Sabado, Oktubre 4, 2014

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sa bawat hakbang, nasa isip ang sinapit
Ng mga taong kamatayan ang nakamit
Dahil sa bagyong Yolandang sadyang kaylupit
Silang sinalanta't ang buhay ay dinagit.

Sa bawat hakbang, nasa puso ang adhika
Na katarungang pangklima'y ating mapala
Na wala na sanang buhay pang mawawala
Na pagsapit ng unos, bawat isa'y handa.

Sa bawat hakbang, katawan ay natatagtag
Ngunit patuloy tayong magpapakatatag
Sa nangyayari'y hindi dapat maging bulag
Bawat inhustisya'y dapat lamang mabunyag.

Sa bawat hakbang, dapat lang nating singilin
Ang mga sumira ng dagat, lupa, hangin
Ng bayan, ng kultura, ng daigdig natin
Sino't ano ang ugat ay ating alamin.

Sa bawat hakbang, hangad natin ay pag-asa
Ngunit pag-asang may kalakip na hustisya
Hustisya sa bulnerableng bansa at masa
Mula sa epekto ng nagbabagong klima.

Sa bawat hakbang ay ating palaganapin
Ang hustisyang pangklimang ating adhikain
Ang panawagang ito'y dapat lamang dinggin
Para sa kinabukasang kakaharapin.

Ang bawat bukas ay mula sa unang hakbang
Bawat hakbang nating walang makahahadlang
Lalo't adhika'y para sa kinabukasan
Ng ating kapwa, ng daigdig, ng lipunan.

- Sto. Tomas, Batangas, Oktubre 4, 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento