan (na isinilang ng 1450 at namatay ng taon 1515). Siya ang tanging reynang namuno sa Kaharian ng Tondo, at nagtatag din ng maliit na kaharian sa makasaysayang Bitukang Manok, na nasasakop ng Pasig. Si Dayang Kalangitan ang panganay na anak ni Raha Gambang na itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng kaharian. Noong araw, nang hindi pa nasasakop ng mga Kastila ang bansa, nasasakop ng Tondo ang malaking bahagi ng lupain, kasama na ang Pasig.

Nang mamatay ang kanyang ama, si Dayang Kalangitan ang humalili. Napangasawa niya si Gat Lontok, na nang lumaon ay naging Raha Lontok, na hari ng Tondo. Sinasabing ang pamumuno ni Dayang Kalangitan ay katulad ng pamumuno ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan.  Napangasawa ng anak niyang babaeng si Dayang Panginoon si Prinsipe Balagtas ng Namayan, at anak ni Emperatris Sasaban. Ang anak ni Dayang Kalangitan na si Salalila ang humalili sa kanya, at nang nagpasakop na si Salalila sa Islam, napalitan na ang kanyang pangalan ng Sulaiman, na sa kalaunan ay naging ang makasaysayang si Raha Sulaiman na siyang hari ng Tondo.

Ang nasabing Bitukang Manok sa Pasig ang naging pulungan ng mga Katipunero noong panahon ni Bonifacio. Ayon kay Ed Aurelio Reyes (1952-2015) ng Kamalaysayan, noong maagang bahagi ng Mayo 1896, panahon ng peregrinasyon sa Birhen ng Antipolo, isang armada ng labimpitong bangka ang gumaod mula sa Quiapo, sakay ang mga pinuno ng iba't ibang konsehong panlalawigan ng Katipunan. Pinangungunahan ito ni Gat Andres Bonifacio. Nakarating sila sa bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, at sinalubong sila ni Gen. Valentin Cruz, sa isang pagtitipon na tinawag na "Asamblea Magna". Sa Bitukang Manok idinaos ng mga Katipunero ang pulong kung saan napagpasyahan nilang simulan ang digmaan laban sa Espanya. Bagamat may pag-aatubili ang ilan hinggil sa pasyang ito, lalo na si Emilio Aguinaldo ng Cavite, ang Pagpapasya sa Bitukang Manok ang isang desisyong pinagkaisahan at pinagtibay ng mga Katipunero mula Batanes hanggang Cotabato.

Ayon naman ay Jose Eduardo Velasquez, ikalawang pangulo ng Kamalaysayan at batikang historyador ng Pasig na humalili kay Carlos Tech na nakapagsagawa ng panayam kay Heneral Valentin Cruz noong 1956, ang plano ng Katipunan sa matagumpay na Nagsabado sa Pasig ay pinagpulungan sa Bitukang Manok. Kasabay ng pagkatalo ng mga Katipunero sa Pinaglabanan sa San Juan, nagtagumpay naman ang mga Katipunero sa Pasig noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado. Pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop. Isandaang taon matapos ang tagumpay ng Nagsabado sa Pasig, nananatiling buhay sa diwa ng mga Pasigenyo ang kabayanihan ng mga Katipunero at ipinagdiwang nila ang sentenaryo nito noong Agosto 29, 1996.

Ayon naman kay Pablo S. Trillana, mula sa Philippine Historical Association, sa pulong ng Mayo 4, 1896 sa Bitukang Manok, kinausap ni Supremo Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang kausapin si Jose Rizal hinggil sa sisimulang rebolusyon. Naganap ang pulong nina Rizal at Valenzuela sa Dapitan sa Mindanao noong Hunyo 21-22, 1896, dalawang buwan bago ilunsad ng Katipunan ang himagsikan. Tinanggihan ni Rizal ang alok ni Bonifacio, dahil para kay Rizal, hindi pa hinog ang himagsikan.

Animo'y sawa ang kailugan ng Bitukang Manok na isang mayor na bahagi ng Ilog Pasig. Tinawag ito ng mga Espanyol noon na "Rio de Pasig" (o Ilog ng Pasig), ngunit patuloy pa rin itong tinawag ng mga mamamayan doon na Bitukang Manok. Ang Bitukang Manok ay dumurugtong sa Ilog ng Antipolo. Noong ika-17 hanggang ika-20 siglo, maraming lakbayan patungong Simbahan ng Antipolo ang tumatahak sa kahabaan ng Bitukang Manok. Kahit ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage ay labing-isang ulit na pabalik-balik na dumaan sa Bitukang Manok. Noong ika-18 siglo, tinayuan ito ng mga mestisong Tsino ng kongkretong tulay na estilong pagoda na tinawag na Pariancillo Bridge, na sa kalaunan ay naging Fray Felix Trillo Bridge bilang pagpupugay sa kilalang pastor ng Pasig.

Ang Bitukang Manok ngayon sa Pasig ay isa nang naghihingalong ilog, dahil imbis na protektahan ang ilog ay tinayuan ito ng mga komersyal na establisimyento. Ito'y nasa 3.6 kilometro mula sa kinatatayuan ng McDonalds hanggang sa kinatatayuan ng pabrikang Asahi Glass sa Pinagbuhatan sa Pasig.

Tulad ng iba pang mahahalagang pook sa bansa, makasaysayan ang Bitukang Manok sa Pasig at hindi ito dapat mawala o masira. Dapat itong pahalagahan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:
The Featinean publication, July-October 1996, pages 28-29
https://en.wikipedia.org/wiki/Dayang_Kalangitan
http://filipinos4life.faithweb.com/Pasig.htm
http://filipinos4life.faithweb.com/Joe-ed-pasig.htm
http://www.mytravel-asia.com/pois/100343-Bitukang-Manok
http://wikimapia.org/5620018/Bitukang-Manok-Marker-Pariancillo-Creek
http://www.pasigcity.gov.ph/subpages/historical.aspx
http://opinion.inquirer.net/59679/bitukang-manok-fork-in-road-to-revolution

Sabado, Hunyo 20, 2015

Ang Climate Walk at ang Laudato Si ni Pope Francis

Climate Walk, idinaos bilang pagpupugay sa bagong Ensikliko ni Pope Francis
Ulat ni Greg Bituin Jr.

Nagsagawa ng pagkilos ang mga kasapi ng Climate Walk, kasama ang mga parishioner ng Simbahan mula sa Luneta hanggang sa Simbahan sa Remedios Circle sa Malate, Maynila nitong araw ng Huwebes, Hunyo 18, 2015. Isinagawa nila iyon bilang pagpupugay kay Pope Francis dahil sa inilathala nilang Ensiklikong pinamagatang Laudato Si, o "Praise Be!" Sinasabing nilalaman ng Laudato Si ang sulatin ng Simbahan hinggil sa kalagayan ng ating mundo, tungkol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa daigdig, at anong dapat nating gawin sa nagbabagong klima, o climate change.

Nagkaroon din ng munting programa sa loob ng simbahan, at matapos iyon ay nagdaos ng misa sa ganap na ikaanim ng gabi.

Nagsimula ang paglalakad nila mula ikaapat ng hapon, binaybay ang kahabaan ng Roxas Blvd., at dumating sa Simbahan ng bandang ikalima ng hapon, at sinimulan ang programa. Ikapito na ng gabi nang matapos ang misa, at ang buong programa. 

litrato kuha ni Ron Faurillo ng Greenpeace
litrato mula sa www.eenews.net
litrato mula sa http://news.yahoo.com/latest-vatican-spokesman-church-united-pope-093925513.html

Biyernes, Abril 24, 2015

Climate Pilgrimage for the Planet, Inilunsad

Climate Pilgrimage for the Planet, Inilunsad

Bilang panimula ng napipintong paglalakad mula sa Roma, Italya hanggang sa Paris, Pransya, inilunsad ng mga taong pangunahing naging bahagi ng Climate Walk ang Climate Pilgrimage for the Planet noong Abril 22, 2015, kasabay ng komemorasyon ng Earth Day sa buong mundo. Nagtipon sila sa Edsa People Power Monument at mula roon ay naglakad sila patungong Kilometer Zero sa Luneta.

Una silang nagkasama sa Climate Walk, isang mahabang paglalakad mula sa Kilometer Zero (sa Luneta sa Maynila) noong Oktubre 2, 2014 (International Day for Nob-Violence) hanggang sa Ground Zero (Lungsod ng Tacloban) noong Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.

Ngayong 2015, muling magsasama-sama ang mga tagapagtaguyod na ito ng climate justice sa isang paglalakad muli, na tinagurian nilang Climate Pilgrimage for the Planet. Ito'y serye ng mga paglalakad sa Europa, na magmumula sa Roma hanggang sa Paris, na siyang pagdarausan ng 2015 Climate Change Summit. Kasabay nito'y may mga iba't ibang kaparehong lakbayan din sa Hilagang Amerika, Latin Amerika, Aprika, Asya, at iba pang lugar. Ang Climate Walk patungong Paris ang siyang sentrong bahagi ng Pilgrimage for the Planet, isang pagsasama-sama ng mga taong nangangarap ng mas maayos na daigdig para sa lahat.

Isa sa pinakaaabangang sandali ngayong taon ang papal encyclical on climate change and ecology na ilalabas ng Santo Papa Francisco sa takdang panahon. Sa tuwina'y ipinaaalala ng Santo Papa sa iba't ibang panig ng daigdig na "ang pagkawasak ng kalikasan ay isang modernong kasalanan (destruction of nature is a modern sin)" at ang "di mapigilang konsumerismo ay nagwawasak sa ating planeta (“unbridled consumerism is destroying our planet)." 

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong makasama sa ganitong dakilang layunin. Kaya dapat na paghandaan ang paglalakbay na ito, mula sa pasaporte, sa pinansya, at lalo na sa puso't diwa. Dapat na ang mga maglalakad ay may pagkakaisa, may pagtutulungan, upang maging matagumpay ang dakilang layuning ito na bihirang pagkakataon lamang na maganap. Nawa'y ang paglalakbay na ito'y tuluyang kumabit at magdugtong sa layuning pagkalikasan para sa lahat ng mamamayan at nilalang sa daigdig.

(Ulat ni Greg Bituin Jr.; litrato mula kay Ron Faurillo ng Greenpeace)

Lunes, Marso 16, 2015

Artikulo sa Diwang Lunti, Marso 2015 - Ang Climate Walk

Pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Marso 2015, pahina 9 at 12
Pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Marso 2015, pahina 10 at 11

ANG CLIMATE WALK
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Diwang Lunti, Marso 2015, pahina 9-10

Nitong nakaraang taon ay inilunsad ang Climate Walk. Isa itong paglakad ng 1,000 kilometro mula sa Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, 2014, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-Violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Nagtapos naman ito noong Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng pinakamatinding unos na tumama sa kasaysayan ng tao, ang Yolanda, na may pandaigdigang ngalang Haiyan. 

Mahigit 5,000 ang namatay sa unos na iyon. At iniuugnay ang pangyayaring iyon sa pagbabago ng klima o climate change, isang pangyayaring nagbago na ang klima ng daigdig dahil na rin sa kagagawan ng tao.

Ang Climate Walk ay di lang simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan. Kasama ang mga bagong magkakakilala na may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis  o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

Climate Justice Now! Ito ang panawagan ng Climate Walk. May dapat singilin at may dapat managot. Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. 

Ang mga mauunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change). At mula sa paninindigang common but differentiated responsibilities, dapat singilin ang mga bansang may malaking kontribusyon sa pagbabago ng klima.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis ng nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangay, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. 

Lunes, Marso 9, 2015

Paghahanda sa malayong paglalakbay

PAGHAHANDA SA MALAYONG PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dalawang buwan din tayong maglalakad
sa malayong lupang adhikang mapadpad
sa mga landasing di naman banayad
sa mga bulaklak na namumukadkad

tangan ang adhikang dapat isatinig
dala ang mensaheng puno ng pag-ibig
pagkat nagbabagong klima ng ligalig
ay dapat tugunan ng buong daigdig

o, nakasisindak ang Yolandang lasap
ang tugon sa klima'y dapat mahagilap
sapat at totoong tugon ma'y kay-ilap
seryoso na sanang ang mundo'y mag-usap

maglalakbay tayong tangan ang adhika
kaya dapat lamang puspusang maghanda
mula sa lupaing batbat na ng sigwa
tungo sa bulwagan ng lupang banyaga

halina't atin nang tanganang mahigpit
itong paghahandang tiyak anong lupit
tahakin man nati'y puno ng pasakit
mairaraos din natin bawat saglit

Linggo, Marso 8, 2015

Multiple Intelligence Award, iginawad sa Climate Walk

Multiple Intelligence Award, iginawad sa Climate Walk
Ulat ni Greg Bituin Jr.

Ang CLIMATE WALK ang isa sa walong ginawaran ng Multiple Intelligence Awards sa nakaraang 6th MI Awards sa UP Diliman noong Marso 8, 2015.

Ginawaran ng Bodily Kinesthetics Intelligence Award ang mga kasapi ng Climate Walk sa pangunguna ni Commissioner Naderev "Yeb" Saño ng Philippine Climate Change Commission.

Nagsimula noong 2005, ang Multiple Intelligence Awards ay nang naghahanap ng mga indibidwal na kinilala sa kanilang kakaibang ginagawa ngunit nakakapagbigay inspirasyon sa iba. Isinasagawa ang paggawad na ito isang beses sa loob ng dalawang taon (biennial). Kinilala na rin ang gawad na ito sa ilang mga pang-internasyunal na publikasyon, ang "Multiple Intelligences: New Horizons" (Basic Books 2006) at ang "Multiple Intelligences Around the World" (Jossey Bass, 2009).

Ang walong ginawaran ng Multiple Intelligence Awards ay ang mga sumusunod:

Maria A. Ressa - Linguistic Intelligence Award

Reese Fernandez-Ruiz - Logical-Mathematical Intelligence Award

Paulo G. Alcazaren - Spatial Intelligence Award

Sen. Pia Cayetano - Interpersonal Intelligence Award

Noel Cabangon - Musical Intelligence Award

Dr. Josette T. Biyo - Naturalist Intelligence Award

Climate Walk - Bodily Kinesthetic Intelligence Award

Jay Ortuoste Jaboneta - Interpersonal Intelligence Award



(mga litrato mula sa facebook)

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Ulat ni Greg Bituin Jr.

 Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.
 

Linggo, Disyembre 14, 2014

Dapog at Gambalay

DAPOG AT GAMBALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salita sa buong Climate Walk ang aming natutunan. Tulad na lamang sa Samar. Nakatatak sa kulay kahel na baro ng mga nagsisama sa Climate Walk: "Climate Justice, Yana Na!" Ibig sabihin ng Yana Na ay Ngayon Na!

Habang nagpapahinga sa isang lugar na dinaanan ng Climate Walk, may isang pahayagang tabloid na aking binasa - ang pahayagang Pang-Masa, na may petsang Oktubre 22, 2014, pahina 9. Sa isang krosword doon ay aking nakita, Pababa 28 - Makapal at maitim na usok. Di ko alam ang sagot. Kaya sinagutan ko muna ang mga katabing tanong nito. Hanggang sa mabuo ko ang krosword. Ang lumabas na sagot. DAPOG.

May salita palang ganito na maaaring magamit bilang salitang kaiba sa simpleng usok lamang, dahil maliwanag ang depinisyon nito - makapal at maitim na usok.

Sa isang islang pinuntahan namin sa Camotes Island sa Cebu, nakita ko ang salitang Gambalay. Salin ito ng salitang framework na sa salitang Bisaya. Ang Hyogo Framework for Action ay isinalin sa Bisaya na Gambalay sa Paglihok sa Hyogo. GAMBALAY. Kaiba ito sa BALANGKAS sa wikang Filipino pagkat iba ang outline sa framework. Ang outline minsan ay burador pa lamang, habang ang framework ay outline na pinagkaisahan at pinatutupad na. 

Dapog at gambalay. Bilang makata, nais ko nang pasimulan ang paggamit nito sa wikang Filipino bilang ambag lalo na sa usaping climate change. Kailangan marahil itong ikampanya sa Komisyon ng Wikang Filipino upang magamit na ito.

Samantala, sinimulan ko na ang mga itong gamitin sa pagtula.

Sabado, Disyembre 13, 2014

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba isinusulat ang isang epiko? Karaniwan itong isinusulat na patula, kumbaga'y isang mahabang nobela sa paraang patula.

Nariyan ang Epiko ni Gilgamesh, na sinasabing siyang pinakamatandang nasulat na epiko na buhay pa hanggang ngayon. Nariyan din ang Iliad at Odyssey ng Griyegong si Homer. Sa ating bansa, nariyan ang Biag ti Lam-Ang mula sa Ilokos, ang Darangan mula sa Lanao, ang Hinilawod sa Panay, ang Ulilam sa Kalinga, ang Ibong Adarna, ang Ibalon mula sa Kabikulan, ang Tuwaang ng Bagobo, ang Jikiri ng mga Tausug, ang Dagoy ng Palawan, ang Hudhud ng Ifugao, at marami pang iba. Naisulat, kung di man nagpalipat-lipat sa bibig ng salinlahi, ang mga ito sa paraang patula, o panitikan. Mga epiko ito ng kabayanihan na binibigkas o kaya naman ay inaawit.

Batay sa pag-aaral ng ating kasaysayan, isang uri ng panitikan ang epiko. Kadalasang tinatalakay nito o ikinukwento ang mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa kanilang kaaway na sa kasalukuyan ay halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpong makababalaghan at hindi kapani-paniwala. Hindi kapani-paniwala sa panahong ito ng kompyuter at agham, ngunit sa kanilang panahon, o panahon ng ating mga ninuno, marahil ito'y kapani-paniwala. May ilang pag-aaral ding nagsasabing batay sa mga totoong tao ang mga epiko.

Tulad din ng kwento ng kabayanihan sa panahong ito, ang mga makabagong epiko, na hindi natin basta mapaniwalaan, ngunit nagagawa pala.

Tulad ng naganap na Climate Walk na isang paglalakad mula Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Noong una'y maraming nagsasabing hindi ito magagawa, ngunit sa aming sama-samang pagkilos, nagawa namin ang sinasabi nila noong imposible.

Ang Climate Walk ay isang epiko. Epiko ng pag-asa. Epiko ng hustisya.

Kasama ang mga bagong kakilala, may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may mabuting pananaw at mabuting pagtanaw sa kinakaharap ng daigdig? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong handang ibigay ang kanilang panahon para sa kagalingan ng kanilang kapwa? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may dakilang hangarin? Hindi ba't kaysarap nilang makasama dahil positibo silang mag-isip? Ang kanila ngang prinsipyo, imbes na "Kaya ngunit mahirap" ay "Mahirap ngunit kaya!"

Makabagong epiko ang Climate Walk. Iba't ibang tao, iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kaisipan, ngunit nagkakaisa sa panawagang "Climate Justice Now!" Oo, nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Na tila ba pag-uulit ng sinabi ng bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang mahabang akdang Liwanag at Dilim. Ani Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Ano ba ang pakay ng Climate Walk? Hindi lang ito simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan.

Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Kaarawan ko rin iyon.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis, at ito ang nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, di lang sa isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangya, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. Panawagan ito sa lahat na kumilos na at pag-isipang mabuti ang dapat gawin sa papatinding epekto ng nagbabagong klima. Ang lahat ay dapat kumilos.

Kabayanihan. Nagsimula ang Climate Walk sa simbolo ng dalawang bayani. Sa Kilometer Zero kung saan naroon ang rebulto ng pambansang bayaning si Jose Rizal, at Oktubre 2, na kaarawan ni Mahatma Gandhi ng India na nagpasimula ng active non-violence, na siyang ginawang petsa ng deklarasyon ng Oktubre 2 bilang International Day for Non-Violence. Ayon nga kay Commissioner Naderev Saño ng Climate Change Commission, paggising niya sa umaga ay nakikita niya ang kanyang mga kasama bilang bayani, lalo na sa mga sakripisyo at panahong kanilang inilaan para sa Climate Walk. Tulad ng bayaning si Baltog sa epikong Ibalon na tumalo sa mga halimaw, ginapi rin ng mga nasa Climate Walk ang anumang alalahanin upang marating ang layunin.

Katatagan. Sa kabila ng mga paltos at pagod na katawan, nagpatuloy pa rin ang mga nagsisama sa Climate Walk. Hindi nalimutang magdala ng tubig bawat isa sa paglalakad, at pag-inom tuwina ng bitamina. Sa epikong Ibong Adarna, kailangang pigain ni Don Juan ng kalamansi ang kanyang sugat upang hindi makatulog at maging bato tulad ng kanyang dalawang kapatid. Ang katatagan ng mga nasa Climate Walk ay hindi mapasusubalian, sa kabila ng mga paltos sa paa, at sakit ng katawan. Nakagagawa sila ng paraan upang malutas ang mga iyon.

Pagtutulungan. Bawat isa ay tulung-tulong sa anumang maaaring gawin, lalo na sa panahon ng pagpapahinga. Sa paglalakad naman ay tinitiyak na bawat isa'y nakasasabay sa lakad at walang nahuhuli, at kung may mahuli man ay tiyaking may kasama ito o ka-buddy upang anuman ang mangyari ay alam ng mga kasama. Makagagawa agad ng paraan kung may mga kinaharap na problema. Tulad ng pamumuno ni Aliguyon sa epikong Hudhud, ang pagtutulungan sa Climate Walk ay tunay na nagpagaan sa anumang hirap na nararanasan. Patunay lamang na ang nagkakaisang pagkilos ay may kapupuntahan kaysa kanya-kanyang pagkilos.

Palakaibigan. Kahit bago pa lamang magkakakilala ay naging malapit na sa isa't isa dahil sa araw-araw na pagsasama. Kahit marahil ang mga naitatagong lihim, lalo na sa pag-ibig, ay unti-unting nabubunyag, at minsan ay napag-uusapan. Salu-salo sa pagkain, kasama sa litratuhan, sabay-sabay na umaawit, kwentuhan, tawanan.

Pagkamalikhain. Anuman ay nagagawan ng paraan, tulad na lamang ng pagpapatuyo ng labahin, nakagagawa ng mga sinampay sa mga lugar na walang sampayan. Si Lam-ang sa na nanligaw kay Ines Kannoyan ay kayang magpabagsak at magtayo ng bahay sa pamamagitan ng tilaok ng kanyang manok at tahol ng kanyang aso.

Awitan. Di lamang ang climate walk song na "Tayo Tayo" ang inaawit, kundi nang minsang magkantahan sa videoke sa barko ay may kaugnayan pa rin sa paglalakad ang inawit. Pambungad ngang inawit ng isang kasama ang "Walk On" sa barko papuntang Allen.

Maraming karanasang hindi malilimutan, ang mga halakhak, kwentuhan, at nagkaroon din minsan ng iyakan at samaan ng loob, ngunit naayos din naman  dahil napag-usapan. Mayroon namang debate hinggil sa iba't ibang isyu na napag-uusapan lamang ngunit nagkakaunawaan naman.

May mga muntikang disgrasya rin. Ang isa ay nang mag-overtake ang isang 10-wheeler closed van sa isang bus, at nawalan iyon ng preno, at ang isa ay nang bumagsak ang isang motorsiklong may sakay na mag-iina.

Ang tuwinang pag-awit ng Climate Walk song na "Tayo Tayo" ay isa sa nakapagpapagaan sa paglalakbay at nagsilbing tulay sa iba pang organisasyon at mga estudyanteng nakasalamuha upang magkaunawaan sa iisang layunin.

Ang tuwinang pagkukwento ng inspirasyunal na kwento ng batang babae at ng starfish (kurus-kurus) ay talagang nakapagbibigay sigla sa marami sa marangal na layuning maging isa at maging kaisa sa panawagang hustisyang pangklima.

Ang pamimigay ng climate and disaster resilience tool kit ay malaking tulong sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa pagkilos at pag-alam ng dapat gawin hinggil sa nagbabagong klima.

Minsan, may nagsasabing bakit kami naglalakad at may mapapala ba kami diyan? Hindi namin inilusyon o wala sa aming hinagap na masosolusyunan ang climate change ng isang mahabang paglalakbay. Ngunit ang bisa ng Climate Walk ay ang patuloy nitong pagkilos upang makapunta sa iba't ibang lugar at makisalamuha sa iba't ibang tao, mayaman o mahirap, upang ihatid at ipaunawa ang panawagang "Climate Justice Now!". Ipinapahayag ding hindi dapat ipasa sa kabataan ang mga problema dahil sila ang pag-asa ng bayan. Ang pag-iwas sa problema ay hindi solusyon, lalo na ang pagpasa lang nito sa iba. Dapat lahat tayo ay kumilos, bata man o matanda.

Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran, ayon nga sa awitin ng grupong Asin nina Lolita. Ngunit nagmamasid lang ba tayo at hindi kumikilos?

Tugon ko nga sa isa, hindi totoo na wala kaming napapala. Marami. At ang sama-samang pagkilos sa iisang layunin ay may magagawa. Hindi ba't nagsama-samang kumilos ang taumbayan noong Edsa Uno na nagpatalsik sa isang diktador? Hindi ba't dahil sa sama-samang pagkilos ay nakukuha natin ang opinyong publiko at nauunawaan nila kung bakit dapat kumilos. Ang nanonood lamang ay hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Si kasamang Joemar ay laging hawak ang bandila ng Pilipinas at laging nasa unahan ng bulto, minsan ay nakapaang naglalakad kahit kainitan ng araw. Si Brother Raul at Alan Silayan ay matagal ding tumangan at nagwagayway ng bandila sa buong Climate Walk. Winagway din ng mga kasamang babaeng sina Charley at Nitya ang bandila ng Pilipinas na animo'y nasa Olympics.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Hindi mo aakalaing kakayanin ng marami sa amin na lakarin ng ilang araw ang isang lugar na kaylayo, at isanlibong kilometro ang inaasahan noong lalakarin. Bakit lalakarin ng apatnapung araw ang isang lugar na kaylayo na kaya namang marating ng isang oras sa pamamagitan ng eroplano. Sabi nga ng mga kasama, kung hindi tayo naglakad, hindi natin makakasalamuha ang iba't ibang tao, na ngayon ay atin nang mga kaibigan at kaisa sa panawagang climate justice.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ang mga bida ay hindi ang mga naglakad o yaong tinatawag na Climate Walk core dahil walang nais maging bida. Ang bida ay ang panawagang Climate Justice Now! Ang bida ay ang mensahe, hindi ang personahe. Ang bida ay ang taumbayang kumikilos at patuloy na kumikilos para sa kapakanan ng kanilang kapwa upang mapaliit ang epekto ng nagbabagong klima sa kanilang mga lugar, at makaagapay sa nagbabago at nagbabagang panahon. At sa isang epiko, ang bida ay hindi natatalo. Kaya tiyakin nating ang bida sa epikong ito ng makabagong panahon ay hindi magagapi. Ika nga, walang rematch sa climate change. Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. At ang may-akda nito ay ang lahat ng sumama, sumuporta at nakiisa sa mahabang lakaring ito.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ika nga ni Commissioner Yeb Saño, hindi lamang Tacloban ang destinasyon nito kundi ang puso't isipan ng mga tao, di lamang sa ating lugar, kundi sa mga bayan-bayan, at sa iba't ibang bansa sa daigdig.

Nawa ang makabagong epikong ito'y basahin, pakinggan, at magsilbing aral sa mga susunod na henerasyon, lalo na yaong hindi pa ipinapanganak, dahil hindi natin dapat iwan sa kanila ang isang daigdig na nasisira.

Panahon na upang ipagpatuloy ang epiko ng makabagong panahon. Para sa hustisyang pangklima. Para sa patuloy na pagpapahayag ng pag-asa.

Martes, Disyembre 9, 2014

Paunang Salita sa aklat na Sa Bawat Hakbang

Paunang Salita

CLIMATE JUSTICE NOW

Hindi pa tapos ang paglalakad, kahit tapos na ang aktibidad ng Climate Walk na nagsimula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang Tacloban (Ground Zero) mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014. Hindi pa tapos ang paglalakad dahil kailangan pang magpatuloy, dahil kailangan pang manawagan ng hustisyang pangklima sa lahat, dahil marami pang dapat gawin. Ang Climate Walk ay panimula pa lamang. Marami pang mithiin, marami pang dapat gawin, marami pang dapat imulat sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, sa panawagang mitigasyon at adaptasyon, sa panawagang malawakang magbawas na ng dapog o emisyon ang mga malalaking bansa, lalo na yaong nabibilang sa Annex 1 countries, sa panawagang pagkakaisa.

Bilang opisyal na kinatawan ng grupong Sanlakas at ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa mahabang Climate Walk, ang aklat na ito’y naglalaman ng dalawang sanaysay at 82 tula. Ang bawat araw na pag-uulat ng inyong lingkod, pati na rin ang sari-sariling palagay ng makata, sa kasagsagan ng Climate Walk, ay inakda sa anyong patula bilang munting ambag sa panitikan at sa patuloy na pagmumulat at pagkilos para sa panawagang Climate Justice.

Nawa’y inyong manamnam ang tamis at pait ng mga danas at pakikibaka para sa hustisyang pangklima.

Taos-puso ko po itong inihahandog sa inyo, at nawa, pagkatapos ninyong basahin ang mga akda ay patuloy tayong kumilos upang makamit ng sambayanan at ng iba pang mamamayan sa daigdig ang inaasam na hustisya, pagkat may pag-asa pa kung kikilos tayong lahat ng kolektibo at sama-sama. Dahil bawat hakbang ng pagkilos ay mahalaga.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Disyembre 9, 2014
Sampaloc, Maynila