Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Ulat ni Greg Bituin Jr.

 Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.
 

Linggo, Disyembre 14, 2014

Dapog at Gambalay

DAPOG AT GAMBALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salita sa buong Climate Walk ang aming natutunan. Tulad na lamang sa Samar. Nakatatak sa kulay kahel na baro ng mga nagsisama sa Climate Walk: "Climate Justice, Yana Na!" Ibig sabihin ng Yana Na ay Ngayon Na!

Habang nagpapahinga sa isang lugar na dinaanan ng Climate Walk, may isang pahayagang tabloid na aking binasa - ang pahayagang Pang-Masa, na may petsang Oktubre 22, 2014, pahina 9. Sa isang krosword doon ay aking nakita, Pababa 28 - Makapal at maitim na usok. Di ko alam ang sagot. Kaya sinagutan ko muna ang mga katabing tanong nito. Hanggang sa mabuo ko ang krosword. Ang lumabas na sagot. DAPOG.

May salita palang ganito na maaaring magamit bilang salitang kaiba sa simpleng usok lamang, dahil maliwanag ang depinisyon nito - makapal at maitim na usok.

Sa isang islang pinuntahan namin sa Camotes Island sa Cebu, nakita ko ang salitang Gambalay. Salin ito ng salitang framework na sa salitang Bisaya. Ang Hyogo Framework for Action ay isinalin sa Bisaya na Gambalay sa Paglihok sa Hyogo. GAMBALAY. Kaiba ito sa BALANGKAS sa wikang Filipino pagkat iba ang outline sa framework. Ang outline minsan ay burador pa lamang, habang ang framework ay outline na pinagkaisahan at pinatutupad na. 

Dapog at gambalay. Bilang makata, nais ko nang pasimulan ang paggamit nito sa wikang Filipino bilang ambag lalo na sa usaping climate change. Kailangan marahil itong ikampanya sa Komisyon ng Wikang Filipino upang magamit na ito.

Samantala, sinimulan ko na ang mga itong gamitin sa pagtula.

Sabado, Disyembre 13, 2014

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba isinusulat ang isang epiko? Karaniwan itong isinusulat na patula, kumbaga'y isang mahabang nobela sa paraang patula.

Nariyan ang Epiko ni Gilgamesh, na sinasabing siyang pinakamatandang nasulat na epiko na buhay pa hanggang ngayon. Nariyan din ang Iliad at Odyssey ng Griyegong si Homer. Sa ating bansa, nariyan ang Biag ti Lam-Ang mula sa Ilokos, ang Darangan mula sa Lanao, ang Hinilawod sa Panay, ang Ulilam sa Kalinga, ang Ibong Adarna, ang Ibalon mula sa Kabikulan, ang Tuwaang ng Bagobo, ang Jikiri ng mga Tausug, ang Dagoy ng Palawan, ang Hudhud ng Ifugao, at marami pang iba. Naisulat, kung di man nagpalipat-lipat sa bibig ng salinlahi, ang mga ito sa paraang patula, o panitikan. Mga epiko ito ng kabayanihan na binibigkas o kaya naman ay inaawit.

Batay sa pag-aaral ng ating kasaysayan, isang uri ng panitikan ang epiko. Kadalasang tinatalakay nito o ikinukwento ang mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa kanilang kaaway na sa kasalukuyan ay halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpong makababalaghan at hindi kapani-paniwala. Hindi kapani-paniwala sa panahong ito ng kompyuter at agham, ngunit sa kanilang panahon, o panahon ng ating mga ninuno, marahil ito'y kapani-paniwala. May ilang pag-aaral ding nagsasabing batay sa mga totoong tao ang mga epiko.

Tulad din ng kwento ng kabayanihan sa panahong ito, ang mga makabagong epiko, na hindi natin basta mapaniwalaan, ngunit nagagawa pala.

Tulad ng naganap na Climate Walk na isang paglalakad mula Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Noong una'y maraming nagsasabing hindi ito magagawa, ngunit sa aming sama-samang pagkilos, nagawa namin ang sinasabi nila noong imposible.

Ang Climate Walk ay isang epiko. Epiko ng pag-asa. Epiko ng hustisya.

Kasama ang mga bagong kakilala, may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may mabuting pananaw at mabuting pagtanaw sa kinakaharap ng daigdig? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong handang ibigay ang kanilang panahon para sa kagalingan ng kanilang kapwa? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may dakilang hangarin? Hindi ba't kaysarap nilang makasama dahil positibo silang mag-isip? Ang kanila ngang prinsipyo, imbes na "Kaya ngunit mahirap" ay "Mahirap ngunit kaya!"

Makabagong epiko ang Climate Walk. Iba't ibang tao, iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kaisipan, ngunit nagkakaisa sa panawagang "Climate Justice Now!" Oo, nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Na tila ba pag-uulit ng sinabi ng bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang mahabang akdang Liwanag at Dilim. Ani Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Ano ba ang pakay ng Climate Walk? Hindi lang ito simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan.

Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Kaarawan ko rin iyon.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis, at ito ang nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, di lang sa isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangya, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. Panawagan ito sa lahat na kumilos na at pag-isipang mabuti ang dapat gawin sa papatinding epekto ng nagbabagong klima. Ang lahat ay dapat kumilos.

Kabayanihan. Nagsimula ang Climate Walk sa simbolo ng dalawang bayani. Sa Kilometer Zero kung saan naroon ang rebulto ng pambansang bayaning si Jose Rizal, at Oktubre 2, na kaarawan ni Mahatma Gandhi ng India na nagpasimula ng active non-violence, na siyang ginawang petsa ng deklarasyon ng Oktubre 2 bilang International Day for Non-Violence. Ayon nga kay Commissioner Naderev Saño ng Climate Change Commission, paggising niya sa umaga ay nakikita niya ang kanyang mga kasama bilang bayani, lalo na sa mga sakripisyo at panahong kanilang inilaan para sa Climate Walk. Tulad ng bayaning si Baltog sa epikong Ibalon na tumalo sa mga halimaw, ginapi rin ng mga nasa Climate Walk ang anumang alalahanin upang marating ang layunin.

Katatagan. Sa kabila ng mga paltos at pagod na katawan, nagpatuloy pa rin ang mga nagsisama sa Climate Walk. Hindi nalimutang magdala ng tubig bawat isa sa paglalakad, at pag-inom tuwina ng bitamina. Sa epikong Ibong Adarna, kailangang pigain ni Don Juan ng kalamansi ang kanyang sugat upang hindi makatulog at maging bato tulad ng kanyang dalawang kapatid. Ang katatagan ng mga nasa Climate Walk ay hindi mapasusubalian, sa kabila ng mga paltos sa paa, at sakit ng katawan. Nakagagawa sila ng paraan upang malutas ang mga iyon.

Pagtutulungan. Bawat isa ay tulung-tulong sa anumang maaaring gawin, lalo na sa panahon ng pagpapahinga. Sa paglalakad naman ay tinitiyak na bawat isa'y nakasasabay sa lakad at walang nahuhuli, at kung may mahuli man ay tiyaking may kasama ito o ka-buddy upang anuman ang mangyari ay alam ng mga kasama. Makagagawa agad ng paraan kung may mga kinaharap na problema. Tulad ng pamumuno ni Aliguyon sa epikong Hudhud, ang pagtutulungan sa Climate Walk ay tunay na nagpagaan sa anumang hirap na nararanasan. Patunay lamang na ang nagkakaisang pagkilos ay may kapupuntahan kaysa kanya-kanyang pagkilos.

Palakaibigan. Kahit bago pa lamang magkakakilala ay naging malapit na sa isa't isa dahil sa araw-araw na pagsasama. Kahit marahil ang mga naitatagong lihim, lalo na sa pag-ibig, ay unti-unting nabubunyag, at minsan ay napag-uusapan. Salu-salo sa pagkain, kasama sa litratuhan, sabay-sabay na umaawit, kwentuhan, tawanan.

Pagkamalikhain. Anuman ay nagagawan ng paraan, tulad na lamang ng pagpapatuyo ng labahin, nakagagawa ng mga sinampay sa mga lugar na walang sampayan. Si Lam-ang sa na nanligaw kay Ines Kannoyan ay kayang magpabagsak at magtayo ng bahay sa pamamagitan ng tilaok ng kanyang manok at tahol ng kanyang aso.

Awitan. Di lamang ang climate walk song na "Tayo Tayo" ang inaawit, kundi nang minsang magkantahan sa videoke sa barko ay may kaugnayan pa rin sa paglalakad ang inawit. Pambungad ngang inawit ng isang kasama ang "Walk On" sa barko papuntang Allen.

Maraming karanasang hindi malilimutan, ang mga halakhak, kwentuhan, at nagkaroon din minsan ng iyakan at samaan ng loob, ngunit naayos din naman  dahil napag-usapan. Mayroon namang debate hinggil sa iba't ibang isyu na napag-uusapan lamang ngunit nagkakaunawaan naman.

May mga muntikang disgrasya rin. Ang isa ay nang mag-overtake ang isang 10-wheeler closed van sa isang bus, at nawalan iyon ng preno, at ang isa ay nang bumagsak ang isang motorsiklong may sakay na mag-iina.

Ang tuwinang pag-awit ng Climate Walk song na "Tayo Tayo" ay isa sa nakapagpapagaan sa paglalakbay at nagsilbing tulay sa iba pang organisasyon at mga estudyanteng nakasalamuha upang magkaunawaan sa iisang layunin.

Ang tuwinang pagkukwento ng inspirasyunal na kwento ng batang babae at ng starfish (kurus-kurus) ay talagang nakapagbibigay sigla sa marami sa marangal na layuning maging isa at maging kaisa sa panawagang hustisyang pangklima.

Ang pamimigay ng climate and disaster resilience tool kit ay malaking tulong sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa pagkilos at pag-alam ng dapat gawin hinggil sa nagbabagong klima.

Minsan, may nagsasabing bakit kami naglalakad at may mapapala ba kami diyan? Hindi namin inilusyon o wala sa aming hinagap na masosolusyunan ang climate change ng isang mahabang paglalakbay. Ngunit ang bisa ng Climate Walk ay ang patuloy nitong pagkilos upang makapunta sa iba't ibang lugar at makisalamuha sa iba't ibang tao, mayaman o mahirap, upang ihatid at ipaunawa ang panawagang "Climate Justice Now!". Ipinapahayag ding hindi dapat ipasa sa kabataan ang mga problema dahil sila ang pag-asa ng bayan. Ang pag-iwas sa problema ay hindi solusyon, lalo na ang pagpasa lang nito sa iba. Dapat lahat tayo ay kumilos, bata man o matanda.

Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran, ayon nga sa awitin ng grupong Asin nina Lolita. Ngunit nagmamasid lang ba tayo at hindi kumikilos?

Tugon ko nga sa isa, hindi totoo na wala kaming napapala. Marami. At ang sama-samang pagkilos sa iisang layunin ay may magagawa. Hindi ba't nagsama-samang kumilos ang taumbayan noong Edsa Uno na nagpatalsik sa isang diktador? Hindi ba't dahil sa sama-samang pagkilos ay nakukuha natin ang opinyong publiko at nauunawaan nila kung bakit dapat kumilos. Ang nanonood lamang ay hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Si kasamang Joemar ay laging hawak ang bandila ng Pilipinas at laging nasa unahan ng bulto, minsan ay nakapaang naglalakad kahit kainitan ng araw. Si Brother Raul at Alan Silayan ay matagal ding tumangan at nagwagayway ng bandila sa buong Climate Walk. Winagway din ng mga kasamang babaeng sina Charley at Nitya ang bandila ng Pilipinas na animo'y nasa Olympics.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Hindi mo aakalaing kakayanin ng marami sa amin na lakarin ng ilang araw ang isang lugar na kaylayo, at isanlibong kilometro ang inaasahan noong lalakarin. Bakit lalakarin ng apatnapung araw ang isang lugar na kaylayo na kaya namang marating ng isang oras sa pamamagitan ng eroplano. Sabi nga ng mga kasama, kung hindi tayo naglakad, hindi natin makakasalamuha ang iba't ibang tao, na ngayon ay atin nang mga kaibigan at kaisa sa panawagang climate justice.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ang mga bida ay hindi ang mga naglakad o yaong tinatawag na Climate Walk core dahil walang nais maging bida. Ang bida ay ang panawagang Climate Justice Now! Ang bida ay ang mensahe, hindi ang personahe. Ang bida ay ang taumbayang kumikilos at patuloy na kumikilos para sa kapakanan ng kanilang kapwa upang mapaliit ang epekto ng nagbabagong klima sa kanilang mga lugar, at makaagapay sa nagbabago at nagbabagang panahon. At sa isang epiko, ang bida ay hindi natatalo. Kaya tiyakin nating ang bida sa epikong ito ng makabagong panahon ay hindi magagapi. Ika nga, walang rematch sa climate change. Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. At ang may-akda nito ay ang lahat ng sumama, sumuporta at nakiisa sa mahabang lakaring ito.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ika nga ni Commissioner Yeb Saño, hindi lamang Tacloban ang destinasyon nito kundi ang puso't isipan ng mga tao, di lamang sa ating lugar, kundi sa mga bayan-bayan, at sa iba't ibang bansa sa daigdig.

Nawa ang makabagong epikong ito'y basahin, pakinggan, at magsilbing aral sa mga susunod na henerasyon, lalo na yaong hindi pa ipinapanganak, dahil hindi natin dapat iwan sa kanila ang isang daigdig na nasisira.

Panahon na upang ipagpatuloy ang epiko ng makabagong panahon. Para sa hustisyang pangklima. Para sa patuloy na pagpapahayag ng pag-asa.

Martes, Disyembre 9, 2014

Paunang Salita sa aklat na Sa Bawat Hakbang

Paunang Salita

CLIMATE JUSTICE NOW

Hindi pa tapos ang paglalakad, kahit tapos na ang aktibidad ng Climate Walk na nagsimula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang Tacloban (Ground Zero) mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014. Hindi pa tapos ang paglalakad dahil kailangan pang magpatuloy, dahil kailangan pang manawagan ng hustisyang pangklima sa lahat, dahil marami pang dapat gawin. Ang Climate Walk ay panimula pa lamang. Marami pang mithiin, marami pang dapat gawin, marami pang dapat imulat sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, sa panawagang mitigasyon at adaptasyon, sa panawagang malawakang magbawas na ng dapog o emisyon ang mga malalaking bansa, lalo na yaong nabibilang sa Annex 1 countries, sa panawagang pagkakaisa.

Bilang opisyal na kinatawan ng grupong Sanlakas at ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa mahabang Climate Walk, ang aklat na ito’y naglalaman ng dalawang sanaysay at 82 tula. Ang bawat araw na pag-uulat ng inyong lingkod, pati na rin ang sari-sariling palagay ng makata, sa kasagsagan ng Climate Walk, ay inakda sa anyong patula bilang munting ambag sa panitikan at sa patuloy na pagmumulat at pagkilos para sa panawagang Climate Justice.

Nawa’y inyong manamnam ang tamis at pait ng mga danas at pakikibaka para sa hustisyang pangklima.

Taos-puso ko po itong inihahandog sa inyo, at nawa, pagkatapos ninyong basahin ang mga akda ay patuloy tayong kumilos upang makamit ng sambayanan at ng iba pang mamamayan sa daigdig ang inaasam na hustisya, pagkat may pag-asa pa kung kikilos tayong lahat ng kolektibo at sama-sama. Dahil bawat hakbang ng pagkilos ay mahalaga.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Disyembre 9, 2014
Sampaloc, Maynila

Huwebes, Nobyembre 20, 2014

Sa pagkikita ng Climate Walkers at KM71

SA PAGKIKITA NG CLIMATE WALKERS AT KM71
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang Climate Walkers at magniniyog
Paa man nila'y nagkapaltos, nagkalintog
Kahit sa init ng araw, sila'y nasunog
Nagkasamang naglakad, pati sa pagtulog
Hustisya'y marubdob nilang iniluluhog
Nagkakaisang diwa sa bayan ay handog.

- sa pagkikita ng mga Climate Walkers at 71 nagmartsang kasapi ng Kilus Magniniyog (KM71) sa Ateneo de Manila University sa Katipunan, Lungsod Quezon, Nobyembre 20, 2014

Martes, Nobyembre 11, 2014

Paglisan

PAGLISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais na naming umuwi, nais na namin
pagkat Tacloban ay amin na ring narating
nais nang makauwi't pamilya'y yakapin
pagkat di nakita nang higit sambuwan din

ngunit tila namimitig ang mga paa
napako sa pagkatayo kahit ipwersa
tila ayaw pang iwan ang mga kasama
at kaisa sa nasang hustisyang pangklima

ngunit kailangang umuwi, kailangan
at magtagpo marahil sa facebook na lamang
ngunit mahalaga'y ang mga nasimulan
ay maipagpatuloy saanmang larangan

kami man sa Climate Walk ay magkahiwalay
danas at aral sa amin ay nagpatibay
lalo sa adhikang magpatuloy sa lakbay
at hustisyang pangklima'y makamit ding tunay

- sa Mactan Domestic Airport, Cebu
Nobyembre 11, 2014


Lunes, Nobyembre 10, 2014

Sa mga bagong kaibigan

SA MGA BAGONG KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang Climate Walk ay di lamang pagtungo sa Tacloban
pagkakaroon din ito ng bagong kaibigan
mula sa ibang lugar, samahan, at kaisipan
bagong kasama sa misyon para sa daigdigan

sa Climate Walk ay magkasama sa bawat sandali
tumugon sa panahong problema'y sadyang masidhi
lalo na sa mga layuning hindi ka hihindi
kaya di natatapos sa Tacloban ang aming mithi

mga bagong kaibigang kasama sa paglaban
upang katarungan ay sama-samang ipanawagan
upang baguhin ang lumalala nang kalagayan
upang ipadala sa masa ang pagdadamayan

sa mga bagong kaibigan, salamat sa inyo
para sa hustisyang pangklima, magkaisa tayo
panahon nang umakma sa daratal na delubyo
bawat isa'y maging handa sa daratal na bagyo

tayo'y magkakaiba man, tayo'y nagkakaisa
sa panawagang "Climate Justice Now!" ay sama-sama
magpatuloy dahil daigdig natin ay iisa
paapuyin nating lalo ang adhika, kasama

- Brgy. Esperanza,San Francisco, Camotes Island, Cebu, Nobyembre 10, 2014

Linggo, Nobyembre 9, 2014

Pasasalamat sa lahat ng sumama sa Climate Walk

PASASALAMAT SA LAHAT NG SUMAMA SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taos-pusong pasasalamat sa lahat
na sa Climate Walk ay sumama't kabalikat
sa hirap at pagod, sa tuwang di masukat
magpatuloy, halina't ating ipagkalat
kahit munti man, nagtagumpay isiwalat
sa buong bayan ang adhikang Climate Justice
ang mga nasalanta'y di dapat magtiis
pamahalaan ay dapat gumampang mabiis
sa kanilang tungkulin, tiwali'y maalis
mga maling polisiya'y dapat mapalis
salamat sa mga sumama sa Climate Walk
di pa ito tapos, kayrami pa ang lugmok
sa Climate Justice dapat pa tayong tumutok
at ang mga grupo't bansa'y ating mahimok
sa panawagang Climate Justice na'y lumahok
prinsipyong tangan ng Climate walk ay yakapin
Climate Justice Now, patuloy nawang dinggin
nag-iisa lang naman ang daigdig natin
pag di kumilos, tao'y saan pupulutin
ipagpatuloy sa gawa ang adhikain

- sa barkong Little Ferry 2, 9:30 pm, habang nakaupo sa Sit # 191, at tumatahak mula Ormoc papuntang Cebu, Nobyembre 9, 2014

Gunita

GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumuluha ang awit, tila nabibikig
lumulutang sa hangin yaong angking himig
di masawata ang papalakas na tinig
na kanyang dama sa gabing iyong kaylamig

napaisip, sino ang sa bayan lulupig
sinong sa mga maysala'y dapat umusig
sa mga kaganapan, puso'y naaantig
ang mga namumuno ba'y handang makinig

kayraming buhay nang nangawala sa unos
ang ibang nakaligtas, ngayon na'y busabos
nawala lahat-lahat, naghirap ng lubos
pasakit na ito'y kailan matatapos

naganap bang iyon ay isang panaginip
hindi ba't siya'y isa sa mga nasagip
naligtasan niya ang disgrasyang gahanip
ngunit sa puso'y may sakit pang halukipkip

- madaling araw, sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014, habang inaalala ang naganap na unos sa Tacloban, isang taon na ang nakararaan

Panimdim

PANIMDIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

parating ang dagundong
naririnig ang ugong
saan tayo hahantong
tuloy ba sa kabaong

hinaharap ang lagim
sa bukas na kaydilim
iyo bang naaatim
kainin ng rimarim

pag ragasa’y tumahak
tahana’y nawawasak
gumagapang sa lusak
nabubuhay sa sindak

kailangang lumaban
mamatay sa paglaban
pakikibaka'y sundan
ito'y pagtagumpayan

ang paggamit ng lupa
dapat gawin ng tama
gawa man ng Bathala
dapat tayong maghanda

unos, nambubusabos
sistema'y nalalaos
solusyong kinakapos
ay dapat tinutuos

- sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014

Sabado, Nobyembre 8, 2014

Pahimakas sa nangawala

PAHIMAKAS SA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagkawala ninyo'y di dapat mapunta sa wala
may dapat magawa kaming narito pa sa lupa
di sapat magpatuloy lang ang pagtulo ng luha
dapat singilin, pagbayarin ang mga maysala

nagbabago na ang klima, debate ng debate
kayraming namatay, sa debate'y anong nangyari
nangwasak si Yolanda, bakit timpi pa ng timpi
iyang katanghalian ba'y mananatiling gabi

tinatamaan ng delubyo'y bansang nagsasalat
mga maralita't manggagawa ang inaalat
may ginagawa man tayo ngunit ito'y di sapat
dapat ang magtulungan ay lahat ng bansa, lahat

sa inyong nangawala, di kami nakalilimot
pagkat sisingilin namin ang maysala sa gusot
pagbabayarin namin ang maygawa ng hilakbot
hustisya'y dapat kamtin, singilin ang mapag-imbot

nangyari sa inyo'y patuloy na didibdibin
nakasalalay din ang kinabukasan namin
kung tutunganga lang kami't sila'y di sisingilin
pag nagkita tayo sa langit, kami'y sisisihin

sigaw namin, Climate justice, Now! hustisyang pangklima!
mamamayan, kumilos, Climate Justice Now! tayo na!
ipagpatuloy ang nasimulang pakikibaka
sa mga biglang namapayapa, Hustisya! Hustisya!

- sa Tacloban, matapos ang konsyerto sa City Hall, isa sa kumanta si Kitchie Nadal, Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng Yolanda

Libingang Masa sa Tacloban

LIBINGANG MASA SA TACLOBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kahindik-hindik, nakawawarat ng puso
ang dama kapag libingang masa'y tinungo
animo'y ramdam ang hikbi nila't hingalo
sa ragasang dumatal at biglang lumayo

katulad ba nila'y Gomorang isinumpa
o sa lugar nila'y nakaamba nang sadya
yaong pagdatal ng rimarim, nagbabanta
o klima'y nagbago't tayo'y walang kawala

sinong maysala sa buhay na napabaón
iyang climate change ba'y nauuso lang ngayon
may dapat bang managot sa nangyaring iyon
paano ba di na mauulit ang gayon

libingang masa'y paano ilalarawan
nang hindi manginginig ang iyong kalamnan
sadyang kaysakit ng biglaang kamatayan
ng mahal sa buhay, sa puso at isipan

- sa Libingang Masa (mass grave) ng mga namatay sa bagyong Yolanda, Holy Cross Memorial Garden, Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Ang barko sa Anibong

ANG BARKO SA ANIBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga barkong sumadsad sa kalupaan
noong kasagsagan ng kaytinding Yolanda
isa na roon yaong barko sa Anibong
MV Eva Jocelyn na nasa Tacloban
doon sa lungsod, sa kabahayan ng masa
patunay kung gaano katindi ang unos
na sa buong kalunsuran ay sumalubong
na sa buong lalawigan ay nanalasa
na sumalanta sa laksa-laksang palayan
na sumira sa kayraming mga tahanan
na dahilan ng pagkamatay ng marami
na ito'y patunay ng nagbabagong klima
na tayo'y may dapat gawin, nang di maulit
ang nangyari nang si Yolanda'y nanalasa
na tayo'y dapat kumilos, at maging handa
na dapat nating paghandaan ang anumang
unos, delubyo, iba't ibang kalamidad
na may dapat singilin, dapat pagbayarin
na Climate Justice nga'y talagang kailangan
na ang Climate Walk ay panimula pa lamang

- sa pagtahak sa Brgy. Anibong sa Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Paglalakad ng nakayapak sa kahabaan ng San Juanico Bridge

PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014

Sa Basey, Lakad sa Madaling Araw

SA BASEY, LAKAD SA MADALING ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikalawa ng madaling araw, gising na lahat
handang maglakad kahit araw ay di pa sumikat
tila araw iyong ang damdami'y di madalumat
tila huling araw ng sakripisyong di masukat

sa relo'y ikalawa't kalahati, handang handa
ang lahat, na kaysasaya't tunay ngang kaysisigla
huling araw ng Climate Walk, papatak ba ang luha
ang tiyak, ang Climate Justice ay dadalhing panata

inayos na ang bulto, core Climate Walkers sa una
ang mga banner ng Climate Walk ay tangan na nila
bandila, sunod ang banner na dilaw, asul, pula
sa mahabang streamer ang marami'y nakatoka

madilim, ngunit naglakad na ng madaling araw
sementeryo'y dinaanan nang may tanglaw na ilaw
kilabot sa dilim ang animo'y nangingibabaw
kilabot ang lamig na sa balat nga'y sumisingaw

higit tatlong oras naglakad, hanggang matanaw rin
ang tulay, isa't isa'y sabik, kayhirap pigilin
narito na tayo sa tulay, atin nang lakarin
hanggang araw ay sumikat, araw ng adhikain

- Basey, Samar, Nobyembre 8, 2014

Biyernes, Nobyembre 7, 2014

Pagpipinta ng mahabang streamer na "Climate Justice Now!"

PAGPIPINTA NG MAHABANG STREAMER NA "CLIMATE JUSTICE NOW!"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala yaong nagpinta sa pader ng Allen, kaya
ginawan ng paraan, tulung-tulong na nilikha
mahabang tela'y hinugisan upang maging giya
ng bawat isa, at bawat isa'y nagpintang kusa

limang talampakan ang lapad, dalawampung yarda
at malaking "Climate Justice Now!" ang ipininta
may iba't ibang hugis sa gilid ng mga letra
diskarte, iba't ibang kulay, tulong-tulong sila

at may nagpinta rin naman sa panali sa ulo
ganuon din, "Climate Justice Now" yaong nakasentro
banner ay nilagyan ng kahoy, hahawakan ito
naghahanda na sa tatawiring San Juanico

yaon ang bisperas ng lakad patungong Tacloban
lahat naghahanda, marami pang nagdaratingan
bakas ang tuwa, seryoso, nakikipaghuntahan
halos di makatulog, kahit nakapikit naman

magdamag pinatuyo ang streamer na bumakat
sa sementong sahig, tila pinintahan ding sukat
iyon ay alaala't paalaala sa lahat
di pa tapos ang laban, magkaisa tayong lahat

- Basey Town Gymnasium, Basey, Samar, Nobyembre 7, 2014

Pagtitig sa dalampasigan

PAGTITIG SA DALAMPASIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

binubura ng dalampasigan ang alaala
pansamantala, at binibigti ang pagnanasa
sa tagay, libog, halakhak, luho't luha ng sinta
upang unahin ang mga layuning mahalaga

dapat nakasasabay tayo sa bawat sandali

inaalala'y winaglit na ng dalampasigan
at nilulon nito ang pagkatao't kabuuan
ito muna ang unahin, suliranin ay iwan
may misyon ka para sa bayan at sandaigdigan

maging maagap at ihasik ang mabuting binhi

ibinabalik ng dalampasigan ang gunita
upang makibahagi sa dinaanan ng sigwa
di dapat maulit na may buhay na nangawala
di na dapat maulit na may buhay pang mawala

magtulungan sa pagdatal ng panahon ng hikbi

- Basey Town Gymnasium, Basey, Samar, Nobyembre 7, 2014

We are part of the Climate Walk

WE ARE PART OF THE CLIMATE WALK
by Gregorio V. Bituin Jr.
8 syllables per line

We are part of the Climate Walk
Climate Justice is what we look
Journey poems is for the book
Walk many miles is what we took

The Earth is our only lair
The only Earth that we must care
Today that climate change is here
Climate Justice call should be clear
To everybody far and near
And protect this Earth that is dear.


KAMI'Y BAHAGI NG CLIMATE WALK!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Dito sa Climate Walk kami'y naging bahagi
Katarungang Pangklima itong aming mithi
Mga tulang isasaaklat ay lunggati
Kaylayo man ng datal nitong mga binti

Daigdig na ito'y tangi nating tahanan
Natatanging tahanang dapat alagaan
Nagbabagong klima'y narito nang tuluyan
Katarungang Pangklima itong panawagan
Na dapat matanto ng buong sambayanan
At ipagtanggol ang mahal na Daigdigan

- sa Basey, Samar
Nobyembre 6, 2014

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Saya sa pagtangan ng bandila sa Climate Walk

SAYA SA PAGTANGAN NG BANDILA SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bandila ng Pilipinas, akin ding natanganan
tatlong araw bago kami dumatal sa Tacloban
dama ko ang saya, tila ba ako'y kinatawan
ng bansa sa Olympics, sa harap ng daigdigan

iyon ang una at huli kong pagtangan sa bandila
mula nang maglakad hanggang marating ang adhika
diwa ng mga bayani'y sa diwa nanariwa
bandila iyong simbolo ng pagkatao't bansa

ang watawat ng bansa'y kaysarap hawakang tunay
kahit pagod na'y taas-noo mong iwawagayway
di man Olympics, kundi sa mahabang paglalakbay
sa Climate walk ay isa na iyong magandang alay

- gabi, sa Basey, Samar
Nobyembre 6, 2014

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Lumbay

LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di madalumat ang inaasahan
habang paparating na sa Tacloban
naroroon na ilang araw na lang
tatahakin pa'y isang libong hakbang

ang mata'y pikit, ang isip ay gising
sari-saring gunita'y naglalambing
at mga bagay ay pinaghahambing
lagay ba nila ngayo'y mas magaling

kaysa dati, isang taon pa lamang
di sapat upang yao'y maigpawan
kayhirap damhin ng angking kawalan
tila sugat ay di malulunasan

panahon lang ang makapagsasabi
o baka kahit panahon na'y bingi
pagkawala nila'y nakabibigti
sa damdaming di magkasya sa gabi

- sa People's Park ng Calbiga, Samar, Nobyembre 5, 2014

Sa bahay ni kasamang Joemar

SA BAHAY NI KASAMANG JOEMAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

payapa ang lugar
ni kasamang Joemar
sa tahanan nila
kami'y namahinga
payak lamang iyon
tatak ng hinahon
at maaliwalas
saya'y mababakas
may espiritu ba?
galang kaluluwa?

kami'y pumanaog
tungong tabing-ilog
paa'y tinampisaw
tubig ay kaylinaw
tinahak ang daan
kahit maputikan
lakad papalayo
tila sumusuyo
ng isang diwata
diwata ng diwa

may unos ang dibdib
wala mang panganib
nilandas ang liblib
kayraming talahib

- sa Hinabangan, Samar, katanghaliang-tapat, Nobyembre 5, 2014

Martes, Nobyembre 4, 2014

Tiim-bagang sa salimuot

TIIM-BAGANG SA SALIMUOT 
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

masalimuot din ang climate change, masalimuot
di malirip bakit isyu itong nakakatakot
di matingkala ang panganib na idinudulot
sa suliraning ito'y paano makalulusot

halina't magsuri at hanapin kung anong sagot
industriyalisadong bansa ba ang nambalakyot

pagsunog ng fossil fuels ang pangunahing sanhi
nariyan ang coal-fired power plants na nakadidiri
mga bansa'y yumaman dito't naging masalapi
habang dapog sa atmospera'y naipon, nagbinhi

kaya karaniwang klima'y nagbagong di mawari
dito'y sinong naging mapalad, sinong nangalugi

mga industriyalisadong bansa'y nakinabang
nagsunog ng maruming enerhiya'y nagsiyaman
tama bang umunlad, masira man ang kalikasan
tama bang dukhang bansa'y maapektuhang tuluyan

aling bansa ang apektado't alin ang nanlamang
masdan mo ang nangyayari't mapapatiim-bagang

paano tayo aakma sa klimang nagbabago
paano aagapay sa nararanasang bagyo
paano ang gagawin sa tumitinding delubyo
di sapat ang mapatiim-bagang, kumilos tayo

singilin, pagbayarin mga bansang sanhi nito
sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo

- sa bayan ng Motiong, Samar, Nobyembre 4, 2014

Lunes, Nobyembre 3, 2014

Panunumpa para sa Kalikasan

PANUNUMPA PARA SA KALIKASAN 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaharap ang mga estudyante ng Catbalogan
si Meyor Steph, Dingdong, Climate Walkers, lingkodbayan
pati na mga kabataang may bagong samahan
kanang kamay ay itinaas, tanda’y katapatan
at sabay kaming nanumpa para sa kalikasan

si Naderev "Comm. Yeb" Saño ng Climate Change Commission
ang nangunang nagsalita sa panunumpang iyon
ang bawat salita niya sa bawat isa'y hamon
ang bawat kataga sa mga isyu'y tumutugon
bawat lumabas sa bibig ay isang inspirasyon
bawat pangungusap ay tila isang paglalagom

animo'y saulado niya ang kanyang winika
tandang isang pantas sa pangkapaligirang gawa
hinggil sa kalikasan yaong kanyang sinalita
para sa mamamayan upang mundo'y maunawa
hinggil sa Climate Justice upang mundo'y makalinga
para sa lahat upang magsikilos tayong kusa

salamat, Comm. Yeb, sa panunumpang makahulugan
sa pagtupad sa pinanumpaan, kami'y asahan

- sa Samar State University, habang isinasawa ang Climate Change Congress at launching ng National Youth Commission (NYC) Policy Advisory Campaign on Climate Change and DRR Youth Participation, Lungsod ng Catbalogan, Nobyembre 3, 2014

Linggo, Nobyembre 2, 2014

Pagsama ng mga batang scout sa Climate Walk

PAGSAMA NG MGA BATANG SCOUT SA CLIMATE WALK 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Mga scout ay laging handa
Sa pagtulong, tapat ang diwa
Sa bayan, tapat ang adhika
Sa kapwa'y tagapamayapa

II

Masayang sinalubong ang Climate Walk
Ng mga scout, kaysayang lumahok
Sumama pa sa mahabang lakaran
Kaybabata pa ng kanilang gulang

Ulang malakas ay biglang bumuhos
Sila'y nangabasa, tuloy ang kilos
Subalit sila'y baka magkasakit
Sa isang lugar, tumigil nang pilit

Gayunman, Scouts, maraming salamat
Inyong pakikiisa'y di masukat
Mula sa Climate Walk, MABUHAY KAYO!
Balang araw, magkikita pa tayo

* Ang buong Oktubre 2014 ay pagdiriwang ng sentenaryo ng Scouting sa Pilipinas.

* Ang mga Boy Scouts at Girls Scouts, kasama ang kanilang mga guro, ay mula sa San Vicente Elementary School, Brgy. San Vicente, Lungsod ng Catbalogan, Samar, Nobyembre 2, 2014

Ligalig at Tigatig

LIGALIG AT TIGATIG
ni Gregorio V. Bituin Jr
13 pantig bawat taludtod

"Di nga masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - mula sa grupong ASIN

paano kung biglang maulit ang ligalig
ang mata ng unos sa atin nakatitig
paano kung tumama'y dambuhalang tubig
sa paghingi ng saklolo'y sinong dirinig
nangyaring Yolanda'y sadyang nakatutulig
nang malaman ang naganap, natitigatig
nangyari sa nasalanta'y nakaaantig
may masisisi ba, sinong dapat mausig
pag nangyari muli'y kanino na sasandig
kung mga pinuno ng bansa sa daigdig
ay kanya-kanya at di nagkakapitbisig
upang lutasin ang suliraning di ibig
labis-labis na ang nagtatambakang banig
habang kulang na ang isusubo sa bibig

- habang umuulan, Baby Jhun Eatery, Brgy. Balugo, Tarangnan, Samar, Nobyembre 2, 2014, malapit sa marker ng Km 779

Sabado, Nobyembre 1, 2014

Pag-aayuno sa Undas

PAG-AAYUNO SA UNDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bilang pakikiisa sa kayraming nangawala
animo'y desaparesidong tinangay ng baha
ilan sa Climate Walker ay nag-ayuno ng kusa
noong Undas upang linisin din ang puso't diwa

animo'y hunger strike ng tulad kong aktibista
wala kaming kain, tanging tubig lang bawat isa
nag-aayuno'y naglalakad, at inaalala
ang panahong nagdaan na't ang kakaharapin pa

magdamag, maghapon, ayunong bente-kwatro oras
para sa hustisyang pangklima nang madla'y mawatas
na ito'y sama-samang ipaglaban hanggang wakas
upang wala nang sa bagyo'y mayroon pang mautas

maraming salamat sa nakiisa't nag-ayuno
para sa Climate Justice, ito'y munting sakripisyo
nawa hustisyang ito'y magisnan nating totoo
para sa kinabukasan ng nagbabagong mundo

- sa munisipyo ng Gandara, Samar, Nobyembre 1, 2014

Biyernes, Oktubre 31, 2014

Climate Walk 2014

CLIMATE WALK 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Climate Walk 2014
anang bise-alkaldeng
si Diego Rivera
anong sarap pakinggan
sadyang di matatapos
ang paglalakad
hangga't dapat ihiyaw:
"Climate Justice Now!"
magpatuloy tayo
sa susunod na taon
at susunod pang mga taon
hanggang kamtin
ang hustisyang pangklima
at panibagong pag-asa
Climate Walk 2015
ay paghandaan na!

II

Climate Walk ay adhikang sa kalikasan ay taos
ito'y seryosong simulaing di pa matatapos
pagkat kaytindi pa ng nagbabagong klima't unos
kailangang magpatuloy upang ating malubos
ang Climate Justice na panawagang di malalaos

- sa ikalawang palapag ng Bulwagang Lungsod ng Calbayog, Oktubre 31, 2014

Sa mga guro't estudyanteng mainit na sumalubong sa Climate Walk

SA MGA GURO'T ESTUDYANTENG MAINIT NA SUMALUBONG SA CLIMATE WALK 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mainit na pagtanggap ninyo'y aming nasaksihan
lumabas ng paaralan, humilera sa daan
ang iba'y may saliw pang tambol at nagtutugtugan
kaygandang ngiti ng mga bata't naghihiyawan
"Welcome, Climate Walkers!" ang sigaw, kaysarap pakinggan
may mga bond paper at kartolinang sinulatan
"Climate Justice Now!", "Welcome, Climate Walk!", mga islogan
ipinakita'y tunay na kaygandang kaasalan
sa mga bata'y tinuturo ang kahalagahan
ng maayos na kapaligiran at kalikasan
bata pa'y binuksan na ang kanilang kaisipan
na nagbabagong klima'y di natin maiiwasan
di dapat tapunan ng basura ang karagatan
tubig at hanging malinis ay ating kailangan
na kung kikilos lang ang lahat, pati kabataan
at nagkaisa sa paghahanap ng kalutasan
ang daigdig nati'y magiging magandang tahanan
ngunit di kabataan lang ang pag-asa ng bayan
problema'y di dapat ipasa lang sa kabataan
pati guro'y kumilos, lalo na ang taumbayan
guro't estudyante'y aming pinasasamatan
ang inyong pagtanggap ay di namin malilimutan

- Diocesan Pastoral Center, Lungsod ng Calbayog, Oktubre 31, 2014

Pagsusunog ng bandila sa lungsod ng Calbayog

PAGSUSUNOG NG BANDILA SA LUNGSOD NG CALBAYOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bago makapulong ang alkalde ng lungsod
aming nasaksihan ang ritwal ng pagsunog
ng mga lumang bandilang tila naupos
ng kalumaan, tila bayaning nalugmok

dama mo, animo'y kawal kang namatayan
lumang bandila'y kay-ingat pinagpugayan
nagmartsa, sumaludo yaong kapulisan
hanggang watawat ay sinunog nang tuluyan

maingat na inilagay lahat ng abo
sa isang palayok, may bulaklak pa ito
kapara nito'y kremasyon ng isang tao
na sa huling sandali'y binigyang respeto

simbolo ng isang bansa yaong bandila
na habang buháy pa'y dapat kinakalinga
tatak ng pagkamamamayan, pagkabansa
sa mga kuhila'y ipaglalabang kusa

- sa harap ng Bulwagang Lungsod ng Calbayog
(Calbayog City Hall), Oktubre 31, 2014

Huwebes, Oktubre 30, 2014

Sa mga guro't estudyante ng Baay Elementary School

SA MGA GURO'T ESTUDYANTE NG BAAY ELEMENTARY SCHOOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

salamat sa inyo, guro't estudyante ng Baay
kami'y mainit nyong tinanggap sa inyong barangay
nagtatambol, estudyante'y nagsasayawang tunay
kayganda ng pagsalubong na inyong ibinigay

isang boodle fight pa ang inihandog nyo sa amin
simbolo ng pagkakaisa natin sa layunin
na mensaheng hustisyang pangklima ang adhikain
na maihatid sa mundo't sa kababayan natin

- Oktubre 30, 2014, Brgy. Baay, Lungsod ng Calbayog. Dito kami pansamantalang tumuloy at natulog.

Miyerkules, Oktubre 29, 2014

Tulaan sa tubaan

TULAAN SA TUBAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

gabi, pahinga na sa Veriato
inihanda'y tuba, nagkwento-kwento
di naman kami uminom ng todo
inihanda ko'y tula, napakwento

sagutan kami ng makatang Waray
sa pagtula ko, siya'y magsisiday
siday ay nakahahalinang tunay
pagkat kapwa makata ang katagay

siday ang kanilang tawag sa tula
sari-sari ang kanyang mga paksa
habang patuloy kami sa pagtungga
ng dala nilang kaysarap na tuba

magandang karanasan sa Climate Walk
na may iba pang makatang kalahok
ika niya, climate change ay pagsubok
na dapat pati makata'y tumutok

salamat sa makatang kaibigan
sa ibinahagi mong kaisipan
salamat sa tulaan sa tubaan
na sa gabi'y nagbigay kasiyahan

* siday - tula sa Waray
* salamat kay Kuya Hermie Sanchez ng Foundation for Philippine Environment

- Veriato National High School, Brgy. Veriato, San Isidro, Northern Samar, Oktubre 29, 2014

Salamat sa mga handog na awit ng mga tagabayan ng San Isidro, Northern Samar

SALAMAT SA MGA HANDOG NA AWIT NG MGA TAGABAYAN NG SAN ISIDRO, NORTHERN SAMAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maraming salamat sa inihandog ninyong awit
nakatatanggal ng aming pagod at pangangawit
maraming salamat sa pagtanggap ninyong kay-init
sa puso't diwa namin, kayo'y di na mawawaglit

sa inyo, taga-San Isidro, kapitbisig tayo
patuloy kitang kumilos para sa pagbabago
sa ating pagtutulungan, may magagawa tayo
para sa kinabukasan ng mundo't kapwa tao

- Oktubre 29, 2014, tanghali, sa basketball court ng Poblacion, San Isidro, Northern Samar, kung saan nagkaroon dito ng munting programa

Binagong klima

BINAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Annex I countries ba ang nagbago ng klima
kung sila, aba'y dapat pagbayarin sila
pinuno nila ng usok ang atmospera
pinuno ng mga bansa'y nag-uusap ba

- umaga, sa pagsalubong ng LGU San Isidro, Northern Samar, sa boundary ng Victoria at San Isidro, Oktubre 29, 2014

Nagbagong klima

NAGBAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagbago na ang klima ng ating daigdig
aba'y kumilos na, tayo'y magkapitbisig
danas na'y sala sa init, sala sa lamig
ang tao'y unti-unti nitong nilulupig
hihintayin pa ba nating kayraming bibig
ang tuluyang magutom, di dapat padaig
halina't pagkaisahin ang ating tinig
nang makasabay sa nagbabagong daigdig

- umaga, sa sandaling pahinga sa basketball gym sa Victoria, northern Samar, pagkalampas ng tulay na animo'y Quiapo Bridge, Oktubre 29, 2014

Pinta sa dingding ng Allen National High School

PINTA SA DINGDING NG ALLEN NATIONAL HIGH SCHOOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hustisyang pangklima ang mensahe ng pinta
sa dingding ng paaralan, at kakaiba
pagkat sa lahat ipinababatid nila
na kapaligiran ay napakahalaga

pintang paalala sa guro't estudyante
huwag hayaan ang kalikasang may silbi
sa bawat nilalang, pagkat ang pagsisisi
ay wala sa una pagkat lagi sa huli

pangalagaan ang dagat, isda, butanding
lahat ng may buhay sa karagatan natin
huwag hayaang dumuming lalo ang hangin
di dapat polusyon patuloy na langhapin

masdan, pagnilayan yaong pinta sa pader
bilin ito sa magiging mabuting lider
na ang kalikasan, di dapat minamarder
pagkat minamahal ito tulad ni Mother

* sa Allen National High School, Allen, Northern Samar, Oktubre 29, 2014

* Maraming salamat kay Kuya AG Saño na nanguna sa pagpipintang ito 

Martes, Oktubre 28, 2014

Sa mga mangingisda ng Mondragon na nasa Climate Walk

SA MGA MANGINGISDA NG MONDRAGON NA NASA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maraming salamat, kapatid, tayo'y nagkasama
sa Climate Walk na ang adhika'y hustisyang pangklima
ang nangyayari sa pangisdaan ay di kaiba
ito'y tiyak may ugnayan sa nagbabagong klima

ang inyong pakikiisa ay napakahalaga
magtulong tayo sa isyu ninyo't usaping klima
nawa pagkakaisang ito'y tuluyang magbunga
ng pag-asa para sa bayang maunlad, sagana

- Oktubre 28, 2014, sa Balicuatro College of Arts and Trades Multipurpose Gymnasium, Allen, Northern Samar. Ang mga mangingisda ay mula sa bayan ng Mondragon, Eastern Samar.

Sa mga estudyante at guro ng Allen National High School

SA MGA ESTUDYANTE AT GURO NG ALLEN NATIONAL HIGH SCHOOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga guro at estudyante, pagbati sa inyo
alam kong saksi rin kayo sa klimang nagbabago
araw na araw, biglang uulan, biglang babagyo
bahay ay nangasira, sinalanta, dinelubyo

sadyang mahalaga ang papel ninyo, mga guro
ikalawang magulang, mahusay sa pagtuturo
matematika, pisika, pagtatanim ng puno
sadyang napakahalaga ng inyong turo't payo

sa inyo naman, mga estudyante't kabataan
nasa inyong kamay ang kinabukasan ng bayan
dinggin ang guro, edukasyon ay pahalagahan
lalo na ang pinaghirapan ng inyong magulang

sa nagbabagong klima, tayo'y di dapat magtiiis
bawasan ang usok, paligid ay dapat luminis
lupa, kabundukan, dagat, hangin, ilog at batis
sabay-sabay nating unawain ang climate justice

maraming salamat, estudyante't guro ng Allen
kayo po'y nakaukit na sa puso't diwa namin
halina't magkaisa sa layon at adhikain
para sa bukas ng nag-iisang daigdig natin

- Oktubre 28, 2014, sa Balicuatro College of Arts and Trades Multipurpose Gymnasium, Allen, Northern Samar

Lunes, Oktubre 27, 2014

Ang batang babae at ang kurus-kurus

ANG BATANG BABAE AT ANG KURUS-KURUS
(The Girl and the Starfish)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan, isang matanda ang namamaybay sa aplaya
katatapos lang iyon ng unos na nanalanta
doon, isang batang babae ang kanyang nakita
sa ginagawa ng bata, matanda'y nagtataka

bakit binabalik isa-isa sa karagatan
ang mga kurus-kurus na nasa dalampasigan
gayong kayrami nito't animo'y libo ang bilang
kaya batang babae'y dagli niyang pinuntahan

natutuwa ang ibang nakakakita sa bata
ang akala'y naglalaro lamang ito sa tuwa
ngunit iba ang palagay ng nasabing matanda
nagtataka man, bata'y kinausap niyang kusa

"Bakit mo iyan ginagawa, hoy, batang maliit?
Lahat ng iyan ay hindi mo naman masasagip?
Di mo mababago ang kalagayan nila, paslit!
Sa ginagawa mong iyan, di ka ba naiinip?"

napatungo ang bata, animo ito'y nakinig
maya-maya, isang kurus-kurus ang ibinalik
ng bata sa dagat, sa matanda'y di natigatig
ang bata'y nagsalita sa malumanay na tinig:

"sa isa pong iyon, kahit paano'y may nagawa
sa sariling bahay, di na siya mangungulila"
at ang matanda'y di nakahuma, biglang napatda
naisip niyang ito'y di kaya ng isang bata

kaya tinawag ng matanda ang kanyang kanayon
"magtulung-tulong tayong ibalik ang mga iyon"
lahat ng kurus-kurus na tangay ng bagyo't alon
sa aplaya ay naibalik sa dagat nang lumaon

"sa sama-samang pagkilos natin, may magagawa
maraming salamat sa inumpisahan ng bata"
aral iyong nagbigay ng inspirasyon sa madla
upang kapwa'y magtulungan, harapin man ay sigwa

* Ang bituing-dagat, isdang-bituin, at kurus-kurus ang salin ng starfish ayon sa UP Diksyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010) at sa Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles, 1990) ni Fr. Leo James English.

* Maraming salamat kay Ginoong Naderev "Yeb" Saño, commissioner ng Climate Change Commission, sa kanyang palagiang pagkukwento nito sa mga Climate Fair, at nakakadaupang palad sa Climate Walk

- Libmanan covered court, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014

Sa pagkikita ng mga magniniyog at Climate Walkers

SA PAGKIKITA NG MGA MAGNINIYOG AT CLIMATE WALKERS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pitumpu't isang magniniyog nanagmamartsa
kaming nasa Climate Walk sa inyo'y nakikiisa

nawa ating paglalakad ay tuluyang magbunga
at makamit natin ang inaasam na hustisya

sa bawat hakbang, sa bawat laban ay may pag-asa
huwag tumigil, magpatuloy sa pakikibaka

mahigpit na pagkakaisa'y sadyang mahalaga
para sa pagbabago sa bansa, mundo, sistema

- Oktubre 27, 2014, Kulod Farm, Allen, Northern Samar. 

* Pitumpu't isang magsasaka ang naglalakad ng 71 araw mula Davao hanggang sa Malakanyang sa Maynila upang mapasakanila na ang P71B ng coco levy fund na naipanalo nila sa Korte Suprema.

Sa mga kasapi ng Bugko Women's Association (BWA)

SA MGA KASAPI NG BUGKO WOMEN'S ASSOCIATION (BWA)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maraming salamat, kayo'y nakadaupang-palad
sa ilang araw, tayo'y sabay-sabay na lalakad
tayong sa bukangliwayway magkasamang uusad
pagkat nagkakaisa para sa hustisyang hangad

ang adhika ninyong dynamite fishing ay matigil
pati ang troller na sa yamangdagat ay hilahil
ay dinig namin, isisiwalat, di mapipigil
lalaban para sa katarungan, di pasusupil

isa, dalawa, tatlo, lakas ng kababaihan
apat, lima, anim, sabay-sabay tayong humakbang
pito, walo, siyam, lakad tayo hanggang Tacloban
at sama-samang hustisyang pangklima'y ipaglaban!

- Oktubre 27, 2014, sa Balicuatro College of Arts and Trades Multipurpose Gymnasium, Allen, Northern Samar. Ang mga kasapi ng BWA ay mula sa Brgy. Bugko, Mondragon, Eastern Samar

Pagmumuni sa barko

PAGMUMUNI SA BARKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitig sa laot nang umalis na ng Luzon
sa ilalim ng laot anong hiwaga mayroon
may pamayanan ba't anong nilalang ang naroon
ah, patuloy pa rin ang diwa sa paglilimayon

marahil, may hukbo-hukbo roon ng mandirigma
may kinalaman ba sila sa daluyong at sigwa
tao ba'y iginagalang nila't nauunawa
o may himagsik sila pagkat tao'y masasama

di ba't karapatan din naman nilang maghimagsik
bahay nila'y tinapunan ng laksa-laksang plastik
basura na ang laot, paano sila iimik
sigwa't daluyong ba'y paraan nila ng himagsik

sa kawalan, nakatitig pa rin sa karagatan
hanggang ang pagmumuni'y ginambala ng awitan
may bidyoke sa barko, kasama'y nagkakantahan
awit ay "Walk On" na mataman naming pinakinggan

- kinatha sa barko mula Matnog patungong Allen, sakay ng Penafrancia Shipping Lines, Oktubre 27, 2014

Paglisan sa Luzon

PAGLISAN SA LUZON 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"You are now leaving the island of Luzon"
sa arko ng Matnog naukit iyon
tarangkahan na iyon ng pantalan
malapit lang sa aming tinuluyan
sabik ang lahat marating ang Samar
sabik nang marating ang bagong lugar
tawid-barko ang pupuntahan namin
daratal na rin sa bayan ng Allen

kayhaba pa ng aming lalakbayin
kaylayo pa ng aming lalakarin

"You are now leaving the island of Luzon"
You're now leaving the province of Sorsogon
but please, don't leave any footprints of carbon
take care, continue fulfilling your mission
maglakad, mag-ambag sa mitigasyon
at isagawa rin ang adaptasyon
iwan munang sandali ang kahapon
upang salubungin ang bagong ngayon

- Matnog, Sorsogon, Oktubre 27, 2014

Linggo, Oktubre 26, 2014

Inspiradong mensahe ni Meyor Ubaldo ng Matnog

INSPIRADONG MENSAHE NI MEYOR UBALDO NG MATNOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hapon noon, mainit kaming tinanggap sa Matnog
kami'y sinalubong nilang tila artistang bantog
sa liwasang harap ng munisipyo nagprograma
kayraming tao, Climate Walkers ay pinakilala
nagsalita si Yeb, umawit din ng 'Tayo Tayo'
makahulugan ang mensahe ni Meyor Ubaldo

aniya, political career niya'y itataya
upang tiyaking kalikasan ay mapangalaga
at ang illegal fishing ay tuluyan nang matigil
lalo na ang dinamitang sa dagat kumikitil
ng mga isang maliit pa't ibang lamandagat
huhulihin ang mga mapanira't nagkakalat

mga tinuran niya'y nagbigay ng inspirasyon
at sa bawat naroroon, nagsilbi itong hamon
tiyak, binigyang-sigla nito ang nakararami
upang bawat isa'y tumulong, gawin ang mabuti
sa inyong mensahe, Meyor, maraming salamat po
asahan nyong dala namin ito sa aming puso

- Km 646, bayan ng Matnog, lalawigan ng Sorsogon, Oktubre 26, 2014

Mga handog ng taumbayan sa Brgy. Pawa, Matnog, Sorsogon

MGA HANDOG NG TAUMBAYAN SA BRGY. PAWA, MATNOG, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaysarap maramdamang sa inyo'y may sumalubong
na taumbayang kanilang ani'y pinasalubong
rambutan, upo, sitaw, sari-saring bigay iyon
ng taumbayang may pagsintang pitak ng panahon

habang naglalakad, sila'y sumalubong sa amin
pinitak ng pagsinta't pag-asa'y inihandog man din
inalay katiting man ng pag-ibig nilang angkin
taos-pusong pasasalamat nama'y alay namin

mga inaning prutas nila't iba'tibang gulay
sa mga nasa Climate Walk ay taos-pusong alay
kasiyahan sa aming puso'y umapaw na tunay
karaniwang tao, magsasaka yaong nagbigay

- Oktubre 26, 2014

Sabado, Oktubre 25, 2014

Irosin laban sa geothermal

IROSIN LABAN SA GEOTHERMAL 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayaw nila sa enerhiyang geothermal
pagkat lokasyon nila'y walang karagatan
ayaw nilang sirain na lang ng kemikal
yaong kanilang tubig at mga palayan
para sa kanila'y perwisyo't suliranin
kaysa serbisyo sa mamamayan and dulot
pag nagkaplantang geothermal sa Irosin
para sa kanila ito'y isang bamgungot
at malapit pa roon ang bulkang Bulusan
na sadyang mapanganib sakaling pumutok
sa dalawang kakaharapin, anong laban
ng taumbayan, dapat na silang lumahok
sa pakikibaka, at huwag hahayaang
maitayo ang banta sa buhay ng bayan

- Irosin, Sorsogon, Oktubre 25, 2014

"Ang Climate Walk ay lakad ng bawat Pilipino" - Comm. Yeb

"ANG CLIMATE WALK AY LAKAD NG BAWAT PILIPINO" - COMM. YEB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nagpapatuloy pa rin ang Climate Walk
at sa adhikain ay nakatutok
patuloy ang pagdami ng kalahok
lahat ay nais marating ang rurok

walang isang organisasyon dito
yaong magsasabing nanguna rito
di lang ito lakad namin o ninyo
ito'y lakad ng bawat Pilipino

- sa konsyerto, gabi, sa church compound, Irosin, Sorsogon, Oktubre 25, 2014

- Comm. Yeb = si Commissioner Naderev "Yeb" Saño ng Climate Change Commission ng Pilipinas, at punong negosyador ng Pilipinas sa United Nations

Malinis pa ang batis sa Barangay Bolos

MALINIS PA ANG BATIS SA BARANGAY BOLOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa Barangay Bolos, kaylinaw pa ng batis
kaysarap maligo sa batis na kaylinis
kaya mga kasama'y di na nakatiis
at pinaliguan ang nangitim na kutis

sa Climate Walk, doon kami nananghalian
habang batis naman ay aking pinagmasdan
malinaw pa ang tubig, huwag pabayaan
ito'y tubig ng buhay nitong sambayanan

malinis pa ang ilog sa Barangay Bolos
tila puso't diwang sa pag-ibig ay taos
kaylinaw, makapananalamin kang lubos
at ang mga kasama sa ligaya'y lipos

tila ba dinadalisay ang ating tindig
at ang pagkakaisa nitong ating tinig
sa Climate Justice, patuloy magkapitbisig
at ang daigdig ay punuin ng pag-ibig

- sa Barangay Bolos, Irosin, Sorsogon, Oktubre 25, 2014

Biyernes, Oktubre 24, 2014

Sa dapithapon ng mga pangarap

SA DAPITHAPON NG MGA PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mapulang araw ang dapithapon sa Casiguran
sa Climate Walk ay tumigil upang iyon ay masdan
lumubog ang araw at lilitaw kinabukasan
tandang may pag-asa pa, dapithapon ma'y magdaan.

tunay ngang dumaratal ang takipsilim sa buhay
ngunit bawat takipsilim ay may bukangliwayway
sa pagdatal ng unos, may pag-asang aagapay
sa bawat bagyo, tao'y nagbabayanihang tunay

sa mga takipsilim ng danas, siphayo't hirap
sumasapit ang dapithapon ng mga pangarap
ngunit sa pagkakaisa natin at pagsisikap
adhikai't minimithi'y atin ding malalasap

- sa bayan ng Casiguran, Sorsogon, Oktubre 24, 2014

Huwebes, Oktubre 23, 2014

Halaga ng magsasaka

HALAGA NG MAGSASAKA 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sabi nila, araw-araw nating kasama
ang magsasaka, wala man sa ating tabi
pagkat kailangan natin ang tulad nila
bawat araw, iba sa pulitikong bingi
ang doktor nga'y di natin laging kailangan
maliban kung malimit tayong magkasakit
abogado'y ating kinakailangan lang
pag sa anumang kaso tayo'y nadadawit
bawat araw kailangan ang magsasaka
upang makakain, magpatuloy ang buhay
sa mundo, magsasaka'y napakahalaga
kaya sila'y ating pangalagaang tunay

- sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2014, kasama ang mga magsasaka, sa Sorsogon Provincial Gymnasium, Sorsogon, Sorsogon, Oktubre 23, 2014

Sa mga Pharaoh Dancers ng Pilar, Sorsogon

SA MGA PHARAOH DANCERS NG PILAR, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Isinalubong ninyo'y katutubong indak
Malumanay, masaya, sa puso'y may galak
Nagbigay-sigla sa mahabang paglalakad
Ng mga nasa Climate Walk na hinahangad
Ay pagkamulat ng nakararaming masa
Sa kinakaharap na nagbabagong klima
Nagsabit pa kayo ng kakaibang kwintas
Sa leeg ng Climate Walkers, ang saya'y bakas
Sa aming mukha, ligaya’y di madalumat
Tanging nasabi namin sa inyo’y salamat
Ang pag-indak ninyo sa puso'y nagpabilis
Inyong ngiti nga sa pagod nami'y nag-alis
Sa inyo, Pharaoh Dancers ng Pilar, Sorsogon
Maraming salamat sa bunying pagsalubong
Munting tulang ito nawa'y inyong mabatid
Pagkat sa Climate Walk, ligaya'y inyong hatid.

- sa aming pagdaan sa hangganan ng Albay at Sorsogon, Oktubre 23, 2014

Miyerkules, Oktubre 22, 2014

Personal at pulitikal ang isyu ng climate change

PERSONAL AT PULITIKAL ANG ISYU NG CLIMATE CHANGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

climate justice ay di lang krusadang personal
higit sa lahat, ito'y isyung pulitikal
kailangang may gawin ang mga nahalal
kailangang kumilos ang ating hinalal

personal dahil nais nating makatulong
kung paano malutas ang kayraming tanong
hinggil sa epekto ng unos at daluyong
na idinulot na problema'y patung-patong

ngunit pag hiwa-hiwalay tayo'y paano
climate change ay isang pulitikal na isyu
mag-usap na ang mga pinuno ng mundo
magkaisa sa solusyong para sa tao

dapat ang mga pinuno'y ating hamunin
kabutihan ng masa'y kanilang tungkulin
sanhi ng climate change, paano lulutasin
dulot ng climate change, paano pipigilin

ito'y di malulutas ng isa-isa lang
mayorya ng bayan ay dapat magtulungan
milyun-milyon kung di man bilyong mamamayan
ay magsama-sama para sa katarungan

at baka huli na ang lahat, lumalala
ating mundo'y unti-unti nang nasisira
kalutasan nito'y tayo rin ang gagawa
halina't kumilos upang tao'y may mapala

- sa Climate Change Academy, Bicol University, Lungsod ng Legaspi, sa lalawigan ng Albay, dito na kami nagpalipas ng magdamag, Oktubre 22, 2014

Kariktan ng Mayon

KARIKTAN NG MAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kitang-kita ang kariktan ng bulkang Mayon
na tila sa puso't diwa ko'y nanghahamon
habang tinatahak ang landas ng kahapon
upang sumamang magbuo ng bagong ngayon
marapat lang tayong magkaisa't bumangon

- habang nilalakbay ang Albay patungong Legaspi City, Oktubre 22, 2014

Ang Climate Song ni Nityalila

ANG CLIMATE SONG NI NITYALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Alpha Walker Nityalila ang kumatha
ng Climate Song na sadyang nagbibigay-sigla
pinamagatang “Tayo Tayo” ay nilikha
para sa Climate Walk, isang kantang pangmadla

awit niyang itinuro sa naglalakad
sa mga programa’y aming ibinubungad
mensahe’y para sa hustisyang hinahangad
climate justice para sa bayang sawimpalad

inawit na namin mula pa sa Luneta
“tanaw na pag-asa’t hustisya’y hintay ka na”
taos na inaawit ng mga kasama
taimtim na inaawit para sa masa

habang inaawit, madarama mo’y galak
at sasabayan pa nila ito ng indak
masaya man, nasa isip ang napahamak
sa bagyong Yolandang sadyang nagbigay-sindak

maraming salamat, Nityalila, sa awit
mensahe nito, nawa’y abot hanggang langit
upang Yolanda, saanma’y di na maulit
nawa mensahe ng kanta’y laging mabitbit

- Travesia Elementary School, Travesia, Guinobatan, Albay, Oktubre 22, 2014, kaarawan ni Nityalila

Adbokasya

ADBOKASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

paano kaya nila natatalos
ang pagkiwal ng madulas na palos
bakit ba ang sugat ay nagnanaknak
bakit dukha'y gumagapang sa lusak
bakit sa dagat ay naglulutangan
ang mga basurang pinabayaan
kailangan pa ba ng isang pantas
upang payak na problema'y malutas
climate justice ba'y dapat kamting ganap
para sa lipunang pinapangarap
may mga tanong na dapat sagutin
may mga adbokasyang dapat tupdin

- Daraga, Albay, Oktubre 22, 2014

Martes, Oktubre 21, 2014

Ang solar suitcase ni kasamang Albert

ANG SOLAR SUITCASE NI KASAMANG ALBERT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang solar suitcase ni kasamang Albert ay atraksyon
na kanyang hila-hila sa paglalakad maghapon
minsan ang humihila niyon ay si kasamang Ron
minsan din ay pinahila niya sa akin iyon
ramdam ko'y lumakas, tila ni-recharge ako niyon

mabuti't yaong solar suitcase ay kanyang dinala
pagkat natataguyod ang solar na enerhiya
alternatibong kuryenteng sa araw kinukuha
renewable energy itong di usok ang dala
na kung gagamitin ng marami'y tulong sa masa

hila'y solar suitcase sa kilo-kilometrong lakad
kasabay ng Climate Walk na climate justice ang hangad
kung buti ng enerhiyang solar ay malalantad
enerhiya itong sa buong bansa'y mapapadpad
asahang kuryente'y mura kundi man walang bayad

paggamit ng solar na enerhiya'y ating gawin
saanman tayo tumungo, ito'y palaganapin
saanmang bayan, malinis na enerhiya'y kamtin
wala nang fossil fuels na kailangang sunugin
wala nang polusyon, madarama'y sariwang hangin

- Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

- maraming salamat kay kasamang Albert Lozada ng Greenpeace

Anong klaseng daigdig ang ating iiwan sa kanila?

ANONG KLASENG DAIGDIG ANG ATING IIWAN SA KANILA?
ni Gregorio V Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

natutunaw na yelo, nasirang kalupaan
anong klaseng daigdig ang ating maiiwan
sa henerasyon ngayon, wasak na kagubatan
patay na karagatan, mininang kabundukan

paano ssasabihin sa ating mga apo
wala kaming ginawa noong bata pa ako
pulos kasiyahan lang nang magbinata ako
di kami nakialam sa nangyari sa mundo

mahalaga'y kumita ng malaking salapi
mga puno sa gubat ang siyang naging susi
pagmimina sa bundok ay malaking bahagi
sa pangangailangan ng malalaking suki

nang delubyo'y dumating, lahat ay nagpulasan
kanya-kanyang hanap na'y sariling kaligtasan
iba'y pinabayaan, di na nila malaman
paano lulutasin ang abang kalagayan

ganti ng kalikasan, patuloy ang emisyon
ng mga industriya't ang hangin ay nilason
animo ang daigdig ay napuno ng karbon
ang mga magaganda'y agad nitong nilamon

mag-isip-isip tayo, maruming daigdig ba?
sa ating mga apo'y marapat ipamana?
nagugulumihanan, tutunganga ka lang ba?
aba'y kaibigan ko, mag-isip-isip ka na!

- sa Joemalyn Bakeshop and Minimart, Brgy. Agos, Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

Lunes, Oktubre 20, 2014

Ang huling tao

ANG HULING TAO 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano kung ikaw na lang ang huling tao
di dahil sa bomba nukleyar kundi unos
na higit pa kay Yolanda ang dumelubyo
at sa buhay ng maraming tao'y tumapos

minasdan mo ang mundo, iiling-iling ka
at sinabi mo, "Bakit di ako nakinig?"
sa makapangyarihang bansa'y pangulo ka,
sa United Nations, sila'y nagkapitbisig,

nagkaisa silang bawasan ang emisyon
ng karbon nang di lumala ang kalagayan
bawat bansa'y magsagawa ng mitigasyon
at adaptasyon yaong napagkasunduan

baka mapigil pa ang tuluyang pag-init
ng mundo ng ilang degri, at pagkatunaw
ng malalaking tipak ng yelo, subalit
pangulo kang di nakinig, hanggang malusaw

na ang mga yelo't tumaas na ang lebel
ng dagat, maraming isla ang nagsilubog
dumating ang unos, nagdulot ng hilahil
kayraming namatay, lugar ay nangadurog

ngayon, ikaw na lang ang nalalabing tao
iniisip mo, saan ka na patutungo

habang naglulutangan ang maraming labi
ng mga nangalunod, di na nakaligtas
noon, itinanggi mong climate change ang sanhi
wala kang ginawa upang ito'y malutas

di mo namalayang ikaw na'y humihikbi
hintay mo na lang ang sariling pagkaagnas

- kinatha sa St. Bartholomew of the Apostle Parish, Baao, Camarines Sur, Oktubre 20, 2014

Pagninilay sa 'Reverse Creation'

PAGNINILAY SA 'REVERSE CREATION'
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

naging tampok ang mga kontrabida
o kaya'y naging bida ang di bida
sino ba ang lumikha ng daigdig
Bathala o Tao, O anong lamig
ng dula, tila bumulwak sa diwa
ang kalansing ng mayamang kuhila
sa mundo'y tila sila ang lumalang
at tayo'y kanilang pinaglalangan
kapitalismo't burgesya'y niyapos
habang mga dukha'y binubusabos
sinamba nila ang Bathala dati
ngayon, pera na ang makabubuti
elitista'y kanilang iniluklok
habang masa'y hinayaang malugmok
sila ang lumalang sa naghahari
sinamba ito't ginawang kauri.

- sabayang bigkas at sayaw ng Baao Community College Speech Choir sa pagsalubong sa Climate Walk, Oktubre 20, 2014, Baao, Camarines Sur

Linggo, Oktubre 19, 2014

May rematch ba sa climate change?

MAY REMATCH BA SA CLIMATE CHANGE?
ni Gregorio V. Bituin Jr
11 pantig bawat taludtod

tinalo ni Nicolas si Nonito
sa nakaraan nilang kampyonato
sa ikaanim na round, bagsak ito
napuruhan na ang ating pambato

ngunit kung rematch ay kanyang hilingin
ang tumalo'y muling kakalabanin
ganyan nga pagkat may rematch sa boksing
makakabawi sinumang magiting

ngunit kung sa boksing ay may rematch pa
sa climate change, walang rematch, wala na
kaya pagkilos ay paigtingin na
walang rematch, isang laban lang, isa

katotohanang nakakatulala
marapat natin itong maunawa
wala nang rematch sa climate change, wala
ang magapi ito'y ating adhika

- nang bumagsak Si Filipino Flash Nonito Donaire sa laban nila ni Nicolas Walters ng Jamaica para sa featherweight championship sa StubHub Center, Carson, California, USA, Oktubre 18, 2014

- kinatha sa Lungsod ng Naga, Oktubre 19, 2014

Sabado, Oktubre 18, 2014

Teamwork at ang Climate Walk

TEAMWORK AT ANG CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos ang lakad, naglaro kami ng basketbol
tila di kami pagod, sa bola'y panay ang habol

kita ang saya't pagkakaisa sa bawat isa
mahusay ang teamwork, pati bola'y nakikisama

animo'y sinasabing kung tayo'y magtutulungan
maraming magagawa't problema'y malulunasan

tulad din ng ipinakitang teamwork sa Climate Walk
sa laro nga'y nakita ang tamang labas at pasok

paano ang teamwork sa pandaigdigang usapin
lalo't climate change na itong kinakaharap natin

sapat ba ang paglinang at pagtatanim ng puno
sapat din ba ang ginagawa ng mga pinuno

ng bawat bansa upang Yolanda'y di na maulit
upang mapigilan ang gayong bagyong sakdal-lupit

kailangan ng teamwork sa paghanap ng solusyon
kung paanong may teamwork din ang pagrerebolusyon

- sa Jesse Robledo Coliseum sa Naga City, Oktubre 18, 2014

Si Yolanda ang mukha ng nagbabagong klima

SI YOLANDA ANG MUKHA NG NAGBABAGONG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Yolanda ang mukha ng climate change, si Yolanda
oo, si Yolanda'y mukha ng nagbabagong klima
ipinakita niya bakit dapat kumilos na
ang mamamayan ng mundo upang pigilan sila

daigdig natin ngayo'y nagbabaga, nagbabago
may global warming, nagbabaga, tinunaw ang yelo
sala sa init, sala sa lamig na itong mundo
paano uunawain ang nangyayaring ito

wala, kundi si Yolanda pa ang nagpaliwanag
kung di tayo kikilos, lahat na'y ibabalibag
sa punong usok na atmospera'y sinong papalag
maliitang pagkilos ay tila ba pampalubag

mga bansang industriyalisado'y dapat pigilan
sa pagsusunog ng mga fossil fuels saanman
mga coal-fired power plants ay dapat na ring bawasan
ngunit teka, makikinig ba ang pamahalaan

dapat si Yolanda'y pakinggan ng buong daigdig
ang mensahe niya sa mundo'y nakapanlalamig
mga tulad ni Yolanda'y dapat nating malupig
mamamayan ng mundo, tayo nang magkapitbisig

ang climate change ay tila nakatarak na balaraw
sa ating likod, di ba't dapat nang tayo'y gumalaw?
di dapat ang ating mundo'y unti-unting magunaw
ating ipanawagan sa lahat: "Climate Justice Now!"

- sa kainan sa Brgy. Concepcion Grande, Lungsod ng Naga, tapat ng Viva Home Depot, Oktubre 18, 2014

Biyernes, Oktubre 17, 2014

Bakit kami naglalakad

BAKIT KAMI NAGLALAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit nilalakad ang Luneta tungong Tacloban
nagugulumihanan ang mga bata't matanda 
malimit ding tanong ng nagtatakang mamamayan
may sasakyan naman, pinagod pa ang paa't diwa

madalas may tipid sa ngiting kami'y sumasagot 
siyang tunay, ngunit kaysaya naming naglalakad
kayraming nakilala saanmang lugar umabot
sa Climate Walk, kayo'y aming nakadaupangpalad

kung nagbus o kotse kami, di kayo nakilala
kung sumakay kami, kayo'y amin lang dinaanan
di tayo nagkahuntahan sa paksang iba't iba
tambak pala ang mga isyung dapat paglimian

mga paksa't dalumat, pagnilayan, ibahagi 
lalo na ang dapat gawin pag dumatal ang sigwa
ipaalam bakit climate justice ang minimithi
at sa pagharap sa anumang sigwa'y maging handa

sumama rin upang bisitahin ang mga guho 
masidhi ang kasabikang dalawin din ang masa 
at makikinig sa karaingan nila't siphayo
damhin ang panawagan nilang hustisya, pag-asa

ramdam nami'y kaysaya, pagtanggap ninyo'y kay-init
punung-puno man ng sakripisyo itong Climate Walk
pakiramdam namin, lahat tayo'y magkakapatid
na kapitbisig sa harap ng anumang pagsubok

- Libmanan Operations Center, Libod I, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014

Huwebes, Oktubre 16, 2014

Paglagda sa Commitment

PAGLAGDA SA COMMITMENT 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga pinuno ng baya't lungsod na nakilala
na sa Climate Walk ay buong puso ngang sumuporta
sa commitment signing ay ipinakitang kaisa
may Climate and Disaster Resilience Toolkit pa sila

sa commitment sa Climate Justice, sila'y nagsilagda
sa unang gabi pa lamang doon sa Muntinlupa
at sa ibang lugar na nilakbay ng paa't diwa
kaisa sa mithing kalikasan na'y makalinga

paglagda nila sa commitment ay isang patunay
na kayraming taong may diwa't pusong nagtataglay
ng pagmamahal sa daigdig, kaya lagda'y alay
upang ipaalam sa mundong sila'y nagsisikhay

at sa maraming lugar pa'y magsilbing halimbawa
na sa Climate Justice, kumilos na sila ng kusa

- Activity Center, Municipal Compound, Sipocot, Camarines Sur, Oktubre 16, 2014

Si Malaya

SI MALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Malaya yaong kanyang pangalan
Freedom, independence, kalayaan
Siya'y nakasama sa lakaran
Nakasama ng tatlong araw lang
Umuwi nang kanyang kaarawan.

Siyang may pangalang kakaiba
Na sa Climate Walk nga'y nakiisa
Munting ambag niya'y mahalaga
Kahit nagpaltos ang kanyang paa
Masaya kaming siya'y sumama

Maraming salamat, O, Malaya
Ngalan mo'y tumatak na sa diwa
Ngalang iyan ang aming adhika
Sa mapagsamantala'y lumaya
Para sa klima, kapwa at bansa

- Sipocot, Camarines Sur, Oktubre 16, 2014

Miyerkules, Oktubre 15, 2014

Basang-basa sa ulan

BASANG-BASA SA ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

heto kami, basang-basa sa ulan
naglalakad, walang masisilungan
patuloy na tinatahak ang daan
kahit ang nilalandas na'y putikan

pag-ulan bang ito'y masalimuot?
at tilamsik nito'y nakatatakot?
daan ay maputik, saan susuot?
nasa diwa'y paano na lulusot?

di inalala ang patak ng tubig
nasa gunita'y naiwang pag-ibig
maigi pang pagsinta ang idilig
sa mga layuning nakaaantig

nakakapote kami't nakapayong
habang ulan naman ay sinusuong
at sa taumbayan ay sinusulong
ang misyong sa balikat nakapatong

ipaglaban ang pangklimang hustisya
dito'y pakilusin natin ang masa
pagkakaisa nati'y mahalaga
sa pagharap sa nagbabagong klima

- Ragay National Agricultural and Fisheries School, Liboro, Ragay, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014

Muntikang disgrasya

MUNTIKANG DISGRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

muntikan na kami, oo, muntikan
ragasa, bigla-bigla, sa harapan
biglang nag-overtake ang malaking van
sa bus sa madulas, kurbadang daan
sa kaganapan, kami'y natigilan
agad inapuhap ang kaligtasan
mabuti na lamang, walang nasaktan

dalawang babae'y nasa harapan
pati na ang sa bandila'y may tangan
at sa streamer kami'y apat naman
yaong iba'y nasa aming likuran
nasa likuran din ang kapulisan
sumadsad ang van sa aming kanan
mabuti na lang, di kami nasaktan

ang dalawang babae'y nagyakapan
kami'y kanya-kanya namang takbuhan
saan susuling, kaliwa o kanan
saan tatakbo, di agad malaman
di nakahuma sa kabiglaanan
o, disgrasya, kami'y iyong layuan
maraming salamat, walang nasaktan

yaong van ay agad sinaklolohan
agad na tumulong ang kapulisan
sa kanila'y wala namang nasaktan

at nagpatuloy kami sa lakaran
nawa'y wala nang disgrasyang magdaan
disgrasya nawa'y hindi na dumaan

- nangyari iyon pagkalampas ng Km290, nang ang isang 10-wheeler na van na may plakang UVJ 401 ay mawalan ng preno, bandang 10:20 am, sakop iyon ng Brgy. Comadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014