Biyernes, Oktubre 17, 2014

Bakit kami naglalakad

BAKIT KAMI NAGLALAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit nilalakad ang Luneta tungong Tacloban
nagugulumihanan ang mga bata't matanda 
malimit ding tanong ng nagtatakang mamamayan
may sasakyan naman, pinagod pa ang paa't diwa

madalas may tipid sa ngiting kami'y sumasagot 
siyang tunay, ngunit kaysaya naming naglalakad
kayraming nakilala saanmang lugar umabot
sa Climate Walk, kayo'y aming nakadaupangpalad

kung nagbus o kotse kami, di kayo nakilala
kung sumakay kami, kayo'y amin lang dinaanan
di tayo nagkahuntahan sa paksang iba't iba
tambak pala ang mga isyung dapat paglimian

mga paksa't dalumat, pagnilayan, ibahagi 
lalo na ang dapat gawin pag dumatal ang sigwa
ipaalam bakit climate justice ang minimithi
at sa pagharap sa anumang sigwa'y maging handa

sumama rin upang bisitahin ang mga guho 
masidhi ang kasabikang dalawin din ang masa 
at makikinig sa karaingan nila't siphayo
damhin ang panawagan nilang hustisya, pag-asa

ramdam nami'y kaysaya, pagtanggap ninyo'y kay-init
punung-puno man ng sakripisyo itong Climate Walk
pakiramdam namin, lahat tayo'y magkakapatid
na kapitbisig sa harap ng anumang pagsubok

- Libmanan Operations Center, Libod I, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento