WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy
nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama
kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero
sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos
bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit
walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa
hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?
nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?
di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla
hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid
- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento