Sabado, Hunyo 20, 2015

Ang Climate Walk at ang Laudato Si ni Pope Francis

Climate Walk, idinaos bilang pagpupugay sa bagong Ensikliko ni Pope Francis
Ulat ni Greg Bituin Jr.

Nagsagawa ng pagkilos ang mga kasapi ng Climate Walk, kasama ang mga parishioner ng Simbahan mula sa Luneta hanggang sa Simbahan sa Remedios Circle sa Malate, Maynila nitong araw ng Huwebes, Hunyo 18, 2015. Isinagawa nila iyon bilang pagpupugay kay Pope Francis dahil sa inilathala nilang Ensiklikong pinamagatang Laudato Si, o "Praise Be!" Sinasabing nilalaman ng Laudato Si ang sulatin ng Simbahan hinggil sa kalagayan ng ating mundo, tungkol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa daigdig, at anong dapat nating gawin sa nagbabagong klima, o climate change.

Nagkaroon din ng munting programa sa loob ng simbahan, at matapos iyon ay nagdaos ng misa sa ganap na ikaanim ng gabi.

Nagsimula ang paglalakad nila mula ikaapat ng hapon, binaybay ang kahabaan ng Roxas Blvd., at dumating sa Simbahan ng bandang ikalima ng hapon, at sinimulan ang programa. Ikapito na ng gabi nang matapos ang misa, at ang buong programa. 

litrato kuha ni Ron Faurillo ng Greenpeace
litrato mula sa www.eenews.net
litrato mula sa http://news.yahoo.com/latest-vatican-spokesman-church-united-pope-093925513.html

Biyernes, Abril 24, 2015

Climate Pilgrimage for the Planet, Inilunsad

Climate Pilgrimage for the Planet, Inilunsad

Bilang panimula ng napipintong paglalakad mula sa Roma, Italya hanggang sa Paris, Pransya, inilunsad ng mga taong pangunahing naging bahagi ng Climate Walk ang Climate Pilgrimage for the Planet noong Abril 22, 2015, kasabay ng komemorasyon ng Earth Day sa buong mundo. Nagtipon sila sa Edsa People Power Monument at mula roon ay naglakad sila patungong Kilometer Zero sa Luneta.

Una silang nagkasama sa Climate Walk, isang mahabang paglalakad mula sa Kilometer Zero (sa Luneta sa Maynila) noong Oktubre 2, 2014 (International Day for Nob-Violence) hanggang sa Ground Zero (Lungsod ng Tacloban) noong Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.

Ngayong 2015, muling magsasama-sama ang mga tagapagtaguyod na ito ng climate justice sa isang paglalakad muli, na tinagurian nilang Climate Pilgrimage for the Planet. Ito'y serye ng mga paglalakad sa Europa, na magmumula sa Roma hanggang sa Paris, na siyang pagdarausan ng 2015 Climate Change Summit. Kasabay nito'y may mga iba't ibang kaparehong lakbayan din sa Hilagang Amerika, Latin Amerika, Aprika, Asya, at iba pang lugar. Ang Climate Walk patungong Paris ang siyang sentrong bahagi ng Pilgrimage for the Planet, isang pagsasama-sama ng mga taong nangangarap ng mas maayos na daigdig para sa lahat.

Isa sa pinakaaabangang sandali ngayong taon ang papal encyclical on climate change and ecology na ilalabas ng Santo Papa Francisco sa takdang panahon. Sa tuwina'y ipinaaalala ng Santo Papa sa iba't ibang panig ng daigdig na "ang pagkawasak ng kalikasan ay isang modernong kasalanan (destruction of nature is a modern sin)" at ang "di mapigilang konsumerismo ay nagwawasak sa ating planeta (“unbridled consumerism is destroying our planet)." 

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong makasama sa ganitong dakilang layunin. Kaya dapat na paghandaan ang paglalakbay na ito, mula sa pasaporte, sa pinansya, at lalo na sa puso't diwa. Dapat na ang mga maglalakad ay may pagkakaisa, may pagtutulungan, upang maging matagumpay ang dakilang layuning ito na bihirang pagkakataon lamang na maganap. Nawa'y ang paglalakbay na ito'y tuluyang kumabit at magdugtong sa layuning pagkalikasan para sa lahat ng mamamayan at nilalang sa daigdig.

(Ulat ni Greg Bituin Jr.; litrato mula kay Ron Faurillo ng Greenpeace)

Lunes, Marso 16, 2015

Artikulo sa Diwang Lunti, Marso 2015 - Ang Climate Walk

Pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Marso 2015, pahina 9 at 12
Pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Marso 2015, pahina 10 at 11

ANG CLIMATE WALK
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Diwang Lunti, Marso 2015, pahina 9-10

Nitong nakaraang taon ay inilunsad ang Climate Walk. Isa itong paglakad ng 1,000 kilometro mula sa Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, 2014, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-Violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Nagtapos naman ito noong Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng pinakamatinding unos na tumama sa kasaysayan ng tao, ang Yolanda, na may pandaigdigang ngalang Haiyan. 

Mahigit 5,000 ang namatay sa unos na iyon. At iniuugnay ang pangyayaring iyon sa pagbabago ng klima o climate change, isang pangyayaring nagbago na ang klima ng daigdig dahil na rin sa kagagawan ng tao.

Ang Climate Walk ay di lang simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan. Kasama ang mga bagong magkakakilala na may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis  o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

Climate Justice Now! Ito ang panawagan ng Climate Walk. May dapat singilin at may dapat managot. Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. 

Ang mga mauunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change). At mula sa paninindigang common but differentiated responsibilities, dapat singilin ang mga bansang may malaking kontribusyon sa pagbabago ng klima.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis ng nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangay, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. 

Lunes, Marso 9, 2015

Paghahanda sa malayong paglalakbay

PAGHAHANDA SA MALAYONG PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dalawang buwan din tayong maglalakad
sa malayong lupang adhikang mapadpad
sa mga landasing di naman banayad
sa mga bulaklak na namumukadkad

tangan ang adhikang dapat isatinig
dala ang mensaheng puno ng pag-ibig
pagkat nagbabagong klima ng ligalig
ay dapat tugunan ng buong daigdig

o, nakasisindak ang Yolandang lasap
ang tugon sa klima'y dapat mahagilap
sapat at totoong tugon ma'y kay-ilap
seryoso na sanang ang mundo'y mag-usap

maglalakbay tayong tangan ang adhika
kaya dapat lamang puspusang maghanda
mula sa lupaing batbat na ng sigwa
tungo sa bulwagan ng lupang banyaga

halina't atin nang tanganang mahigpit
itong paghahandang tiyak anong lupit
tahakin man nati'y puno ng pasakit
mairaraos din natin bawat saglit

Linggo, Marso 8, 2015

Multiple Intelligence Award, iginawad sa Climate Walk

Multiple Intelligence Award, iginawad sa Climate Walk
Ulat ni Greg Bituin Jr.

Ang CLIMATE WALK ang isa sa walong ginawaran ng Multiple Intelligence Awards sa nakaraang 6th MI Awards sa UP Diliman noong Marso 8, 2015.

Ginawaran ng Bodily Kinesthetics Intelligence Award ang mga kasapi ng Climate Walk sa pangunguna ni Commissioner Naderev "Yeb" Saño ng Philippine Climate Change Commission.

Nagsimula noong 2005, ang Multiple Intelligence Awards ay nang naghahanap ng mga indibidwal na kinilala sa kanilang kakaibang ginagawa ngunit nakakapagbigay inspirasyon sa iba. Isinasagawa ang paggawad na ito isang beses sa loob ng dalawang taon (biennial). Kinilala na rin ang gawad na ito sa ilang mga pang-internasyunal na publikasyon, ang "Multiple Intelligences: New Horizons" (Basic Books 2006) at ang "Multiple Intelligences Around the World" (Jossey Bass, 2009).

Ang walong ginawaran ng Multiple Intelligence Awards ay ang mga sumusunod:

Maria A. Ressa - Linguistic Intelligence Award

Reese Fernandez-Ruiz - Logical-Mathematical Intelligence Award

Paulo G. Alcazaren - Spatial Intelligence Award

Sen. Pia Cayetano - Interpersonal Intelligence Award

Noel Cabangon - Musical Intelligence Award

Dr. Josette T. Biyo - Naturalist Intelligence Award

Climate Walk - Bodily Kinesthetic Intelligence Award

Jay Ortuoste Jaboneta - Interpersonal Intelligence Award



(mga litrato mula sa facebook)

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Ulat ni Greg Bituin Jr.

 Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.
 

Linggo, Disyembre 14, 2014

Dapog at Gambalay

DAPOG AT GAMBALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salita sa buong Climate Walk ang aming natutunan. Tulad na lamang sa Samar. Nakatatak sa kulay kahel na baro ng mga nagsisama sa Climate Walk: "Climate Justice, Yana Na!" Ibig sabihin ng Yana Na ay Ngayon Na!

Habang nagpapahinga sa isang lugar na dinaanan ng Climate Walk, may isang pahayagang tabloid na aking binasa - ang pahayagang Pang-Masa, na may petsang Oktubre 22, 2014, pahina 9. Sa isang krosword doon ay aking nakita, Pababa 28 - Makapal at maitim na usok. Di ko alam ang sagot. Kaya sinagutan ko muna ang mga katabing tanong nito. Hanggang sa mabuo ko ang krosword. Ang lumabas na sagot. DAPOG.

May salita palang ganito na maaaring magamit bilang salitang kaiba sa simpleng usok lamang, dahil maliwanag ang depinisyon nito - makapal at maitim na usok.

Sa isang islang pinuntahan namin sa Camotes Island sa Cebu, nakita ko ang salitang Gambalay. Salin ito ng salitang framework na sa salitang Bisaya. Ang Hyogo Framework for Action ay isinalin sa Bisaya na Gambalay sa Paglihok sa Hyogo. GAMBALAY. Kaiba ito sa BALANGKAS sa wikang Filipino pagkat iba ang outline sa framework. Ang outline minsan ay burador pa lamang, habang ang framework ay outline na pinagkaisahan at pinatutupad na. 

Dapog at gambalay. Bilang makata, nais ko nang pasimulan ang paggamit nito sa wikang Filipino bilang ambag lalo na sa usaping climate change. Kailangan marahil itong ikampanya sa Komisyon ng Wikang Filipino upang magamit na ito.

Samantala, sinimulan ko na ang mga itong gamitin sa pagtula.

Sabado, Disyembre 13, 2014

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba isinusulat ang isang epiko? Karaniwan itong isinusulat na patula, kumbaga'y isang mahabang nobela sa paraang patula.

Nariyan ang Epiko ni Gilgamesh, na sinasabing siyang pinakamatandang nasulat na epiko na buhay pa hanggang ngayon. Nariyan din ang Iliad at Odyssey ng Griyegong si Homer. Sa ating bansa, nariyan ang Biag ti Lam-Ang mula sa Ilokos, ang Darangan mula sa Lanao, ang Hinilawod sa Panay, ang Ulilam sa Kalinga, ang Ibong Adarna, ang Ibalon mula sa Kabikulan, ang Tuwaang ng Bagobo, ang Jikiri ng mga Tausug, ang Dagoy ng Palawan, ang Hudhud ng Ifugao, at marami pang iba. Naisulat, kung di man nagpalipat-lipat sa bibig ng salinlahi, ang mga ito sa paraang patula, o panitikan. Mga epiko ito ng kabayanihan na binibigkas o kaya naman ay inaawit.

Batay sa pag-aaral ng ating kasaysayan, isang uri ng panitikan ang epiko. Kadalasang tinatalakay nito o ikinukwento ang mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa kanilang kaaway na sa kasalukuyan ay halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpong makababalaghan at hindi kapani-paniwala. Hindi kapani-paniwala sa panahong ito ng kompyuter at agham, ngunit sa kanilang panahon, o panahon ng ating mga ninuno, marahil ito'y kapani-paniwala. May ilang pag-aaral ding nagsasabing batay sa mga totoong tao ang mga epiko.

Tulad din ng kwento ng kabayanihan sa panahong ito, ang mga makabagong epiko, na hindi natin basta mapaniwalaan, ngunit nagagawa pala.

Tulad ng naganap na Climate Walk na isang paglalakad mula Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Noong una'y maraming nagsasabing hindi ito magagawa, ngunit sa aming sama-samang pagkilos, nagawa namin ang sinasabi nila noong imposible.

Ang Climate Walk ay isang epiko. Epiko ng pag-asa. Epiko ng hustisya.

Kasama ang mga bagong kakilala, may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may mabuting pananaw at mabuting pagtanaw sa kinakaharap ng daigdig? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong handang ibigay ang kanilang panahon para sa kagalingan ng kanilang kapwa? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may dakilang hangarin? Hindi ba't kaysarap nilang makasama dahil positibo silang mag-isip? Ang kanila ngang prinsipyo, imbes na "Kaya ngunit mahirap" ay "Mahirap ngunit kaya!"

Makabagong epiko ang Climate Walk. Iba't ibang tao, iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kaisipan, ngunit nagkakaisa sa panawagang "Climate Justice Now!" Oo, nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Na tila ba pag-uulit ng sinabi ng bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang mahabang akdang Liwanag at Dilim. Ani Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Ano ba ang pakay ng Climate Walk? Hindi lang ito simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan.

Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Kaarawan ko rin iyon.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis, at ito ang nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, di lang sa isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangya, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. Panawagan ito sa lahat na kumilos na at pag-isipang mabuti ang dapat gawin sa papatinding epekto ng nagbabagong klima. Ang lahat ay dapat kumilos.

Kabayanihan. Nagsimula ang Climate Walk sa simbolo ng dalawang bayani. Sa Kilometer Zero kung saan naroon ang rebulto ng pambansang bayaning si Jose Rizal, at Oktubre 2, na kaarawan ni Mahatma Gandhi ng India na nagpasimula ng active non-violence, na siyang ginawang petsa ng deklarasyon ng Oktubre 2 bilang International Day for Non-Violence. Ayon nga kay Commissioner Naderev Saño ng Climate Change Commission, paggising niya sa umaga ay nakikita niya ang kanyang mga kasama bilang bayani, lalo na sa mga sakripisyo at panahong kanilang inilaan para sa Climate Walk. Tulad ng bayaning si Baltog sa epikong Ibalon na tumalo sa mga halimaw, ginapi rin ng mga nasa Climate Walk ang anumang alalahanin upang marating ang layunin.

Katatagan. Sa kabila ng mga paltos at pagod na katawan, nagpatuloy pa rin ang mga nagsisama sa Climate Walk. Hindi nalimutang magdala ng tubig bawat isa sa paglalakad, at pag-inom tuwina ng bitamina. Sa epikong Ibong Adarna, kailangang pigain ni Don Juan ng kalamansi ang kanyang sugat upang hindi makatulog at maging bato tulad ng kanyang dalawang kapatid. Ang katatagan ng mga nasa Climate Walk ay hindi mapasusubalian, sa kabila ng mga paltos sa paa, at sakit ng katawan. Nakagagawa sila ng paraan upang malutas ang mga iyon.

Pagtutulungan. Bawat isa ay tulung-tulong sa anumang maaaring gawin, lalo na sa panahon ng pagpapahinga. Sa paglalakad naman ay tinitiyak na bawat isa'y nakasasabay sa lakad at walang nahuhuli, at kung may mahuli man ay tiyaking may kasama ito o ka-buddy upang anuman ang mangyari ay alam ng mga kasama. Makagagawa agad ng paraan kung may mga kinaharap na problema. Tulad ng pamumuno ni Aliguyon sa epikong Hudhud, ang pagtutulungan sa Climate Walk ay tunay na nagpagaan sa anumang hirap na nararanasan. Patunay lamang na ang nagkakaisang pagkilos ay may kapupuntahan kaysa kanya-kanyang pagkilos.

Palakaibigan. Kahit bago pa lamang magkakakilala ay naging malapit na sa isa't isa dahil sa araw-araw na pagsasama. Kahit marahil ang mga naitatagong lihim, lalo na sa pag-ibig, ay unti-unting nabubunyag, at minsan ay napag-uusapan. Salu-salo sa pagkain, kasama sa litratuhan, sabay-sabay na umaawit, kwentuhan, tawanan.

Pagkamalikhain. Anuman ay nagagawan ng paraan, tulad na lamang ng pagpapatuyo ng labahin, nakagagawa ng mga sinampay sa mga lugar na walang sampayan. Si Lam-ang sa na nanligaw kay Ines Kannoyan ay kayang magpabagsak at magtayo ng bahay sa pamamagitan ng tilaok ng kanyang manok at tahol ng kanyang aso.

Awitan. Di lamang ang climate walk song na "Tayo Tayo" ang inaawit, kundi nang minsang magkantahan sa videoke sa barko ay may kaugnayan pa rin sa paglalakad ang inawit. Pambungad ngang inawit ng isang kasama ang "Walk On" sa barko papuntang Allen.

Maraming karanasang hindi malilimutan, ang mga halakhak, kwentuhan, at nagkaroon din minsan ng iyakan at samaan ng loob, ngunit naayos din naman  dahil napag-usapan. Mayroon namang debate hinggil sa iba't ibang isyu na napag-uusapan lamang ngunit nagkakaunawaan naman.

May mga muntikang disgrasya rin. Ang isa ay nang mag-overtake ang isang 10-wheeler closed van sa isang bus, at nawalan iyon ng preno, at ang isa ay nang bumagsak ang isang motorsiklong may sakay na mag-iina.

Ang tuwinang pag-awit ng Climate Walk song na "Tayo Tayo" ay isa sa nakapagpapagaan sa paglalakbay at nagsilbing tulay sa iba pang organisasyon at mga estudyanteng nakasalamuha upang magkaunawaan sa iisang layunin.

Ang tuwinang pagkukwento ng inspirasyunal na kwento ng batang babae at ng starfish (kurus-kurus) ay talagang nakapagbibigay sigla sa marami sa marangal na layuning maging isa at maging kaisa sa panawagang hustisyang pangklima.

Ang pamimigay ng climate and disaster resilience tool kit ay malaking tulong sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa pagkilos at pag-alam ng dapat gawin hinggil sa nagbabagong klima.

Minsan, may nagsasabing bakit kami naglalakad at may mapapala ba kami diyan? Hindi namin inilusyon o wala sa aming hinagap na masosolusyunan ang climate change ng isang mahabang paglalakbay. Ngunit ang bisa ng Climate Walk ay ang patuloy nitong pagkilos upang makapunta sa iba't ibang lugar at makisalamuha sa iba't ibang tao, mayaman o mahirap, upang ihatid at ipaunawa ang panawagang "Climate Justice Now!". Ipinapahayag ding hindi dapat ipasa sa kabataan ang mga problema dahil sila ang pag-asa ng bayan. Ang pag-iwas sa problema ay hindi solusyon, lalo na ang pagpasa lang nito sa iba. Dapat lahat tayo ay kumilos, bata man o matanda.

Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran, ayon nga sa awitin ng grupong Asin nina Lolita. Ngunit nagmamasid lang ba tayo at hindi kumikilos?

Tugon ko nga sa isa, hindi totoo na wala kaming napapala. Marami. At ang sama-samang pagkilos sa iisang layunin ay may magagawa. Hindi ba't nagsama-samang kumilos ang taumbayan noong Edsa Uno na nagpatalsik sa isang diktador? Hindi ba't dahil sa sama-samang pagkilos ay nakukuha natin ang opinyong publiko at nauunawaan nila kung bakit dapat kumilos. Ang nanonood lamang ay hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Si kasamang Joemar ay laging hawak ang bandila ng Pilipinas at laging nasa unahan ng bulto, minsan ay nakapaang naglalakad kahit kainitan ng araw. Si Brother Raul at Alan Silayan ay matagal ding tumangan at nagwagayway ng bandila sa buong Climate Walk. Winagway din ng mga kasamang babaeng sina Charley at Nitya ang bandila ng Pilipinas na animo'y nasa Olympics.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Hindi mo aakalaing kakayanin ng marami sa amin na lakarin ng ilang araw ang isang lugar na kaylayo, at isanlibong kilometro ang inaasahan noong lalakarin. Bakit lalakarin ng apatnapung araw ang isang lugar na kaylayo na kaya namang marating ng isang oras sa pamamagitan ng eroplano. Sabi nga ng mga kasama, kung hindi tayo naglakad, hindi natin makakasalamuha ang iba't ibang tao, na ngayon ay atin nang mga kaibigan at kaisa sa panawagang climate justice.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ang mga bida ay hindi ang mga naglakad o yaong tinatawag na Climate Walk core dahil walang nais maging bida. Ang bida ay ang panawagang Climate Justice Now! Ang bida ay ang mensahe, hindi ang personahe. Ang bida ay ang taumbayang kumikilos at patuloy na kumikilos para sa kapakanan ng kanilang kapwa upang mapaliit ang epekto ng nagbabagong klima sa kanilang mga lugar, at makaagapay sa nagbabago at nagbabagang panahon. At sa isang epiko, ang bida ay hindi natatalo. Kaya tiyakin nating ang bida sa epikong ito ng makabagong panahon ay hindi magagapi. Ika nga, walang rematch sa climate change. Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. At ang may-akda nito ay ang lahat ng sumama, sumuporta at nakiisa sa mahabang lakaring ito.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ika nga ni Commissioner Yeb Saño, hindi lamang Tacloban ang destinasyon nito kundi ang puso't isipan ng mga tao, di lamang sa ating lugar, kundi sa mga bayan-bayan, at sa iba't ibang bansa sa daigdig.

Nawa ang makabagong epikong ito'y basahin, pakinggan, at magsilbing aral sa mga susunod na henerasyon, lalo na yaong hindi pa ipinapanganak, dahil hindi natin dapat iwan sa kanila ang isang daigdig na nasisira.

Panahon na upang ipagpatuloy ang epiko ng makabagong panahon. Para sa hustisyang pangklima. Para sa patuloy na pagpapahayag ng pag-asa.

Martes, Disyembre 9, 2014

Paunang Salita sa aklat na Sa Bawat Hakbang

Paunang Salita

CLIMATE JUSTICE NOW

Hindi pa tapos ang paglalakad, kahit tapos na ang aktibidad ng Climate Walk na nagsimula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang Tacloban (Ground Zero) mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014. Hindi pa tapos ang paglalakad dahil kailangan pang magpatuloy, dahil kailangan pang manawagan ng hustisyang pangklima sa lahat, dahil marami pang dapat gawin. Ang Climate Walk ay panimula pa lamang. Marami pang mithiin, marami pang dapat gawin, marami pang dapat imulat sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, sa panawagang mitigasyon at adaptasyon, sa panawagang malawakang magbawas na ng dapog o emisyon ang mga malalaking bansa, lalo na yaong nabibilang sa Annex 1 countries, sa panawagang pagkakaisa.

Bilang opisyal na kinatawan ng grupong Sanlakas at ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa mahabang Climate Walk, ang aklat na ito’y naglalaman ng dalawang sanaysay at 82 tula. Ang bawat araw na pag-uulat ng inyong lingkod, pati na rin ang sari-sariling palagay ng makata, sa kasagsagan ng Climate Walk, ay inakda sa anyong patula bilang munting ambag sa panitikan at sa patuloy na pagmumulat at pagkilos para sa panawagang Climate Justice.

Nawa’y inyong manamnam ang tamis at pait ng mga danas at pakikibaka para sa hustisyang pangklima.

Taos-puso ko po itong inihahandog sa inyo, at nawa, pagkatapos ninyong basahin ang mga akda ay patuloy tayong kumilos upang makamit ng sambayanan at ng iba pang mamamayan sa daigdig ang inaasam na hustisya, pagkat may pag-asa pa kung kikilos tayong lahat ng kolektibo at sama-sama. Dahil bawat hakbang ng pagkilos ay mahalaga.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Disyembre 9, 2014
Sampaloc, Maynila

Huwebes, Nobyembre 20, 2014

Sa pagkikita ng Climate Walkers at KM71

SA PAGKIKITA NG CLIMATE WALKERS AT KM71
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang Climate Walkers at magniniyog
Paa man nila'y nagkapaltos, nagkalintog
Kahit sa init ng araw, sila'y nasunog
Nagkasamang naglakad, pati sa pagtulog
Hustisya'y marubdob nilang iniluluhog
Nagkakaisang diwa sa bayan ay handog.

- sa pagkikita ng mga Climate Walkers at 71 nagmartsang kasapi ng Kilus Magniniyog (KM71) sa Ateneo de Manila University sa Katipunan, Lungsod Quezon, Nobyembre 20, 2014

Martes, Nobyembre 11, 2014

Paglisan

PAGLISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais na naming umuwi, nais na namin
pagkat Tacloban ay amin na ring narating
nais nang makauwi't pamilya'y yakapin
pagkat di nakita nang higit sambuwan din

ngunit tila namimitig ang mga paa
napako sa pagkatayo kahit ipwersa
tila ayaw pang iwan ang mga kasama
at kaisa sa nasang hustisyang pangklima

ngunit kailangang umuwi, kailangan
at magtagpo marahil sa facebook na lamang
ngunit mahalaga'y ang mga nasimulan
ay maipagpatuloy saanmang larangan

kami man sa Climate Walk ay magkahiwalay
danas at aral sa amin ay nagpatibay
lalo sa adhikang magpatuloy sa lakbay
at hustisyang pangklima'y makamit ding tunay

- sa Mactan Domestic Airport, Cebu
Nobyembre 11, 2014


Lunes, Nobyembre 10, 2014

Sa mga bagong kaibigan

SA MGA BAGONG KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang Climate Walk ay di lamang pagtungo sa Tacloban
pagkakaroon din ito ng bagong kaibigan
mula sa ibang lugar, samahan, at kaisipan
bagong kasama sa misyon para sa daigdigan

sa Climate Walk ay magkasama sa bawat sandali
tumugon sa panahong problema'y sadyang masidhi
lalo na sa mga layuning hindi ka hihindi
kaya di natatapos sa Tacloban ang aming mithi

mga bagong kaibigang kasama sa paglaban
upang katarungan ay sama-samang ipanawagan
upang baguhin ang lumalala nang kalagayan
upang ipadala sa masa ang pagdadamayan

sa mga bagong kaibigan, salamat sa inyo
para sa hustisyang pangklima, magkaisa tayo
panahon nang umakma sa daratal na delubyo
bawat isa'y maging handa sa daratal na bagyo

tayo'y magkakaiba man, tayo'y nagkakaisa
sa panawagang "Climate Justice Now!" ay sama-sama
magpatuloy dahil daigdig natin ay iisa
paapuyin nating lalo ang adhika, kasama

- Brgy. Esperanza,San Francisco, Camotes Island, Cebu, Nobyembre 10, 2014

Linggo, Nobyembre 9, 2014

Pasasalamat sa lahat ng sumama sa Climate Walk

PASASALAMAT SA LAHAT NG SUMAMA SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taos-pusong pasasalamat sa lahat
na sa Climate Walk ay sumama't kabalikat
sa hirap at pagod, sa tuwang di masukat
magpatuloy, halina't ating ipagkalat
kahit munti man, nagtagumpay isiwalat
sa buong bayan ang adhikang Climate Justice
ang mga nasalanta'y di dapat magtiis
pamahalaan ay dapat gumampang mabiis
sa kanilang tungkulin, tiwali'y maalis
mga maling polisiya'y dapat mapalis
salamat sa mga sumama sa Climate Walk
di pa ito tapos, kayrami pa ang lugmok
sa Climate Justice dapat pa tayong tumutok
at ang mga grupo't bansa'y ating mahimok
sa panawagang Climate Justice na'y lumahok
prinsipyong tangan ng Climate walk ay yakapin
Climate Justice Now, patuloy nawang dinggin
nag-iisa lang naman ang daigdig natin
pag di kumilos, tao'y saan pupulutin
ipagpatuloy sa gawa ang adhikain

- sa barkong Little Ferry 2, 9:30 pm, habang nakaupo sa Sit # 191, at tumatahak mula Ormoc papuntang Cebu, Nobyembre 9, 2014

Gunita

GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumuluha ang awit, tila nabibikig
lumulutang sa hangin yaong angking himig
di masawata ang papalakas na tinig
na kanyang dama sa gabing iyong kaylamig

napaisip, sino ang sa bayan lulupig
sinong sa mga maysala'y dapat umusig
sa mga kaganapan, puso'y naaantig
ang mga namumuno ba'y handang makinig

kayraming buhay nang nangawala sa unos
ang ibang nakaligtas, ngayon na'y busabos
nawala lahat-lahat, naghirap ng lubos
pasakit na ito'y kailan matatapos

naganap bang iyon ay isang panaginip
hindi ba't siya'y isa sa mga nasagip
naligtasan niya ang disgrasyang gahanip
ngunit sa puso'y may sakit pang halukipkip

- madaling araw, sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014, habang inaalala ang naganap na unos sa Tacloban, isang taon na ang nakararaan

Panimdim

PANIMDIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

parating ang dagundong
naririnig ang ugong
saan tayo hahantong
tuloy ba sa kabaong

hinaharap ang lagim
sa bukas na kaydilim
iyo bang naaatim
kainin ng rimarim

pag ragasa’y tumahak
tahana’y nawawasak
gumagapang sa lusak
nabubuhay sa sindak

kailangang lumaban
mamatay sa paglaban
pakikibaka'y sundan
ito'y pagtagumpayan

ang paggamit ng lupa
dapat gawin ng tama
gawa man ng Bathala
dapat tayong maghanda

unos, nambubusabos
sistema'y nalalaos
solusyong kinakapos
ay dapat tinutuos

- sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014

Sabado, Nobyembre 8, 2014

Pahimakas sa nangawala

PAHIMAKAS SA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagkawala ninyo'y di dapat mapunta sa wala
may dapat magawa kaming narito pa sa lupa
di sapat magpatuloy lang ang pagtulo ng luha
dapat singilin, pagbayarin ang mga maysala

nagbabago na ang klima, debate ng debate
kayraming namatay, sa debate'y anong nangyari
nangwasak si Yolanda, bakit timpi pa ng timpi
iyang katanghalian ba'y mananatiling gabi

tinatamaan ng delubyo'y bansang nagsasalat
mga maralita't manggagawa ang inaalat
may ginagawa man tayo ngunit ito'y di sapat
dapat ang magtulungan ay lahat ng bansa, lahat

sa inyong nangawala, di kami nakalilimot
pagkat sisingilin namin ang maysala sa gusot
pagbabayarin namin ang maygawa ng hilakbot
hustisya'y dapat kamtin, singilin ang mapag-imbot

nangyari sa inyo'y patuloy na didibdibin
nakasalalay din ang kinabukasan namin
kung tutunganga lang kami't sila'y di sisingilin
pag nagkita tayo sa langit, kami'y sisisihin

sigaw namin, Climate justice, Now! hustisyang pangklima!
mamamayan, kumilos, Climate Justice Now! tayo na!
ipagpatuloy ang nasimulang pakikibaka
sa mga biglang namapayapa, Hustisya! Hustisya!

- sa Tacloban, matapos ang konsyerto sa City Hall, isa sa kumanta si Kitchie Nadal, Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng Yolanda

Libingang Masa sa Tacloban

LIBINGANG MASA SA TACLOBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kahindik-hindik, nakawawarat ng puso
ang dama kapag libingang masa'y tinungo
animo'y ramdam ang hikbi nila't hingalo
sa ragasang dumatal at biglang lumayo

katulad ba nila'y Gomorang isinumpa
o sa lugar nila'y nakaamba nang sadya
yaong pagdatal ng rimarim, nagbabanta
o klima'y nagbago't tayo'y walang kawala

sinong maysala sa buhay na napabaón
iyang climate change ba'y nauuso lang ngayon
may dapat bang managot sa nangyaring iyon
paano ba di na mauulit ang gayon

libingang masa'y paano ilalarawan
nang hindi manginginig ang iyong kalamnan
sadyang kaysakit ng biglaang kamatayan
ng mahal sa buhay, sa puso at isipan

- sa Libingang Masa (mass grave) ng mga namatay sa bagyong Yolanda, Holy Cross Memorial Garden, Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Ang barko sa Anibong

ANG BARKO SA ANIBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga barkong sumadsad sa kalupaan
noong kasagsagan ng kaytinding Yolanda
isa na roon yaong barko sa Anibong
MV Eva Jocelyn na nasa Tacloban
doon sa lungsod, sa kabahayan ng masa
patunay kung gaano katindi ang unos
na sa buong kalunsuran ay sumalubong
na sa buong lalawigan ay nanalasa
na sumalanta sa laksa-laksang palayan
na sumira sa kayraming mga tahanan
na dahilan ng pagkamatay ng marami
na ito'y patunay ng nagbabagong klima
na tayo'y may dapat gawin, nang di maulit
ang nangyari nang si Yolanda'y nanalasa
na tayo'y dapat kumilos, at maging handa
na dapat nating paghandaan ang anumang
unos, delubyo, iba't ibang kalamidad
na may dapat singilin, dapat pagbayarin
na Climate Justice nga'y talagang kailangan
na ang Climate Walk ay panimula pa lamang

- sa pagtahak sa Brgy. Anibong sa Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Paglalakad ng nakayapak sa kahabaan ng San Juanico Bridge

PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014